Lunes, Marso 16, 2026

Sa pag-iisa - tanaga baybayin

SA PAG-IISA
sa buhay na'y mag-isa
nang mawala ka, sinta
kaya ako'y nagpasya
tula ko'y gawing kanta
‎- gbj/‎03.16.2026
tanaga baybayin

Awit ng makatang bálo

‎AWIT NG MAKATANG BÁLO
sa buhay na'y mag-isa
nang mawala ka, sinta
kaya ako'y nagpasya
tula ko'y gawing kanta
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.16.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa:

Linggo, Marso 15, 2026

Pagdalo sa Meet and Greet with National Artist Kidlat Tahimik

‎PAGDALO SA MEET AND GREET WITH NATIONAL ARTIST KIDLAT TAHIMIK
‎Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎Nakadalo ako kaninang umaga sa Meet and Greet with KIDLAT Tahimik sa 2nd flr ng Metropolitan Theater (MET) at nagtungo rin sa kanyang exhibit sa ground flr ng MET. Binigyan ko siya ng tatlong aklat ko ng tulâ at salin, nagpa-autograph, at nag-selfie na rin sa kanya.
‎Dumating ako roon ng ikasampu ng umaga, at nag-umpisa na sila. Buti na lang at nakahabol ako, nasa bungad sila ng MET sa unang palapag. Tinalakay muna ng isang emcee ang kasaysayan ng MET. Kailan ito nagsimula? Sino ang mga iskultor? Ano ang mga batas hinggil sa MET? Kailan itinalagang pambansang tanghalan ang MET? Nang magtanong ang emcee kung may gustong magtanong, nagtaas ako ng kamay. Tanong ko ay ang tungkol sa dalawang iskultura o lilok sa magkabilang gilid ng hagdan sa bungad ng MET, at sinabi niyang sina Adan at Eba.
‎Matapos iyon ay nagtungo na kami sa isang malaking bulwagan sa ikalawang palapag ng MET, at doon ay nagtalakay si National Artist for Film Kidlat Tahimik hinggil sa kanyang ginagawang mga pangkasaysayang pelikula, tulad ng ipinalabas kaninang short film na pinamagatang "Memories of Overdevelopment: A Film on Progress" na hinggil kay Enrique de Malacca, isang katutubo. Para bang nais palabasin dito na hindi si Magellan ang unang nag-circumnavigate o nakaikot sa buong mundo dahil napatay siya ni Lapulapu kundi si Enrique mula sa Malacca.
‎Matapos ang may tatlumpung minutong palabas ay nagkaroon ng munting drama monologue si Kidlat Tahimik. Siya pala'y isang Buddhist kaya siya'y maikli ang buhok. Tinalakay rin niya ang ating katutubong konsepto ng kapwa. Lalo na ang kapwa psychology. Ibinilin niyang kung gagawa tayo ng pelikula ay hindi tayo dapat may agiw ng Hollywood sa ating kaisipan, kundi lingunin natin ang ating kasaysayan at ang ating mga kapatid na katutubo.
‎Nasa kalahating oras din iyon, at alas-onse ng umaga ay bumaba na kami at nagtungo sa exhibit ni Kidlat Tahimik. Malaking bulwagan iyon at puno ng kanyang mga ginawa, tulad ng lilok at pinta. Kinunan ng litrato ang ilan niyang gawâ at pumila upang magpapirma kay Kidlat Tahimik at mag-selfie sa kanya.
‎Nagpakilala ako at binigyan ko siya ng aking tatlong aklat, ang "Malayang Salin ng mga Tulâ ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsâ Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Maganda naman ang kanyang isinulat sa aking munting kwaderno: 
‎"Kay Bituin, 
‎Sana ang Indio Genius palagi nasa tula mo. 
‎Kidlat Tahimik."
‎Isang makabagbag damdaming sinulat ng ating National Artist hinggil sa aking pagtulâ. Ang payo niyang iyon ay tagos sa aking puso't isipan.
‎Alas-dose kinse na ako nakalabas doon at kumain sa turo-turo bago bumalik ng ala-una sa MET upang manood naman ng pelikulang Ekstra na pinagbidahan ni Vilma Santos.
KAY KIDLAT TAHIMIK
‎tulad ka ng kidlat na tatahi-tahimik
‎ngunit bituin kang sa sining natititik
‎ang mga likhang obra mo'y nakasasabik
‎sa mga bagong salinlahi'y inihasik
‎isa kang inspirasyon sa maraming tao
‎lalò sa masikhay na makatâ tulad ko
‎ang konsepto ng kapwa'y pinaliwanag mo
‎na ito'y umugit sa pagka-Pilipino
‎salamat sa payo mo sa aking pagkathâ
‎na Indio Genius sana'y lumitaw sa tulâ
‎susundin ko iyon sa pagtula't pagtudlâ
‎nang aking mga tula'y basahin ng madlâ
‎O, Kidlat Tahimik, sa iyo'y nagpupugay
‎ang naritong taguri'y makatâ ng lumbay
‎ang ipinayo mo'y isasapusong tunay
‎upang makata'y maging makatâ ng búhay
‎03.15.2026

