Sabado, Disyembre 31, 2022
Sa pagyao ng Lumang Taon
SA PAGYAO NG LUMANG TAON
siyang tunay, napakarami ng sana
sana walang maputulan ng daliri
at walang tamaan ng ligaw na bala
sana walang disgrasya o aksidente
halina't iwanan na ang Lumang Taon
nang pag-iingay nang di nagpapaputok
salubunging masaya ang Bagong Taon
kahit usok dito'y nakasusulasok
ang Lumang Taon na'y talagang lilisan
at Bagong Taon bukas ay isisilang
sana'y wala nang mga trapo't haragan
na nagsasamantala sa sambayanan
pag Bagong Taon ba'y dapat Bagong Yugto?
tulad ng magsintang puno ng pagsuyo
kahit mga problema'y di pa maglaho
lipunang makatao sana'y matayo
- gregoriovbituinjr.
12.31.2022
* litrato mula sa google
Opo, may bayad na ang bus carousel
OPO, MAY BAYAD NA ANG BUS CAROUSEL
hanggang ngayon na lang ang libreng sakay
sa bus carousel na nagsilbing tunay
sa pasahero, madlang mananakay
at bukas may bayad na ang pagsakay
kaya maghanda na ng pamasahe
iyan ngayon ang kanilang mensahe
sana'y makaupo ng kumportable
tungong trabaho't nais bumiyahe
opo, may bayad na ang bus carousel
tulad ng dati't di na mapipigil
sangkatutak man ang dusa't hilahil
tuloy pa rin ang buhay, walang tigil
- gregoriovbituinjr.
12.31.2022
Biyernes, Disyembre 30, 2022
Magtangkilikan
MAGTANGKILIKAN
patuloy na tinatangkilik
dahil sa mga akda'y hitik
at sa diwa'y namumutiktik
kaya ito'y nakasasabik
katulad din ng tangkilikan
sa produktong likha'y tulungan
magkaalaman, magpalitan
tangkilikan ay bayanihan
ang akda mo'y babasahin ko
ang tula ko'y tutunghayan mo
magpalitan ng kuro-kuro
at magbalitaan ng isyu
manghaharana sa diwata
baka sagutin na ng mutya
at kahit ako man ay lupa
lalambot din sa kanyang luha
panitikan pa'y paunlarin
mga awtor ay tangkilikin
narito'y pamana sa atin
at sa panahon pang darating
- gregoriovbituinjr.
12.30.2022
Sa Rizal Park
SA RIZAL PARK
nagtungo kanina sa Luneta
upang maging saksi, nakiisa
sa paggunita o pag-alala
kay Rizal, bayani't nobelista
doon binitay sa Bagumbayan
na Rizal Park na ngayon ang ngalan;
may dumating ding talaga namang
isinagawa'y palatuntunan
sa diwa tumagos ang mensahe
ng nagwika tungkol sa bayani;
naglitratuhan, pa-selfie-selfie
bilang patunay, ako'y narine
talagang inagahan ang gising
nang sa diwa historya'y tumining
nang magbangon sa pagkagupiling
ang mga anak na nahihimbing
- gregoriovbituinjr.
12.30.2022 (sa ika-126 anibersaryo ng pagbitay kay Gat Jose Rizal)
nagtungo kanina sa Luneta
upang maging saksi, nakiisa
sa paggunita o pag-alala
kay Rizal, bayani't nobelista
doon binitay sa Bagumbayan
na Rizal Park na ngayon ang ngalan;
may dumating ding talaga namang
isinagawa'y palatuntunan
sa diwa tumagos ang mensahe
ng nagwika tungkol sa bayani;
naglitratuhan, pa-selfie-selfie
bilang patunay, ako'y narine
talagang inagahan ang gising
nang sa diwa historya'y tumining
nang magbangon sa pagkagupiling
ang mga anak na nahihimbing
- gregoriovbituinjr.
12.30.2022 (sa ika-126 anibersaryo ng pagbitay kay Gat Jose Rizal)
Pagtakbo
PAGTAKBO
tuloy ang pagtakbo ng panahon
lalo't parating ang bagong taon
alaala na lang ang kahapon
habang sinasalubong ang ngayon
di sapat ang maghanap sa ulap
ano bang bigay ng alapaap
kundi ulan, di makahagilap
ng gintong magwawakas sa hirap
magpatuloy tayo sa pagtakbo
magpahinga pag nahapong todo
mararating din natin ang dulo
habang tangan pa rin ang prinsipyo
ganyan ang buhay ng maralita
umaasa't patuloy ang gawa
panibagong mundo'y malilikha
ng mga kamay na pinagpala
- gregoriovbituinjr.
12.30.2022
Huwebes, Disyembre 29, 2022
Hayop
HAYOP
noong minsang mapunta sa gubat
hayop doon ako'y kinausap
ang agad nilang tanong sa akin
ako ba kaya'y isang hayop din
hayop akong walang kahayupan
pagkat ang nais ko'y kabutihan
ng aking kapwa, anuman sila
basta't may buhay kinikilala
ngunit mayroon pa silang tanong
kilala ko ba ang Haring Leon
o kaya'y ang Dambuhalang Tigre
na nais nilang bigyang mensahe:
kami'y mga hayop ding totoo
maggalangan naman sana tayo
- gregoriovbituinjr.
