Sabado, Enero 10, 2026

Humaging sa diwa

HUMAGING SA DIWA

madaling araw pa rin ay gising
sa higaan ay pabiling-biling
dapat oras na upang humimbing
ngunit sa diwa'y may humahaging

di ko mabatid yaong salita
na nais magsumiksik sa diwa
mababatid ko rin maya-maya
at agad ko nang maitutula

marahil dapat muling umidlip
baka naroon sa panaginip
ang salitang nais kong malirip
o baka naritong halukipkip

ayaw akong dalawin ng antok
subalit nais ko nang matulog

- gregoriovbituinjr.
01.10.2026

Biyernes, Enero 9, 2026

Di sapat ang tulog

DI SAPAT ANG TULOG

matutulog na ng alas-diyes
mabuti iyan sa kalusugan
ngunit nagigising ng alas-tres
ng madaling araw, madalas 'yan

limang oras na tulog ba'y sapat?
gayong walong oras yaong payò
bakit alas-tres na'y magmumulat?
walong oras bakit di mabuô?

buting gumising ng alas-sais
mabuti iyon sa kalusugan
sa walong oras ay di na mintis
maganda pa sa puso't isipan 

subalit tambak ang nalilirip 
pag nagising ng madaling araw
isusulat agad ang naisip
kakathâ na kahit giniginaw

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Sa 2nd Black Friday Protest 2026

SA 2ND BLACK FRIDAY PROTEST 2026

di mapapawi ang galit ng sambayanan
laban sa mga nangungurakot sa kaban
ng bayan, buwis na dinambong ng iilan
para sa sarili lang nilang pakinabang

dapat magpatúloy pa ang pakikibaka
laban sa mga kurakot at dinastiya
upang masawata na ang pananalasa
ng kurakot, patuloy tayong magprotesta

kahit di sabay-sabay o marami tayo
ipakitang sa buktot galit na ang tao
kurakot, buktot, balakyot, pare-pareho
silang dapat managot, dapat makastigo

sa pangalawang Black Friday Protest ng taon
patuloy pa rin nating isigaw: IKULONG
na 'yang mga kurakot, trapong mandarambong!
huwag hayaang tumakbo pa sa eleksyon!

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Pasasalamat

PASASALAMAT

salamat sa nagla-like sa tulâ
dahil sa inyo, gising ang diwà
at harayà ng abang makatâ
kahit tigib ng lumbay at luhà

kayo, ang masa, ang inspirasyon
upang ipagpatuloy ang misyon
sa wikang Filipino at nasyon
upang tuparin ang nilalayon

mapagkumbaba akong saludo
sa inyo, kapwa dukha't obrero
kung wala kayo, walâ rin ako
salamat, pagpupugay sa inyo!

tunay ngang ang masa ang sandigan
nitong makatâ para sa bayan
kayrami nating pinagsamahan
at marami pang pagsásamáhan

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Huwebes, Enero 8, 2026

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN

minsan, nakatitig sa kawalan
sa kisame'y nakatunganga lang
o nakatanaw sa kalangitan
kung anu-anong nasa isipan

paligid ay ikutin ng mata
at kayrami nating makikita
isyu, balita, bata, basura
mga paksâ, mga nadarama

madalas ay walang nalilirip
nais lang pahingahin ang isip
nang katauhang ito'y masagip
sa lumbay at dusang halukipkip

narito lang akong nakatanaw
sa malayò, walang tinatanaw
tilà ba ang diwa'y di mapukaw
para bang tuod, di gumagalaw

- gregoriovbituinjr.
01.08.2026

Kape at pandesal

KAPE AT PANDESAL

tarang magkape at pandesal sa umaga
habang patuloy ang buhay na may pag-asa
na nangangarap ng panlipunang hustisya
para sa bayan, uring paggawa, at masa

dapat may laman ang tiyan bago magkape
upang katawan ay maganda ang responde
kainin ang sampung pandesal na binili
habang inaatupag ang katha't sarili

buting nakapag-almusal bago pumasok
sa trabaho, sa pagsulat man nakatutok
manuligsa ng kurakot at trapong bugok
at kumilos din laban sa sistemang bulok

kayraming paksa't isyung nakatitigagal
ay, tara na munang magkape't magpandesal
upang busóg sa pagkilos, di nangangatal
upang sa anumang laban ay makatagal

- gregoriovbituinjr.
01.08.2026

Miyerkules, Enero 7, 2026

Parang lagi akong nagmamadali

PARANG LAGI AKONG NAGMAMADALI

madalas, animo'y nagmamadali
na sa bawat araw dapat may tula
parang oras na lang ang nalalabi
sa buhay ko kaya katha ng katha

palibhasa'y pultaym ang kalagayan
bilang tibak na Spartan, maraos
lang ang araw at gabing panitikan
kung ang mga dukha'y walang pagkilos

kung may pera lamang sa tula, tiyak
may pambayad sa tubig at kuryente
bayaran ang utang na sangkatutak
bilhin ang gustong aklat sa estante

subalit tula'y bisyong walang pera
kahit mayaman sa imahinasyon
sadyang dito'y walang kita talaga
makata'y maralita hanggang ngayon

sana'y makatha ko pa rin ang plano
kong nobelang kikita ng malaki
pangarap na pinagsisikapan ko
iyon man lang ay maipagmalaki

- gregoriovbituinjr.
01.07.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/16i2vk7xMX/ 

Humaging sa diwa

HUMAGING SA DIWA madaling araw pa rin ay gising sa higaan ay pabiling-biling dapat oras na upang humimbing ngunit sa diwa'y may humahagi...