Lunes, Hunyo 30, 2025

Sa huling araw ng Hunyo

SA HULING ARAW NG HUNYO

pulos sulat
di maawat
pulos tulâ
ang mahabâ

ang pasensya
habang masa
ninanasa
ay hustisya

iyan pa rin
ang gagawin
tatapusin
ang labahin

magsasampay
magninilay
kahit panay 
luha't lumbay

diwa'y tuon
sa nilayon
inspirasyon
yaong misyon

basahin mo
ang akdâ ko
kahit ako
ay ganito

pag nahagip
ang nalirip
naiisip
ang nasagip

tapusin na
ang giyera
mundo nawa'y
pumayapa

- gregoriovbituinjr.
06.30.2025

Keychain

KEYCHAIN

tila isa na niyang pamana
ang keychain na may aming larawan
ito'y isang remembrance talaga
na aking dapat pakaingatan

gagamitin ko na rin ang susi
sino pa nga bang gagamit nito?
mga Mulawin ba't mga Sangre?
gayong sila'y nasa ibang mundo

ang keychain ay naroon sa kitchen
kung pakikinggan mo'y magkatugma
keychain, nasa kitchen, walang chicken
sa pagtutugma'y nakatutuwa

buti't itong aking diwa'y gising
sa panahong kaysarap magsulat
mamaya'y tiyak nang mahihimbing
upang bukas muli ay magmulat

- gregoriovbituinjr.
06.30.2025

Linggo, Hunyo 29, 2025

Bagong gupit, bagong pagharap sa buhay

BAGONG GUPIT, BAGONG PAGHARAP SA BUHAY

pagdating sa lungsod, plano kong magpagupit
tanda iyon ng bagong pagharap sa buhay
semikalbo ang sa barbero ay sinambit 
at ako nama'y ginupitan niyang tunay

haharapin ang buhay nang wala si misis
haharap sa buhay nang wala ang kabiyak
hindi araw-gabing laging paghihinagpis
dapat patuloy ang buhay sa tinatahak

bagamat may lumbay sa kanyang pagkawala
subalit minsan nga'y aking naitatanong
ilang taon kaya bago muling sumigla?
tulad ng puno bang taon din kung yumabong?

magpapatuloy ang buhay, titindig ako
haharapin anumang sigwa ang dumatal
ayaw ni misis na napapabayaan ko
ang sarili, salamat sa payo ni mahal

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

Subic, sakop pa ba ng U.S.?

SUBIC, SAKOP PA BA NG U.S.?

natanggal higit tatlong dekada na
ang base militar ng Amerika
may panukala mga solon nila:
Subic ay gawing imbakan ng bala

Pilipinas ba'y kanila pang sakop?
ang ating bansa ba'y bahag ang buntot?
ay, tayo pa ba'y kanila pang sakop?
balita itong nakabuburaot

di ba't iyang base na'y pinatalsik
kasama na pati ang Clark at Subic
bantang digmaan ay kanilang hibik
habang tayo rito'y nananahimik

panukala nila'y ating tutulan
halina't kumilos na, kababayan
baka madamay  pa ang mamamayan
sa gerang di naman natin digmaan

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 29, 2025, pahina 3

Lias Bridge sa NLEX

LIAS BRIDGE SA NLEX

pangitain na naman ba ito
galing kaming Lias, nakita ko
nang bumiyahe na galing Baguio:
ang "Lias Bridge" at ang "Tapat sa'yo"

oo, mahal, at nakita ko yaon
kinunan ko ng litrato iyon
nang nasa NLEX kami kahapon
ano kayang kahulugan niyon

nalibing na sa Lias si mahal
katapatang siya'y pupuntahan
ang sa puso't diwa nakakintal
sa undas at kanyang kaarawan 

di lilimutin yaong pangako
sa mundo man, siya na'y naglaho

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

Alapaap

ALAPAAP

kaybilis man nitong sasakyan
di matinag ang alapaap
sa kanyang kinatatayuan
subalit nais kong magagap
arukin ang kadahilanan
ng paghele ng mga ulap

parang kidlat ang kamatayan
na kinuha sa isang iglap
kanina'y kausap mo lamang
ngayon ay nawala nang ganap
sanaysay kong sinulat naman
ay kulang na sa pangungusap