12.29.2022Hayop
Huwag magpaputok ng baril sa Bagong Taon
HUWAG MAGPAPUTOK NG BARIL SA BAGONG TAON
huwag pong magpaputok ng baril sa pagsalubong
sa Bagong Taon, samo sa mayayabang na maton
huwag pong kalabitin ang gatilyo ng gloc, magnum,
kwarenta'y singko, beretta, sumpak, paltik man iyon
magtorotot na lang, o tansan ay pakalansingin
sa ganito na lang ang paligid ay paingayin
maging ligtas, sarili't pamilya'y ingatan man din
huwag magpaputok upang kapwa mo'y pasayahin
kayrami nang nawalan ng buhay nang matamaan
ng balang ligaw, hiyaw ng pamilya'y katarungan
kung sino ka mang may baril, makonsensya ka naman
baril ay huwag iputok para lang masiyahan
nandyan ang batang sina Stephanie Nicole Ella,
Vhon Alexander Llagas at Rhanz Angelo Corpuz pa
tinamaan ng ligaw na bala, walang hustisya
sinumpak si Ranjelo Nimer, suspek ay huli na
ah, bakit nga ba katarungan ay sadyang kay-ilap
lalo't nabibiktima'y pawang mga mahihirap
huwag balewalain itong simpleng pakiusap
baka may matamaan ka't problema itong ganap
- gregoriovbituinjr.
12.29.2022
Mga pinaghalawan:
https://newsinfo.inquirer.net/333953/shooter-seeks-forgiveness-for-death-of-4-year-old-boy
https://www.ucanews.com/news/girl-killed-by-new-years-eve-stray-bullet/66998
https://www.philstar.com/headlines/2015/01/02/1408601/stray-bullet-kills-girl-another-fights-life
https://www.manilatimes.net/2014/01/01/news/top-stories/infant-killed-by-stray-bullet/64437
Miyerkules, Disyembre 28, 2022
Tsapa
TSAPA
pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan
sa produksyon ang talagang ugat ng kahirapan
iyan lang ang tsapa ng may-ari ng pagawaan
upang obrero'y maapi't mapagsamantalahan
dapat itong mapagtanto ng manggagawa't dukha
upang pagsasamantala'y tuluyan nang mawala
upang sila'y magsikilos sa layuning dakila:
ang itayo ang lipunan ng uring manggagawa
- gregoriovbituinjr.
12.28.2022
* litrato mula sa google
Martes, Disyembre 27, 2022
Paghahanap ng sagot
PAGHAHANAP NG SAGOT
kung di magbasa'y nakatingala
sa langit ng kawalan at sumpa
paano ba tayo sasagupa
kung wala tayong alam sa hidwa
ng nagtutunggaliang puwersa
nitong uring mapagsamantala
marapat lang tayong makibaka
nang mabago ang imbing sistema
nais kong magbasa sa aklatan
ng matematika o sipnayan
ng kasaysayan ng sambayanan
ng paksang ekonomya't lipunan
pormula ba'y dapat sauluhin?
isyu't paksa ba'y kabisaduhin?
o mas dapat itong unawain?
kung bakit may ganyang suliranin?
nagbabakasakaling masagot
ang mga dahilan ng sigalot
nang baya'y mapalaya sa salot
na sistemang bulok at baluktot
- gregoriovbituinjr.
12.27.2022
Palaisipan
PALAISIPAN
samutsaring palaisipan
na sagot ay di na malaman
kailangang imbestigahan
bakit ganito'y nagsulputan
sinisira yaring daigdig
ng gahama't mapangligalig
paano sila mauusig
kung wala sa ating titindig
paano gaganda ang klima
kung coal plants ay tuloy ang buga
patuloy pa ang pagmimina
pagsunog ng fossil fuel pa
kinakalbo ang mga bundok
usok ay nakasusulasok
mga pulitiko ba'y bugok?
dahilan ng sistemang bulok?
ah, pangalagaan ang mundo
na tanging tahanan ng tao
kinabukasan ng kapwa mo
ay pag-isipan ding totoo
- gregoriovbituinjr.
12.27.2022
Malay
MALAY
bakit lagi kang nakikita sa tabi ng parang?
na mga likhang pain ay naroong nakaumang
bakit ka natumba, dahil ba sa bigat ng timbang?
kaya nilanggas ang sugat ng kawalan sa ilang
bakit laging nararanasan ay pagkatuliro?
dahil ba sa maghapong gawain at hapong-hapo?
bakit ang paraluman ay di mo na sinusuyo?
dahil ba naramdaman ay dusa't pagkasiphayo?
bakit nagbabagong klima'y nagdudulot ng sigwa?
tumitindi ang bagyong sa lungsod nagpapabaha
bakit kayraming pulitikong nagpapakatuta?
at sa buwis ng madla'y sadyang nagpapakataba
kayraming tanong na di agad basta nasasagot
lalo kung mapagsamantala ang nakapalibot
na sa salapi't kapangyarihan ay mapag-imbot
kaya bayan ay di makaahon, nakalulungkot
- gregoriovbituinjr.
12.27.2022
Lunes, Disyembre 26, 2022
Tamis
TAMIS
patuloy ang pagkatha't pagsasaling-wika
habang kasama ang mahal kong minumutya
animo'y langgam sa pagsasamang dakila
kung may sulirani'y di na pinalulubha
huwag lamang sanang magkaka-diabetes
ang dalawang pusong pagsinta'y ubod tamis
sa hirap at ginhawa'y magsama't magtiis
habang kinakatha'y nagkapuso ang hugis
- gregoriovbituinjr.