Kalendaryong pangmesa

KALENDARYONG PANGMESA

kaygandang bigay ng isang kasama
ako na'y may kalendaryong pangmesa
sa presscon binigay ng tagamidya
sa kanya ang kalendaryong lilima

ang isang kalendaryo'y hiningi ko
pagkat wala pa akong kopya nito
sa misyon ko'y importanteng totoo
lalo't sa pagsasagawa ng plano

walang kalendaryo sa bahay ngayon;
ang Mercury Drug nga'y may taon-taong
kalendaryo na pang-costumer niyon
di ako nakakuha ngayong taon

sa kalendaryong pangmesa, salamat
tulong na ito'y mahalagang sukat

- gregoriovbituinjr.
03.15.2026

Sabado, Marso 14, 2026

Parang gerilya akong nagbenta ng aklat sa Philippine Book Festival 2026

PARANG GERILYA AKONG NAGBENTA NG AKLAT SA PHILIPPINE BOOK FESTIVAL 2026
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakadalawang araw din ako sa apat na araw na Philippine Book Festival 2026, kahapon at ngayon (Marso 13-14) sa SM Megamall. Taon-taon basta may pagkakataon ay sasaglit ako sa anumang book festival, tulad nitong Philippine Book Festival (PBF) at Manila International Book Festival (MIBF) tuwing Setyembre. Sa Buwan ng Sining nitong Pebrero ay nakapagbenta rin ako sa ilang aktibidad.

Salamat at nakabenta rin ng tigatlo kong aklat doon sa ilang mga kakilala at kaibigang manunulat, kina Albert Banico ng 8Letters Publication at awtor ng librong "Ang Paghahanap kay Tapat", Edzel ng San Anselmo Publications, Jason ng Teachers Dignity Coalition (TDC) at may kasamang mga estudyante niya, at Joebert ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Ang tatlo kong libreto'y ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Pawang paksang pulitikal man ang mga nasabing aklat ay kinatha kong may sining ang mga paksa pagkat pawang mga tula.

Ang napagbentahan ko, imbes maipon, ay naibili ko ng mga klasikong aklat na mumurahin subalit kaygandang basahin, tulad ng "Suplungan ng mga Hayop" ng naging "Hari ng Balagtasan" na si Emilio Mar. Antonio, P100, 98 pahina; "Kalmot ng Pusa sa Tagiliran" na kalipunan ng mga tula ni Jim Pascual San Agustin, P100, 126 pahina; "Tatlong Kaisang Puso" ni Lakangiting Garcia, P50, 112 pahina; "Tilamsik ng Panitik" ni Rustica Carpio, P50, 170 pahina; "The Negating Fire and the Affirming Flame: American and Filipino Novels on the Pacific War" ni Elena P. Polo, P50, 164 pahina, at "Imagination's Way" ni National Artist for Literature Gemino H. Abad, P50, 128 pahina. 

Sabi ko nga sa sarili ko, ang ipangkakain ko na lang ay ibinili ko pa ng aklat. Subalit ganyan yata talaga ako, eh.