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1HdNCfNGAo/ 

Pagkatha

PAGKATHA

ang pagkatha'y kawili-wili
ngunit pagbabakasakali
sapagkat madalas madugo
ang pinagdaanang proseso

dugo't pawis ang kumakatas
animo'y ritwal ng pag-utas
mainit ay nangangaligkig
pinagpawisan sa malamig

itim na tinta'y pumupula
at sa kwaderno'y nagmamantsa
kayraming dukhang humihibik
na parang kandilang tumirik

sinulat ang dama ng api 
siniwalat ang namumuni

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

Pagbabalik sa lungsod

PAGBABALIK SA LUNGSOD 

nakabalik na sa Maynila
itong pagod kong puso't diwa
mula sa nayon ng diwata
kong minumutya, namayapa

kapayapaan sana'y kamtin
ng magulong daigdig natin
ng rumagasang mga talim
ng nadaramang suliranin

suliranin sana'y malutas
sa mga hidwa makaalpas
kahit sa panahong taglagas
kamtin ang sa sakit ay lunas

magkalunas ang karamdamang
sanhi'y pait pag nalasahan
dapat suriin, pag-isipan
nang makamit ang kasagutan 

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

Sabado, Hunyo 28, 2025

Kayraming talbos sa likodbahay

KAYRAMING TALBOS SA LIKODBAHAY

dumaan muna ng bahay sa La Trinidad
na pitong kilometro lang mula sa Baguio
doon na muna nagpalipas ng magdamag
pagkat sa biyahe'y kaytindi nga ng bagyo

dumating kagabi, at dito na natulog
at ngayong umaga'y maaga nang gumising
sa likodbahay ay kaylalago ng talbos
ng kamote, pang-almusal na uulamin

mamaya kami maglalakbay pa-Maynila
kasamang bibiyahe'y mga kamag-anak
ni misis, at nagnilay matapos lumuha
ng tahimik habang ako na'y nakagayak

kayraming talbos sa likodbahay na iyon
buti kaya'y mamitas at magdala niyon

- gregoriovbituinjr.
06.28.2025

Balakin

BALAKIN

magpasa ng bukrebyu at sanaysay
sa publikasyon tulad ng Liwayway 
sa pagsusulat ay magpakahusay
kwento, pabula, tula'y gawing tulay
katha ng katha, kathang walang humpay

ituloy ang gawaing pagsasalin 
ituloy din ang yakap na tungkulin
ituloy kung may proyektong nabinbin
ituloy na bayaran ang bayarin
ituloy ang pantibak na gawain

naririto akong abang makata 
upang kumatha ng nobela't tula
Liwayway, Taliba ng Maralita
mga isyu ng manggagawa't dukha
kaharap man ay sangkaterbang sigwa

- gregoriovbituinjr.
06.28.2025

Pagtula

PAGTULA

tula ang tugon ko sa depresyon
kung di na makatula paglaon
baka ako na'y dinaklot niyon
at paano na makababangon

tula ng tula, anumang paksa
sa paligid, isyu man ng madla
tula ng tula, tula ng tula
ang gagawin ng abang makata

depresyon nang mawala si misis
luha ko'y bumabalong na batis
durog na puso na'y nagtitiis
sa pagkagupiling ba'y lalabis?

buti't may pagtula akong sining
diwa'y kumakatha kahit himbing
isusulat na lang pag nagising
ang liyab at kirot ng damdamin

- gregoriovbituinjr.
06.28.2025

Biyernes, Hunyo 27, 2025

Paglisan sa Lias

PAGLISAN SA LIAS

lilisan muna pansamantala
upang magtungo sa kalunsuran
buhay na ito'y ganyan talaga
may nauuna, may naiiwan 

subalit ako'y magbabalik din
upang dalawin ang kanyang puntod
undas, bagong taon at bertdey din
kahit ang sapatos ko na'y pudpod 

bagamat di masabing paalam
kundi hanggang pagkikitang muli
maghihilom din ang pakiramdam
sa loob ma'y naroon ang hapdi

lilisan ngunit muling babalik
ang sa kwaderno'y isasatitik 

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

Paruparong puti

PARUPARONG PUTI

paruparong puti ay aking nabidyuhan 
madaling araw noong nakipag-inuman
habang aking mata'y papikit-pikit naman
paruparong puti ba'y anong kahulugan?