12.26.2022
Pagdalaw sa mga bilanggong pulitikal
PAGDALAW SA MGA BILANGGONG PULITIKAL
sumama kami tungong bilibid
binisita ang mga kapatid
at kasamang doon nangabulid
pamaskong handog ang inihatid
at kami'y nakipagkumustahan
sa loob ano nang kalagayan
pagkain, inumin, kalusugan
mga gamot nilang kailangan
nag-iisip din ng security
silang persons deprived of liberty
upang ipagtanggol ang sarili
sa hirap at sa dusa'y sakbibi
kaunti man ang pamaskong handog
problema yaong mas iniluhog
walang dalaw, puso'y nadudurog
tila buhay nila'y papalubog
nagsiuwian man kami ngayon
subalit di pa tapos ang misyon
paano susulong at tutulong
upang laya'y makamit paglaon
- gregoriovbituinjr.
12.26.2022
Linggo, Disyembre 25, 2022
Ngiti sa ham
NGITI SA HAM
kaysarap sa puso ang ngiti
animo'y sadyang bumabati
aniya: Maligayang Pasko!
di man ito mula sa labi
o di man mula sa kalahi
hinati lang ni misis ang ham
na talagang katakam-takam
nang mapansin ang korteng ngiti
tila ba dusa'y mapaparam
at gaganda ang pakiramdam
pag ganito ang nakita mo
isang ngiting tila totoo
habang nakipagtalamitam
kay misis, napangiting todo
tila nga kayganda ng mundo
- gregoriovbituinjr.
12.25.2022
Karraang at karso
KARRAANG AT KARSO
sa pagitan ng wikang Ingles at Kastila
mayroong dalawang Ilokanong salita
na maganda rin namang ating maunawa
nang maibahagi't magamit din ng madla
pugon na hinukay sa lupa ang karraang
sa bukid, ang karso ay kubong pahingahan
dalawang salita, buhay sa lalawigan
na sa mga makata'y dagdag-kaalaman
wikang banyaga'y may katumbas pala rito
kaya gamitin ang mga salitang ito
halina't itula ang karraang at karso
upang payabungin ang wikang Filipino
- gregoriovbituinjr.
12.25.2022
* mula sa pahina 585 ng UP Diksiyonaryong Filipino
Pagsasalin
PAGSASALIN
ako'y nagsisikap na makatapos
ng pagsasalin ng marubdob, taos
salit-salit, panaho'y binubuhos
upang magawa ang salin ng lubos
maraming nakalinyang pagsasalin
akda nina Fidel, Che, Marx at Lenin
akda ni Engels ngayon tatapusin
gawing aklat pag natapos isalin
pati tula ng Ingles, Ruso, Pranses
Shakespeare, Mayakovsky, Rimbaud, endares
binabasa't inuunawang labis
may editing, proofreading, kinikinis
pangarap sa mambabasang madla
ang salin ng mga paksa't may-akda
handog sa maralita't manggagawa
upang sa hinaharap maging handa
- gregoriovbituinjr.
12.25.2022
Sabado, Disyembre 24, 2022
Romantik
ROMANTIK
patuloy ang aking paglalambing
nang niyakap ang napiling sining
kahit wala man sa toreng garing
kumakatha kahit nahihimbing
pagkat naroon sa panaginip
ang diwatang walang kahulilip
na ilang beses aking nahagip
na ilang ulit akong nasagip
mula sa pagkalunod at putla
mula sa sumalubong na sigwa
mula sa posas ng pagkadukha
mula sa sugat na nanariwa
salamat sa musa ng panitik
nakakakatha, kunwa'y romantik
kahit ang paksa'y pabalik-balik
kahit na nakaw ang mga halik
lalamunan man ay nanunuyo
sa mutya'y tuloy ang panunuyo
naiibsan ang mga siphayo
habang patuloy lang sa paghayo
- gregoriovbituinjr.
12.24.2022
Laking National
LAKING NATIONAL
bata pa'y doon na bumibili ng aklat
iba't ibang paksa yaong nabubulatlat
napaka-interesante ng nabubuklat
kaya sa aking kapaligiran namulat
may tungkol sa agham, pisika o liknayan,
paboritong matematika o sipnayan,
mga usaping pambayan o panlipunan,
Balagtasan, maikling kwento, panitikan
mga kwentong pambata, Liwayway magazine,
doon ay nagsasaliksik pag may assignment,
doon ang tambayan, sa libro tumitingin
doon ang kitaan pag may kapulong man din
doon nasilayan ang sintang binibini
doon nakita ang guro ko't crush na madre
doon piniling pumunta, imbes sa sine
ngayon ay alam mo na ang aking library
tila nakatuntong ako sa alapaap
pagkat doon nabuo ang mga pangarap,
saknong, talata, taludtod, at pangungusap
kaya dama'y mayaman, kahit naghihirap
- gregoriovbituinjr.
12.24.2022
Biyernes, Disyembre 23, 2022
Suman
SUMAN
mga mumunting suman
na galing Isabela
ang binigay ni Ninang
sa inaanak niya
kaya kami ni misis
ay taos pasalamat
puso'y gintong kilatis
talagang di masukat
one-forth kilong spinach
ang tangi naming handog
mula sa La Trinidad,
Benguet, pampalusog
nagpalitang regalo
nagbigayang totoo
- gregoriovbituinjr.
