Biyernes, Marso 22, 2024

Kalbaryo ng Maralita sa Mayaman St.

KALBARYO NG MARALITA SA MAYAMAN ST.

dumaan sa Daang Mayaman
ang Kalbaryo ng Maralita
kung saan aking dinaluhan
upang makiisa ngang sadya

mula Housing ay nag-Philcoa
sa Daang Masaya lumiko
at sa Mayaman nangalsada
at sa DHSUD kami patungo

nilantad ang sistemang bulok
ng kagawaran sa pabahay
umano'y negosyo ang tutok
kaya dukha'y di mapalagay

nawa ay kanilang makamit
ang karapatang ginigiit

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa kanto ng Mayaman St. at Kalayaan Avenue sa Lungsod Quezon, Marso 22, 2024

Hustisya para kay Killua!

HUSTISYA PARA KAY KILLUA!

pinaslang ang asong si Killua
naluha ang ilan sa artista
extremely heartbreaking, ani Sarah
kaysakit nito, ani Janella

anang ulat, nang aso'y pinaslang
ay sa sako natagpuan na lang
sino kaya ang may kagagawan?
tila may galit sa asong iyan!

kung pinatay siya't isinako
di siya pulutan ng lasenggo
at di kinatay o inadobo
ngunit bakit kinitil ang aso?

dahil ba ngalang Killua'y may Kill?
kaya buhay ng aso'y kinitil?
katukayo niya'y isang hunter
sa palabas na Hunter x Hunter

aso man, hayop ay may buhay din
kapara ng taong may damdamin
kaya ako'y nananawagan din
ng katarungan na sana'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litrato ni Sarah Geronimo mula sa pahayagang Bandera, ni Janella Salvador sa Abante, at aklat na Animal Scene, Volume 23, na nabili ng makatang gala

Nais kong magbigay-tinig

NAIS KONG MAGBIGAY-TINIG

bilang tibak, nais kong bigyang tinig
ang maralitang animo'y nabikig
ang mga api't winalan ng tinig
ang pinagsamantalaha't ligalig

nilalayon ko bilang maglulupa
ang sila'y aking makasalamuha
at sa isyu sila'y mapagsalita
nang karapata'y ipaglabang sadya

bilang makata, aking inaalay
ang aking mga tula't pagsasanay
upang tinig ng dukha'y bigyang buhay
pagkat bawat tula'y kanilang tulay

tungo sa isang bayang makatao
sa lipunang ang palakad ay wasto
sa bansang di sila inaabuso
sa sistemang patas at di magulo

sa ganyan, buhay ko'y nakalaan na
ang bigyang tinig ang kawawa't masa
hustisya'y kamtin at pakinggan sila
ang baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litrato ay notbuk ng makatang gala    

Huwebes, Marso 21, 2024

Kapara mo'y isang tula

i.

kapara mo'y isang tula
na sa panitik ko'y mutya
ako'y tinanggap mong sadya
kahit dukha'y walang wala

sa puso ko'y ikaw lamang
ang laging pinaglalaban
diwa kitang tutulaan
tungong paglaya ng bayan

ii

ikaw ang aking tinta
sa buhay ko'y pag-asa
ako'y di na mag-isa
pagkat kita'y kasama

- gbj,03.21.2024
world poetry day

Tingnan ang dinaraanan

TINGNAN ANG DINARAANAN

tingnan ang dinaraanan
sa gubat ng kalunsuran
o lungsod sa kagubatan
baka may ahas na riyan

pag nakaapak ng tae
tiyak babaho na rine
ibig sabihin, salbahe
kang may kaibang mensahe

ingat, baka ka madulas
sa iyong paglabas-labas
saan mang gubat, may ahas
saan mang lungsod, may hudas

may kasabihan nga noon
dapat marunong lumingon
sa pinanggalingang iyon
may utang kang buhay doon

isang kasabihan pa rin
na dapat nating namnamin:
ang lumakad ng matulin
kung matinik ay malalim

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024 world poetry day

Alay sa World Poetry Day

ALAY SA WORLD POETRY DAY

matulain ang araw na kinakaharap
na puno ng awit sampu ng pinangarap
tila diwa'y nakalutang sa alapaap
bagamat tigib ng lumbay ang nasasagap

pinangarap ng makatang mundo'y masagip
sa unos ng luha't sa matang di masilip
laksang mga kataga'y di basta malirip
na mga talinghaga'y walang kahulilip

ipaglalaban ang makataong lipunan
nakakaumay man ang ganyang panawagan
subalit iyan ang adhikain sa bayan
pati tugma't sukat sa bawat panagimpan

sa mga manunula, ako'y nagpupugay
habang patuloy pa rin ditong nagninilay
lalo na't mga nakakathang tula'y tulay
sa pagitan ng madla't nagkaisang hanay

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024

Bakit?

BAKIT?

bakit ba tuwang-tuwa silang ibukaka
sa mga dayuhan ang ating ekonomya?
bakit payag na gawing sandaang porsyento
na ariin ng dayuhan ang ating lupa?
kuryente, tubig, edukasyon, at masmidya?
bakit natutuwang iboto't makapasok?
yaong dayuhang mamumuhunan kapalit
ng lupaing Pinoy na mapasakanila?
bakit ba natutuwa silang pagtaksilan
ang mamamayan para sa dayong puhunan?
binoto ba nati'y wala nang karangalan?
bakit ba natutuwang ibenta ang bayan?
sa dayuhang kapital, ito'y kaliluhan!
tangi ko lang masasabi, tuloy ang laban!

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024 world poetry day

* litrato mula pahayagang Abante, 03.21.2024, p.3

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND hinanap ko na sa diksyunaryo salin ng BACKGROUND sa Filipino may likuran, karanasan, pondo anong etimolohi...