siya ba'y tanda ng kaluluwang dumalaw?
siya ba'y nilalang na pangmadaling araw?
para sa tigib ng lungkot o namamanglaw?
isa ba siya sa mga diwatang ligaw?

paniniwala't pamahiing samutsari
na lumilitaw pag may nagdadalamhati 
iba't ibang kulay, may paruparong puti 
"Ikaw ba iyan?" sa labi ko'y namutawi

mabuti na lang at nabidyuhan ko agad
ang pagdalaw niya't mabilis na paglipad
sa pantalon ko pakpak niya'y inilahad
kaygandang mariposang sa akin napadpad 

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19K5FUycre/ 

Pulutang isda

PULUTANG ISDA

tumagay kaming pulutan ay isda
pritong galunggong o kaya'y tilapya
madaling araw ito ang ginawa
habang kwatro kantos ang tinutungga

ulam: galunggong kaninang umaga
kahit tanghali, ulam pa rin siya
kahit hapon, iyon pa rin talaga
pagdating ng gabi'y pinulutan na

kaysimple lang ng buhay, may tanggero
kaylumbay man ng nararamdaman ko
mahalaga'y makisamang totoo
sa kamag-anakan ni misis dito

pakikisama'y sadyang importante
sa panahon ngayong di mo masabi
ngunit patuloy na tutula kami
lalo na't pagtula sa kinakasi

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

Pagtagay

PAGTAGAY

nakita ko silang tumagay
bihira man akong bumarik
habang nadarama ang lumbay
nanilay ay sinasatitik

kwarto kantos tinagay namin
silang sa lamay nagsitulong
kamag-anak ni misis man din
na kasama pa hanggang ngayon

di gaya doon sa Maynila
pinapaikot ng tanggero
dito'y tatagay ka lang sadya
kung gusto, kanya-kanyang baso

tanging masasabi'y salamat
sa katagay, sa lahat-lahat

- gregoriovbituinjr.
06.27.2027

Huwebes, Hunyo 26, 2025

Unang pagdalaw sa sinta

UNANG PAGDALAW SA SINTA

matapos ang pasiyam, saka nakapunta
sa puntod ng tanging asawa't sinisinta
at sinunod ko ang tradisyon ng pamilya
dito sa Barlig para sa aking asawa

hinaplos ko ang kanyang puntod at umusal
ng pangungusap na tigib ng pagmamahal
ng pagsasama sa mundong di man matagal
sa problema, sa saya, maging sa ospital

higit pitong taon mula ikasal kami
nag-ibigang walang anumang pagsisisi
kaming tinalaga ng tadhana, ang sabi
kaming nag-ibigan pa rin hanggang sa huli

salamat, Libay, sa kaytamis mong pag-ibig
kahit sa puntod mo'y nais kong iparinig

- gregoriovbituinjr.
06.26.2025

* dumalaw sa puntod ng ika-3:29 ng hapon at umalis doon nang pumatak na ang ulan

Ulap sa anyong wolfo

ULAP SA ANYONG WOLFO

tila ang ulap ay may anyong wolfo
di lobo na aakalaing balloon
napitikan lang ng kamera rito
habang namamahinga bandang hapon

ang taguyod ko'y wikang Filipino
na isa ko nang niyakap na misyon
tulad ng wolfo na pinapauso
upang ibahin sa lobo na balloon

animo'y wolfo ang aking nakita
na anyo ng naroong alapaap
na agad kong kinuhanan talaga
upang sa sining ay itulang ganap

tila wolfo'y nakatitig sa akin
gabayan ba ako'y kanyang tungkulin?