12.23.2022
Pasya
PASYA
"Paskong-pasko'y bakit aalis?"
ang sita sa akin ni misis
ama't ina ko ba'y di na-miss
mga kinatwiran ko'y mintis
at nagpasyang di na umalis
dahil sa pagsintang kaytamis
- gregoriovbituinjr.
12.23.2022
Balantukan
BALANTUKAN
tadtad nga ba ng sugat kaming maralita
na sa anumang sikap ay walang mapala?
sa ilalim ng sistemang kasumpa-sumpa
sugat maghilom man ay balantukang sadya
saan na patutungo yaring mga hakbang
kung sa sistema'y ilan ang nakikinabang
lalong yumayaman ang tuso't magugulang
habang mga dukha sa pangarap ay lutang
paano pa mapaghihilom yaring sugat
kung pagdaloy ng dugo'y di maampat-ampat
walang tamis kundi anghang, pait, at alat
ang buhay na iwing danas ay di masukat
maaampat din ang pagsirit nitong dugo
kapag bulok na sistema'y maigugupo
balantukan man ay gagaling, maglalaho
kapag lipunang makatao'y naitayo
- gregoriovbituinjr.
12.23.2022
Huwebes, Disyembre 22, 2022
Bato
BATO
bato-bato sa lupa
tumingin ka't luminga
kundi'y baka madapa
una nguso, sungaba
bato-bato sa langit
sa sulok alumpihit
at natatawang pilit
dahil bata'y makulit
bato-bato sa lungsod
ay nakakatalisod
nang biglang mapaluhod
nasugatan ang tuhod
bato-bato sa ulap
pikit na ang talukap
pagod sa pagsisikap
nang ginhawa'y malasap
bato-batong katawan
matibay sa labanan
ngunit sa niligawan
natamo'y kasawian
- gregoriovbituinjr.
12.22.2022
Tinda sa bus
TINDA SA BUS
ale'y namigay ng papel sa bus
upang paninda niya'y maubos
di man totoo ang nakasulat
ngunit ito'y sapat nang hikayat
may limang anak, nagtitiyaga
kumakatok sa puso ng madla
nagsasakripisyo't nagsisikap
upang sa anak ay may ilingap
sa isang kasabihan, ika nga
kapag may tiyaga, may nilaga
bawat pulburon ay sampung piso
kahit dalawa'y kumuha ako
sa kanya ito'y munti nang tulong
masarap din naman ang pulburon
- gregoriovbituinjr.
12.22.2022
Miyerkules, Disyembre 21, 2022
Huwag ibalik ang tokhang
ani Senador Bato, dapat ibalik ang Tokhang
upang masugpo raw ang droga pati pusong halang
subalit ito ba'y dapat? tingni ang karanasan
tila asong gutom, kabi-kabila ang pagpaslang
dapat namang solusyunan ang drogang anong tindi
lalo't mayorya sa napatay ang nanlaban, sabi
at kayrami pang napatay na batang inosente
tingin sa kanila'y collateral damage, salbahe!
Myca Ulpina ng Rizal, edad ay tatlong taon
edad apat na taon naman si Althea Barbon
Danica Mae Garcia nama'y edad limang taon
si Francis MaƱosca na edad din ay limang taon
si Kian delos Santos ay isa pa sa kanila
na diumano'y nakaluhod nang pinaslang siya
pawang mga mahihirap lang ang mga biktima
baka may iba pang solusyong magawa sa droga
basahin ang akda sa Pilipino Star Ngayon
editoryal, editoryal cartoon at isang kolum
ang Oplan Tokhang ay huwag ibalik, sabi roon
dahil daw operasyong may masamang reputasyon
- gregoriovbituinjr.
12.21.2022
* litrato mula sa Pilipino Star Ngayon, ika-21 ng Disyembre, pahina 4
Sa Disyembre 27
SA DISYEMBRE 27
sa International Day of Epidemic Preparedness
ay ating alalahanin ang mga nangawala
lalo't sa pandemya, buhay ay nawalang kaybilis
kaya maraming pamilya'y nagdamdam at lumuha
dahil sa COVID, Agosto ng nakaraang taon
ang aking tiyahin at ang magkapatid kong pinsan
ay nawala, sumunod sambuwan matapos iyon
kapatid na bunso ni misis, at aking biyenan
para bang sa likod ay tinarakan ng balaraw
kaya sa Disyembre Bente-Syete'y alalahanin
magtirik tayo ng kandila sa nasabing araw
para sa mga na-COVID at nawala sa atin
maging handa tayo sa paparating pang pandemya
sana kayanin ito't maging ligtas bawat isa
- gregoriovbituinjr.
12.21.2022
H.E.A.
H.E.A.
"Nasaan na ang health emergency allowance?"
ang tanong ng manggagawang pangkalusugan
ang hanap nila'y kailan matutugunan?
tanong sa D.O.H., kanilang Kagawaran
sakripisyo ng manggagawa'y malaki na
mula pa nang tumindi noon ang pandemya
kayraming mahal sa buhay ang nawala na
habang patuloy na naglilingkod ang iba
nawa ang kanilang panawagan ay dinggin
pagkat hinihingi nila'y karapatan din
mga manggagawang dapat alalahanin
ang sadya nila'y di dapat balewalain
di man ako manggagawang pangkalusugan
ay nais tumulong sa ganyang panawagan
ito ang aking silbi sa uri't sa bayan
kahit ang tula'y munti, sana'y mapakinggan
- gregoriovbituinjr.