Pangarap kong magkapwesto rin sa ganoong mga festival ang matagal ko nang itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective na humigit-kumulang dalawang dekada nang umiiral at siyang naglathala ng aking mga aklat mula pa noon. Para tuloy akong gerilya sa pagbebenta ng aklat. Walang pwesto subalit umaasang makabenta ng libro. Mabuti't may mga kaibigan tayong mahilig din sa aklat at panitikan at bumili ng tatlo kong librero. Sa kanila, maraming salamat!

SALAMAT, MGA KAIBIGAN SA PANITIKAN
salamat sa mga katoto't kakilala
‎at sa Philippine Book Festival nakabenta 
‎ng tatlong klase ng aking libretong dala
‎hinggil sa Palestine, Korapsyon, at Hustisya
‎ang nangyaring ito'y di ko malilimutan
at bihirang maganap sa buhay ang ganyan
‎nagkita lang ng kakilala't kaibigan
sa book festival at sila na'y nabentahan

tila ba pinagtiyap ng pagkakataon
nang magkita kami sa ganitong panahon
mga mahilig sa aklat ay nagkatipon
awtor, makata at guro'y nagsama ngayon

ang ibinenta ko'y mga isyung pangmadla
pawang kalagayan ng api't mga dukha
lipunang makatao'y itayo't malikha
nang masa'y tamasahin ang nasang ginhawa

03.14.2026

Maligayang Pi Day sa lahat!

MALIGAYANG PI DAY SA LAHAT!
‎sa matematika, 3.14 ang numerong Pi
‎dahil diyan, ginawang Pi Day ang Marso Katorse
‎mula sa rasyo ng kumperensya ng bilog ang Pi
‎sa diyametro nito, ating suriing mabuti
‎sukat ng bilog, three point fourteen ang kinalabasan
‎di eksakto, tuloy-tuloy at infinite ang bilang
‎mahalaga ito sa mahihilig sa sipnayan
‎na magagamit sa pang-araw-araw na kabuhayan

kamatayan ni Karl Marx at kaarawan ni Einstein
ngayon ay International Day of Mathematics din
na tema ngayo'y "Mathematics and Hope", dinggin natin
mga aral ng sipnayan ay ating sariwain

sa mga sipnayanon o mathematician, tunay
akong nagpupugay sa inyo! mabuhay! mabuhay!
maligayang Pi Day, maglabas ng pie o tinapay
at ipagdiwang ang kahulugan ng Pi sa buhay!

- gregoriovbituinjr.
03.14.2026

* litrato mula sa google

Di mapipigilan ng tulâ ang punglô

‎DI MAPIPIGILAN NG TULÂ ANG PUNGLÔ

“A poem cannot stop a bullet. A novel can't defuse a bomb. But we are not helpless. We can sing the truth and name the liars.” ~ Salman Rushdie
‎di mapipigilan / ng tulâ ang punglô
‎na tama rin naman / pag iyong natantô
‎gusot sa pagitan / ng magulong mundô
‎ay dapat ayusin, / maplantsa nang buô
‎di makakakalas / ng mitsa ng bomba
‎ang mahabang kathâ / nitong nobelista
‎subalit di tayo / kulangpalad, dusta
‎pagkat tayo pa ri'y / may magagawâ pa
‎ang katotohana'y / maaawit natin
‎mapapangalanan / yaong sinungaling
‎di tayo kawawà, / marapat ay gawin
‎sa ikabubuti / ng lahat sa atin
‎tutulan ang digma / ng imperyalismo
‎na dahilan kayâ / tumaas ang krudo
‎ang buhay ng kapwa'y / dapat irespeto
‎ngunit ikulong 'yung / korap sa gobyerno
‎mula sa panulat / ni Rushdie na sikat
‎ay itinulâ ko / ang isiniwalat
‎tumula't tumudlâ / nang makapagmulat
‎akong inyong lingkod / gamit ang panulat 
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.14.2026    

Sa pag-iisa - tanaga baybayin

SA PAG-IISA ‎ sa buhay na'y mag-isa nang mawala ka, sinta kaya ako'y nagpasya tula ko'y gawing kanta ‎ ‎- gbj/‎03.16.2026 tanaga...