- gregoriovbituinjr.
06.26.2025

Apoy

APOY

nagluluto ba ng inapuy
o niluluto ay sinangrag
napatitig ako sa apoy
nakatulala, di tuminag

nakakatula ng nalirip
na araw-gabing ginagawa
anumang makita't maisip
na isyu't paksa'y kumakatha

karaniwan man ang usapin
o pambihira man ang isyu
agad na iyong ninilayin
nang malikha'y tula o kwento

sinangrag pala ang ininit
na inagahan ko't ininom
sa sarap ako'y napapikit
nag-almusal na rin at gutom

- gregoriovbituinjr.
06.26.2025

* mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19F9gSyAxe/ 

Miyerkules, Hunyo 25, 2025

Lagaslas ng ilog

LAGASLAS NG ILOG

kaysarap pakinggan ng lagaslas
ng tubig sa dinaanang ilog
sa kalikasang aming nilandas
na laksa ang tutubi't bubuyog 

bahagi pa rin iyon ng ritwal
ng mga katutubo sa patay
na paaagusin ang anuman
upang bumuti ang ating buhay

lagaslas ay pinagnilayan ko
pinakinggan ang bawat pag-usad
ng tubig sa batuhang narito
na buti ng kapwa yaong hangad

lagaslas ay tiyak di hihinto
katiwasayan ang mahahango

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/16u18xRD6W/ 

Siling pasiti

SILING PASITI

kayraming siling pasiti sa bundok 
na mas maanghang sa siling labuyo
kaylilinggit, ngunit tiyak uusok
ka sa anghang pag nalasap mong buo

sa toyo't kamatis, hinalo namin 
upang tilapya't talbos ay sumarap
pasiti ay pampaganang kumain
baka matupad ang mga pangarap

pasiti ay tumutubo sa ilang
pinanguha nang pumunta ng ilog
bagamat sadyang kaytindi ng anghang
sa inuulam ay iyong isahog

kung kapoy ka, kumain ng pasiti
at gaganahan ka sa ganyang sili

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1JJDVz8vCA/ 

Likhang gripo sa bundok

 

LIKHANG GRIPO SA BUNDOK

tinusok lang sa pagitan ng bato
ang palapa ng saging, naging gripo
may panghugas na pag nag-isis tayo
ng mga pinggan, kawali, kaldero

tubig ay mula roon sa palayan
na pampalusog sa mga halaman
kung iinumin ito'y pakuluan
ingat at baka masira ang tiyan

kung magbabanlaw matapos maligo
sa ilog at matanggal yaong hapo
suliranin animo'y maglalaho
bagamat may problema pang naghalo

O, Kalikasan, salamat na tunay
sa lahat ng iyong mga binigay
salamat sa pinalago mong palay
upang bayan ay talagang mabuhay

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/18HGD36CUc/ 

Pangunguha ng cherry tomato

PANGUNGUHA NG CHERRY TOMATO

sa landas na malapit sa ilog
tanim ay mga cherry tomato
aba'y kaysarap lalo na't hinog
ang mumunting kamatis na ito

kaysarap din nitong ipang-ulam
kasama mga nahuling isda
na iniluto at sinabawan
at tiyak, mabubusog kang sadya

habang iyo pa ring naririnig
yaong tubig na lumalagaslas
mga palay din ay nakatindig
ilang linggo pa bago magapas

sa mga bigay ng kalikasan 
kami rito'y nagpapasalamat
sa mga tanim ditong anuman
sa tubig, ilog, ulan, salamat 

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1Ap8Cisznu/ 

Lagaslas sa dalisdis

LAGASLAS SA DALISDIS

may munting talon sa inakyat na dalisdis
sa kabundukang kanina'y aming nilandas
katiwasayan sa puso'y walang kaparis
payapang diwa'y akin namang nawatas

bagamat narito pang nagdadalamhati
lagaslas ay musikang kaysarap pakinggan
ngunit kakayanin ko, puso man ay sawi
at pagkatulala yaong nararamdaman

nasa bundok pa't patuloy na nagninilay
ay, kayrami pang utang na dapat bayaran
nagmumuni-muni sa kabila ng lumbay
ang bawat suliranin ay may kalutasan

nakatitig sa kawalan, kaylayong tingin
habang amihan ay tila may ibinubulong 
habang dumadampi sa pisngi ko ang hangin
kapanatagan ng loob ang isusulong