12.21.2022
Pluma
PLUMA
matatag yaring pluma
pag kasama ang mutyĆ¢
dama yaring pag-asa
kaytindi man ng sigwĆ¢
salita'y nahahabƬ
sadyang kawili-wili
siya ang kalahatƬ
niring buhay na iwi
minsang nakatalungkƓ
nasulat ay siphayĆ²
aking siyang sinundƓ
tanging dala'y pagsuyĆ²
- gregoriovbituinjr.
12.21.2022
Tibak
TIBAK
mula noong estudyante'y naging tibak na
nang magkauban ay tibak pa ring talaga
buhay na payak, puspusang pakikibaka
iyan ang prinsipyong sa puso't diwa'y dala
di mo ba nauunawaan ang tulad ko
bata pa'y misyon ko nang maglingkod sa tao,
sa uri't sa bayan, kahit na may delubyo
itatag ang nasang lipunang makatao
labanan ang katiwalia't kasakiman
di lang ng dayuhan kundi ng kababayan
inadhika'y maglingkod sa uri at bayan
at bulok na sistema'y tuluyang palitan
ganyan ang buhay ko'y nais maisalaysay
sa dukha't uring obrero'y lingkod na tunay
nais kong magkaroon ng lipunang pantay
tutuparin ang pakay hanggang sa mamatay
- gregoriovbituinjr.
12.21.2022
Saysay
SAYSAY
di ko hanap noon kung ano ang saysay ng buhay
di ako pilosopikal na tao, siyang tunay
nang maging aktibista'y nakita ko na ang saysay
di na ako naghanap pa't narito na ang pakay
payak na pamumuhay, puspusang pakikibaka
diyan umiinog ang prinsipyo ko't kaluluwa
alay na ang buhay upang mabago ang sistema
at paglaban sa mga tuso't mapagsamantala
di ko pinili ang magpayaman nang magpayaman
kundi guminhawa pati ang buong sambayanan
ang yaman o kayabangan ay aanhin ko naman
kung dangal ng kapwa'y aapakan at yuyurakan
unawa mo ba ang katulad ko't iyo bang watas
sa mga gatla sa noo ko'y iyong mababakas
kaya hayaan lamang sa aking piniling landas
upang aking matupad ang adhika hanggang wakas
- gregoriovbituinjr.
12.21.2022
Martes, Disyembre 20, 2022
Huwag matakot sumubok
HUWAG MATAKOT SUMUBOK
wala namang madali sa buhay na ito
minsan, kayhirap abutin ng pangarap mo
kung di mo susubukan, bigo kang totoo
sa unang hakbang magsimula nang matamo
ang inaasam hanggang marating ang dulo
iyan ang sinabi ni Big George Foreman noon
sa heavyweight ay pinakamatandang kampyon
nang walang talong si Moorer ay pinalamon
ng alikabok, pangalawa nang sinturon
yaon makalipas ang dalawampung taon
tulad niya, sumubok kahit matanda na
nagbalik matapos ang dalawang dekada
kahit kasabayan ay tapos na ang era
Muhammad Ali, Joe Frazier, retirado na
huwag matakot sumubok, ika nga niya
- gregoriovbituinjr.
12.20.2022
Bato sa sapatos
BATO SA SAPATOS
kampyon siyang kilala sa sandaigdigan
nang kanyang binato'y isang palaisipan:
"di mga bundok ang sanhi ng pagkaupos
kundi ang mga bato sa iyong sapatos"
huwag mo lang tingnan ang panlabas na anyo
kundi pati kaloobang di sumusuko
huwag kang humusga batay lang sa nakita
taong mukhang malakas ay bakit tumumba
marahil danas niya ito sa pagtakbo
bahagi ng pagsasanay upang manalo
huwag sisisihin ang bundok na kaytayog
baka di mo dapat akyatin at mahamog
salamat sa tinuran mo, Muhammad Ali
kaya idolo kang talaga ng marami
kaygandang palaisipang isinalaysay
upang makamit din ang asam na tagumpay
- gregoriovbituinjr.
12.20.2022
Tuloy ang paglaban
TULOY ANG PAGLABAN
"lahat tayo'y may kanya-kanyang laban
sa buhay, magpatuloy lang sa laban"
ayon kay Tyson sa isang panayam
na kadalasan na ring panuntunan
ng masa't napagsasamantalahan
kahit sa paghahanap ng hustisya
na napagod man ay walang pahinga
basta't di titigil at patuloy pa
sa walang humpay na pakikibaka
upang kamtin ang asam na hustisya
patuloy ang pakikipagtunggali
upang baguhin ang buhay na sawi
upang palitan ang sistemang imbi
upang maiwasto ang mga mali
upang mapaghilom ang iwa't hapdi
kung sakali mang tayo'y nagigipit
dahil sa mapagsamantala't pangit
at naririnig mo ang bawat impit
subukang magtulungan kahit saglit
nang matamo ang tagumpay at langit
- gregoriovbituinjr.