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/16kK6fc9Gs/ 

Makatâ, makatao, makatayo

MAKATÂ, MAKATAO, MAKATAYO 

"Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley
"Poetry is an echo, asking a shadow to dance." ~ Carl Sandburg 
"Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." ~ Ho Chi Minh

nag-iisang ispesyi ang tao
na kaiba sa hayop at ibon
na kaiba sa isda't dinasour
na kaiba sa reptilya't mammal
na kaiba sa tilas at kagaw
na kaiba sa lamok at bangaw

subalit bakit nagpapatayan
inagaw ang lupang Palestinian
nagdigma ang Israel at Iran
cold war ng Russia at America
digmaan ng Pakistan at India
West Philippine Sea, nais ng China

kaming makata'y ito ang samo:
tayo'y dapat maging makatao
huwag sakim, maging makatayo 
unahin kagalingan ng tao
itigil ang gera doon, dito
nag-iisang ispesyi lang tayo

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* ang pamagat ay mula sa isang aktibidad hinggil sa karapatang pantao
* litrato mula sa google

Angep

ANGEP

may angep o fog sa kabundukan
sa kalapit lang nitong tahanan
kaya umaga'y kayginaw naman
at nanginginig itong katawan

tumatagos sa suot kong jacket
ang nadaramang ginaw, subalit
narito't binidyuhan ang angep
upang maitula ang naisip

ang kapaligiran pa'y mahamog
ang musika'y tilaok ng manok
mamaya'y muling tutungong ilog
upang sa pagligo'y makilahok

ay, angep, tila anghel sa ulap
sa akin animo'y nangungusap:
matutupad ang pinapangarap
na unang nobela'y maging ganap

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* angep - fog sa Ilokano
* bidyong kuha ng makatang gala na mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/AI2EVyG3ac/ 

Tilaok ng manok

TILAOK NG MANOK

madaling araw na
aba'y gumising ka
mag-uumaga na
pagtilaok nila

ako na'y tumayo
antok na'y naglaho
anumang nahulo
ay isulat na po

tila paglalambing
nang ako'y ginising
mula sa paghimbing
at pagkagupiling

ako pa'y nahagok
at napapalunok
nang magsitilaok
itong mga manok 

dapat nang maghanda
sa muling pagkatha
ng tula't pabula
gising na ang diwa

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* munting bidyong kuha ng makatang gala na mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/14x9stKv5y/ 

Gansal sa madaling araw

GANSAL SA MADALING ARAW

ikaw pa rin ang nasa isip
tila ako'y nananaginip
sa dibdib ika'y halukipkip 
sinta kong walang kahulilip

nagising ng madaling araw
lalo't dama ko'y anong ginaw
bumangon, binuksan ang ilaw
habang nasa diwa ko'y ikaw

bawat araw ko'y kakayanin
iyon ang nais mong gagawin
ko, katawan ko'y palakasin
at unang nobela'y tapusin

pag madaling araw babangon
at isip na'y naglilimayon
maraming kabanata roon
ay pagtalakay sa kahapon 

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* GANSAL - katutubong tulang may siyam na pantig bawat taludtod

Martes, Hunyo 24, 2025

Imortal

IMORTAL

sa akin, ikaw na'y imortal
ganyan kita ituring, mahal
sa puso ko, ika'y espesyal
na nilagay ko sa pedestal

nasa dampi ka nitong hangin
nasa ulap sa papawirin
akin kitang titingalain
bituin sa gabing madilim

di mauubos ang salita
kahit maupos ang kandila
imortal ka sa puso't diwa
at buhay ka sa aking tula

ang buti mong taglay palagi
ang kaysarap hagkan mong labi
ang kaygandang mukha mo't ngiti
sa puso ko'y mananatili

- gregoriovbituinjr.
06.24.2025

* larawan mula sa google

Soneto sa pagkakape

SONETO SA PAGKAKAPE

kaylamig sa madaling araw
kaya napabangon sa ginaw
at ngayong umaga'y nagkape
habang isip ay pinutakte
ng samutsaring naninilay
habang dama ang pagkalumbay
may asukal kaya tumamis
ang kape, ingat, diabetes
ay baka naman manligalig
dapat patuloy pang tumindig
habang katawan pa'y malakas
dapat katawan pa'y lumakas
tara, tayo'y magkape muna
lalo't maginaw ang umaga