12.20.2022
Ang payo ng ina ni Evander
ANG PAYO NG INA NI EVANDER
natalo siya sa unang laban
at agad bumitiw sa koponan
at pinabalik siya ng ina
dahil di nagpalaki si nanay
ng bumibitiw o palasuko
pangalwang laban, natalo muli
sa koponan ay agad bumitiw
ngunit agad siyang pinabalik
ng kanyang ina't lumaban uli
ayaw nitong anak ay bibitiw
payo ng ina, huwag susuko
tuloy ang laban, agad humayo
nang maglaon, siya na'y nagkampyon
ang payo ng ina'y naging hamon
upang matupad ang nasa't misyon
talagang sa anak gumagabay
tungong kinabukasan ang nanay
ang mga payo niya'y patnubay
upang kamtin natin ang tagumpay
sa lahat ng ina, PAGPUPUGAY!
- gregoriovbituinjr.
12.20.2022
Lunes, Disyembre 19, 2022
Pagpupugay sa umawit ng ending ng Voltes V
PAGPUPUGAY SA UMAWIT NG ENDING NG VOLTES V
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nabalitaan ko na lang sa social media ang pagkamatay ng umawit ng ending theme song pag natatapos ang isang serye ng Voltes V sa telebisyon. Bata pa ako'y pamilyar na ako sa dalawang theme song ng nasabing anime, na ang opening song ay may umpisang "Tatoe arashi ga hukou tomo" na maaawit din sa videoke.
Subalit ang ending na "Chichi Wo Motomete" ay hindi ko pa nakita sa videoke. Bagamat meron nito ayon sa pananaliksik. Si Ichirou Mizuki, na ang tunay na pangalan ay Toshio Hayakawa ay isinilang noong Enero 7, 1948 at namatay nito lang Disyembre 6, 2022. Siya ay isang Japanese singer, lyricist, composer, voice actor at aktor na kilala sa kanyang mga gawa sa theme song para sa anime at tokusatsu (live action film). Sa loob ng mahigit 50 taon, nakapagtala siya ng mahigit 1,200 kanta para sa pelikulang Hapones, telebisyon, video at video game. Kinikilala siya ng mga tagahanga at kapwa performer bilang Aniki (big brother o Kuya) ng anison, o anime na genre ng musika. Ginawa niya ang singing duo na Apple Pie mula noong 1990 at nilikha ang Anison band na JAM Project noong 2000.
Kilala ko na ang kanyang boses noong aking kabataan, dahil noong ipalabas ang Voltes V noong 1978 sa Pilipinas ay ang boses niya ang umaalingawngaw sa ere pag natapos nang hatiin ni Voltes V ng letrang V ang kanyang kalaban. Ibig sabihin, kada matatapos ang serye ay inaawit ang Chichi Wo Motomete (Searching for Father).
Pinalabas ang Voltes V sa Pilipinas noong Mayo 5, 1978, at tinanggap ni dating pangulong Marcos noong Agosto 27, 1979. Naging kilala ng kabataan ang Voltes V at Mazinger Z, pati Mekanda Robot, at sina Richard at Erica ng Daimos. Subalit pinakasikat talaga si Voltes V.
Sa limang kasapi ng Voltes V, tatlo ang magkakapatid na naghahanap sa kanilang Tatay na minsan na nilang nakasama. Tatay nina Steve Armstrong, Big Bert at Little John si Dr. Armstrong. Si Dr. Ned Armstrong (Kentari Gou) ay pamangkin ng emperador ng Boazanian, muntik nang maging emperador mismo ngunit nakulong dahil sa pagpapanggap bilang isang may sungay na Boazanian, kalaunan ay tumakas sa Daigdig at nagkaroon ng tatlong anak sa tagalupang si Gng. Armstrong (Mitsuyo Guo). Siya ang lumikha ng Voltes Five. Bago pumarito sa Daigdig, nagkaroon siya ng anak sa Boazanian na nagngangalang Bree--ang batang ito ay lumaki sa kalaunan at naging Prince Zardos. Kaya magkakapatid sa ama ang magkakalabang sina Prince Zardos, at sina Steve Armstrong, Big Bert at Little John.
Tinangka kong isalin ang Chichi Wo Motomete sa wikang Filipino. Narito ang liriko ng nasabing awit sa wikang Hapones:
CHICHI WO MOTOMETE
Oya ni hagureta hinadori mo
Itsuka wa yasashii futokoro ni
Aeru ashita mo aru darou
Da no ni naze meguriaenu chichi no kage
Naku mono ka boku wa otoko da
Shinjite'ru shinjite'ru sono hi no koto wo
Kono te de chichi wo dakishimeru hi no koto wo
No ni saku hana mo tsuyukusa mo
Itsuka wa hito to meguriaeru
Kataru yube mo aru darou
Da no ni naze otozurenai shiawase ga
Naku mono ka boku wa otoko da
Taete matsu taete matsu sono hi ga kuru to
Te wo tori chichi wo waraiau hi ga kuru to
Mikadzuki wo oou murakumo mo
Itsuka wa kaze ga fukiharai
Kagayaku yoru mo aru darou
Da no ni naze kiramekanai chichi no hoshi
Naku mono ka boku wa otoko da
Tatakau zo tatakau zo sono hi no tame ni
Kono te ni chichi wo torimodosu hi no tame ni
Narito naman ang English translation (na nakita natin sa internet, sa tulong ni Mr. Google)"
SEARCHING FOR FATHER
There will be a tomorrow
when even this little bird that turned from his parents
can someday return to their kind bosom, right?