- gregoriovbituinjr.
06.24.2025

Lunes, Hunyo 23, 2025

Nakakapanibago ang lahat

NAKAKAPANIBAGO ANG LAHAT

nakakapanibago ang lahat
ay, di na pangkaraniwang araw
ang araw-araw na di ko sukat
akalaing lalaging mapanglaw

binubuhay na lang ang makatâ
ng kanyang kasipagang tumulâ
na samutsari ang pinapaksa
para kay misis, para sa madla

kaylambing niyang ngiti'y wala na
di na marinig ang kanyang tawa
kayakap matulog ay wala na
nilalambing-lambing ko'y wala na

buti't may Taliba pa ring dyaryo
na daluyan nitong tula't kwento 
para sa dukha't uring obrero
na asahan pong itutuloy ko

sa uri't bayan pa'y maglilingkod
sariling wika'y itataguyod
ikampanyang itaas ang sahod
kahit ang sapatos ko na'y pudpod

- gregoriovbituinjr
06.23.2025

Pagkakape ng sinangrag

PAGKAKAPE NG SINANGRAG

kung tapuy ay rice wine, ang sinangrag
ay rice coffee, bigas na sinangag
hanggang masunog, pinakuluan
sa tubig nang maging kape naman

tatak sa tasa, may sinasabi
naroon ay "This is you. This is me."
nagsinangrag umaga at gabi
sa sarap nito'y di magsisisi

isa lamang sa natutunan ko
kaysarap, nalasahang totoo
panlinis pa raw ng tiyan ito
pampatatag ng katawa't buto

noong araw, walang gatas kundi am
mula sa bagong aning palay man
nabuhay rito ang kabataan
kaya malalakas ang katawan

maganda ang epekto sa ating
kalusugan, kaygandang inumin
natutunang ito'y gagamitin
upang ang iba'y makainom din

- gregoriovbituinjr.
06.23.2025

Linggo, Hunyo 22, 2025

Salaginto

SALAGINTO

niyayakap daw ako ni misis
dahil sa salaginto sa damit
na bihira nga raw na makita
sabi sa akin ng kanyang kuya

bagamat di ako maniwala
sa pamahiin, tila tulala
sa mga ikinwento sa akin
na kung totoo'y aking dadamhin

ito nga kaya'y pagpaparamdam?
baka halik ng pamamaalam?
may dalawang tulos ng kandila
parang kami, ako'y napaluha

dinalaw ng salaginto ngayon
upang marahil, may ibubulong:
ang pag-ibig ko'y lalaging buo
damhin mo't iya'y di maglalaho

- gregoriovbituinjr.
06.22.2025

Bakit dukha'y dapat mulatin at mag-alsa?

BAKIT DUKHA'Y DAPAT MULATIN AT MAG-ALSA?

"It is also in the interests of the tyrant to make his subjects poor... the people are so occupied with their daily tasks that they have no time for plotting." ~ Aristotle

SURVIVAL VS RESISTANCE

pinananatili nga bang mahirap ang mahirap?
interes raw ito ng namumunong mapagpanggap
pinauso ang ayuda, kunwari'y lumilingap
upang iyang masa, mga tusong trapo'y matanggap

siklo ng buhay ng dukha'y magtrabaho't kumain
di nakikitang trapo'y sanhi ng pagkaalipin
sa kalagayang ito, dapat dukha pa'y mulatin
nang pampulitikang kapangyarihan ay agawin

aba'y ayon kay Aristotle, wala raw panahon
ang mahihirap upang maglunsad ng rebolusyon
ilang siglo na palang napuna, mula pa noon
subalit ito'y nangyayari pa rin hanggang ngayon

dapat bang tigpasin ang ulo ng kapitalismo?
obrero'y hahatian ba ng tubo ng negosyo?
paano mumulatin ang nagdaralitang ito?
paano magkaisa ang dukha't uring obrero?

paano mababago ang dalitang kalagayan
kung ang mayorya ng masa'y kulang sa kamulatan
dapat batid ng dukhang di nila ito lipunan
na kaya pala nilang kamtin ang ginhawang asam