Yet why can't I even meet father's shadow?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I believe, I believe in that day,
the day I embrace my father in my arms.
Someday the flowers of the field and grass of the rainy season
shall meet someone.
Perhaps there will come a day I can say so.
Yet why doesn't happiness come?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I shall endure. I shall bear and wait for that day to come,
the day when I can hold father's hand and laugh with him.
Someday the winds shall sweep away
the clouds hung over the crescent moon
Perhaps there will be a brilliant night
Yet why doesn't father's star shine?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I shall fight, I shall fight for that day,
for the day I take back father with my own hands.
Bagamat naglagi ako sa loob ng anim na buwan sa Japan (Hulyo 1988 hanggang Enero 1989) sa Iwate Ken, Hanamaki Shi, ay hindi naman ako magaling talaga sa wikang Hapon, kaunti lang. Kaya sinubukan kong isalin ang Chichi Wo Motomete sa wikang Filipino, mula sa Ingles.
Tinangka kong isalin ang awit na parang tula, na may bilang na labinlimang pantig bagamat di lahat ay may rima o tugma. Ito ang kinalabasan:
PAGHAHANAP KAY AMA
15 pantig bawat taludtod
May bukas maging ibong lumayas sa ama't ina
Na balang araw ay uuwi sa kanila, di ba?
Bakit ang anino ni Ama'y di man lang nakita?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Naniniwala akong araw na yao'y darating,
Na si Tatay ay akin nang mayayakap sa bisig.
Balang araw ay magkakadaupang palad na rin
Yaong bulaklak sa parang at damo sa tag-ulan.
Baka darating ang araw na masabi ko ito.
Ngunit bakit di dumaratal ang kaligayahan?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Titiisin ko't hihintayin ang araw na iyon
Na mahawakan ang kamay ni Ama't makitawa.
Balang araw ay tatangayin ng hangin ang ulap
Na nakabitin sa rabaw ng gasuklay na buwan
Marahil ay mayroong nagliliwanag na gabi
Ngunit bakit di kumikinang ang tala ni Ama?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Lalaban ako, sa pagdating ng araw na iyon,
Ay mababawi ko si Ama gamit yaring kamay.
Narito naman ang inalay kong tula para sa kanya:
ICHIROU MIZUKI
bata pa kami'y kilala na namin ang boses mo
dahil matapos ang Voltes V, iilanlang ito
at mararamdaman sa puso at buto ang tono
kahit di namin nauunawaan ang liriko
sa aming kabataan, alamat ka't inspirasyon
lalo't bahagi kami ng Voltes V Generation
na nang mag-alsa sa Edsa, kami nga'y pumaroon
agad nakiisa sa sambayanang bumabangon
maraming salamat, Ginoong Ichirou Mizuki
at sa walang kamatayang Chichi Wo Motomete
pagkat sa awitin mo'y pinasaya ang marami,
pati sa aming nangarap na bayan ay bumuti
muli, kami sa iyo'y taasnoong nagpupugay
sa Voltes V, at sa awit mo'y mabuhay! Mabuhay!
Pinaghalawan:
https://www.forbes.com/sites/olliebarder/2022/12/12/renowned-japanese-singer-ichiro-mizuki-has-died-at-the-age-of-74/?sh=6635c0a3382a
https://en.wikipedia.org/wiki/Ichirou_Mizuki
https://members.tripod.com/~voltes_5/v5heroes.html
http://www.animelyrics.com/anime/voltesv/chichi.htm
Pagkatha
PAGKATHA
minsan, mahirap ding kumatha
pag di dumapo sa haraya
ang napakagandang diwata
musa ng panitik, paglikha
sa akin niya binubulong
ang samutsaring mga tanong
na kawing-kawing, dugtong-dugtong
na tila baga mga bugtong
wala, wala pang maisulat
dapat yaring mata'y idilat
sa paligid ng parisukat
o bilog ng mundo't mamulat
hanggang sa ako'y napaidlip
ang mutya'y nasa panaginip
na ganda'y walang kahulilip
siyang sa puso'y halukipkip
kung hangin na ay humahaging
sa pamayanan habang himbing
at sa banig pabiling-biling
aba'y magmulat na't gumising
- gregoriovbituinjr.
12.19.2022
Limampu't tatlong medalya
LIMAMPU'T TATLONG MEDALYA
pagpupugay sa mga Pilipinong estudyante
nang makopo nila ang limampu't tatlong medalya
sa Singapore, International Junior Math Olympiad
at sa Vanda Science Global Finals, kahanga-hanga
ang nakamit nila'y dalawampung medalyang ginto,
labing-anim naman ang pilak, labimpitong tanso
tagumpay na para sa ating bansa'y inspirasyon,
sa mag-aaral ngayon at susunod na panahon
nawa'y magpatuloy pa ang ganitong adhikain
upang mga estudyante'y patuloy na aralin
ang sipnayan o matematika sa bayan natin
pati na agham o siyensyang dapat unawain
muli, pagpupugay sa mga estudyanteng Pinoy
inspirasyon kayo sa bayan, kayo'y magpatuloy
nawa'y magamit ninyong wasto ang napag-aralan
sa kabutihan ng kapwa't kaunlaran ng bayan
- gregoriovbituinjr.
12.19.2022
* Young Filipinos once again took center stage and remained unstoppable in the international scene as students of Asian MathSci League, Inc. bagged 53 medals in the International Junior Math Olympiad (IJMO) and the Vanda Science Global Finals in Singapore.
The team collected 20 gold, 16 silver, and 17 bronze medals in the in-person STEAM (Science, Technology, Engineering, Arts, and Mathematics) Ahead competitions that ran from December 3 to 6, 2022.
Mula sa kawing na:
Huwebes, Disyembre 15, 2022
Karapatan ng tao't kalikasan
KARAPATAN NG TAO'T KALIKASAN
siyang tunay, may karapatan din ang kalikasan
tulad ng karapatang pantaong dapat igalang
kaylangan para sa batayang pangangailangan
para sa malinis na tubig, ligtas na tahanan,
karapatan sa pagkain, mabuting kalusugan
sa ganito raw matitimbang ang ating daigdig
sa karapatan ng tao't kalikasan tumindig
halina't kumilos at ito'y ating isatinig
upang mapangalagaan, tayo'y magkapitbisig
upang ang sinumang sumisira nito'y mausig
- gregoriovbituinjr.
12.15.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa Human Rights Festival, na pinangunahan ng grupong IDEFEND, 12.10.2022
Miyerkules, Disyembre 14, 2022
Kaming mga aktibistang Spartan
KAMING MGA AKTIBISTANG SPARTAN
buhay ng aktibistang Spartan ay naiiba
kumikilos kahit maysakit man at matanda na
walang retirement kapag di nabago ang sistema
hanggang kamatayan ay tuloy ang pakikibaka
sinasabuhay ang pagpapakatao't pagtulong
sa kapwa, ang hiwa-hiwalay ay pinagdudugtong
inoorganisa ang masa ng pulu-pulutong
walang pamasahe? lalakarin papuntang pulong
sa harap man ng gutom, dusa't laksang kahirapan
itinataguyod ang Kartilya ng Katipunan
at yakap ang diwa ng makauring tunggalian
upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan
nakikipagkapitbisig sa uring manggagawa
nakikipagtulungan sa hukbong mapagpalaya
kaming aktibistang Spartan ay sumasagupa
at nabubuhay upang kamtin ang bunying adhika
- gregoriovbituinjr.
12.14.2022
Isang tanghaling madilim
ISANG TANGHALING MADILIM
minsan ay pilit na lang tumula
nais lang nila akong tumuga
yantok ang sa ulo ko'y tumama
hanggang sa ako'y maging tulala
anong sakit ng patutugain
di ko malaman anong gagawin
maigi pa kung patutulain
at alam ko anong dapat gawin
dinig ko ang sarili kong impit
pag yaring daliri'y iniipit
talaga pala silang malupit
mga animal na di lang pangit
tabo-tabong tubig pinainom
at inapakan ang tiyang gutom
bibig ay nananatiling tikom
ngunit kamao'y di maikuyom
isa iyong tanghaling madilim
nang ginawa'y karima-rimarim
tila ba malapit na ang lagim
lalo't lahat ng makita'y itim
paano ituwid ang baluktot
at mapanuto ang mga buktot
baka alam mo kung anong sagot
ilatag mong kapara ng hugot
- gregoriovbituinjr.
12.14.2022
* litrato mula sa google
Taong kalye
TAONG KALYE
i
sa pamamasada'y pirmi
ang tsuper na taong kalye
singil niya'y pamasahe
sa pinapasadang dyipni
at dadalhin ka sa ruta
sa tama ka lang pumara
ikaw ay makapupunta
saanmang walang disgrasya
ii.
mayroon ding taong kalye
na iba naman ang siste
pakalat-kalat sa kalye
sumisinghot ng marumi
tila buhay ba'y patapon?
sa araw-gabing polusyon
kung umasta'y isang maton
lagi sa kalye maghapon
iii.
sakay akong pagod sa dyip
sa biyahe'y nakaidlip
kaysama ng panaginip
muntik daw akong mahagip
ng isang dyip na kaytulin
habang ako'y nahihimbing
taong kalye'y luhaan din
mabuti't ako'y nagising
- gregoriovbituinjr.
12.14.2022
Martes, Disyembre 13, 2022
Di lang dayuhan
DI LANG DAYUHAN
di lamang mapang-aping dayuhan
kundi mapang-aping kababayan
at mapagsamantalang iilan
ang dahilan niring kahirapan
at sanhi ng ligalig sa masa
pati kabulukan ng sistema
di lang dayuhan, kababayan pa
ang sanhi ng pagsasamantala
EspaƱa't Amerika'y nanakop
dayuhang mula ibang lupalop
Hapon at marsyalo'y sumalikop
turing sa ati'y para bang hayop
kaya sa mga awit at tula
ay tukuyin ang sanhi sa akda
di lang dayuhan kundi kuhila
at ang sistemang kasumpa-sumpa
- gregoriovbituinjr.
12.13.2022
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Dagdag dugo muli
DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin kaya...
-
SA LILIM NG PUNO kaysarap magsulat sa lilim ng puno ng duhat lalo't dinibdib ang kwento't paksang nadadalumat tilad-tilarin ang usap...
-
NAKAPIKIT "Paano ka ba matulog?" tanong sa akin minsan "Nakapikit." ang payak kong tugon sa katanungan wala lang, iyo...
-
TARANG MAGTSAA tarang magtsaa ng malunggay habang naritong nagninilay pampalusog at pampatibay nitong katawan at ng hanay minsan kailangan ...