- gregoriovbituinjr.
06.22.2025

* litrato mula sa google

Imbes "pero" ay "ngunit" o "subalit"

IMBES "PERO" AY "NGUNIT" O "SUBALIT"

nagsisimula si Kara David sa "Pero"
sa pagsusulat daw ng iskrip bilang intro
na salitang Kastilang iniiwasan ko
pagkat may katumbas sa wikang Filipino

madalas sa aking pagkatha'y ginagamit
na imbes na "PERO" ay "NGUNIT" o "SUBALIT"
ito'y BUT sa Ingles na palagi kong bitbit
kaya "pero" ay iniiwasan kong pilit

baka sasabihin nilang ako'y purista
wikang Filipino'y tinangkilik talaga
kaya magtataguyod nito'y sino pa ba?
kundi ang gaya kong dukha't lingkod ng masa

gamit sa maralita't uring manggagawà
imbes na sa gahaman, burgesya't kuhilà
halina't itaguyod ang sariling wikà
at nang matangkilik ang katutubong diwà

- gregoriovbituinjr.
06.22.2025

* bidyo mula sa pahina ni Kara David sa kawing na: https://fb.watch/Ank48PGUH_/ 
* paksa'y Scriptwriting Tips: Episode 4 - The Power of 'Pero' in Writing Your Introduction

Sabado, Hunyo 21, 2025

Sa pangungulila, ako'y naghihintay (salin)

SA PANGUNGULILA, AKO'Y NAGHIHINTAY

Nakita ko ang Igorot version ng awiting "In Grief I'm Waiting" sa isa pang songbook na walang pamagat kundi table of contents ang nasa harap na pahina. Binubuo iyon ng 192 pahina. Ang nasabing awit ay Bilang 652 na nasa pahina 190. Katabi niyon ang Igorot version ng Grace Before Meals at Grace After Meals.

Dahil Ingles ang pamagat ay hinanap ko ang English version sa table of contents. Ang bersyong Ingles ay Bilang 269 na nasa pahina 79. Nilitratuhan ko ang bersyong Igorot at bersyong Ingles habang isinalin ko naman ang bersyong Ingles sa wikang Filipino, na tulang may labindalawang pantig bawat taludtod, bagamat walang caesura o hati sa gitna ng taludtod.

Narito ang aking pagkakasalin:

Sa pangungulila, ako'y naghihintay
Habang nasa malayo ka, aking sinta
Ang aking puso'y tigib ng pagmamahal
Na napakamaluwalhati't matapat
Iniluha ko ang mga pinangarap
Na matagal pa rin kitang magsasama
Hanggang sa pagbabalik mo, pag-ibig ko'y 
Magdiringas, Hihintayin pa rin kita

- gregoriovbituinjr.
06.21.2025

Dalawang tulos ng kandila

DALAWANG TULOS NG KANDILA

may dalawang tulos ng kandila
sa tabi ng kanyang hinimlayan
habang naritong sinasariwa
ang aming mga pinagdaanan

tila nakatindig lang ang apoy
di makasayaw dito sa silid
habang dama ko'y kapoy na kapoy
at luha sa pisngi'y nangingilid

tila kami ni misis ang tulos
ng kandila, magkasama lagi,
na balang araw ay mauupos
ngunit pagsinta'y mananatili

sing-init ng apoy ang pag-ibig
di magmamaliw kahit maglaon
na mananaig kahit malamig
ay, kahit malamig ang panahon

- gregoriovbituinjr.
06.21.2025

Biyernes, Hunyo 20, 2025

Yuyeng Bituin Ken Bulan

YUYENG BITUIN KEN BULAN

Sa isang aklat ng awit mula sa Kayan, Tadian, Mountain Province, ay natunghayan ko sa isang awiting Ilokano ang isang taludtod na animo'y paramdam sa akin. Ito'y nasa Awit blg. 239, pahina 99, sa ikalawang taludtod ng ikalawang saknong, na ang nakasulat:

Yuyeng bituin ken bulan
(Sa di maarok na bituin at buwan) - salin ko

Inawit iyon ng mga matatanda habang nakaburol si misis, habang ako'y nakikinig nang mataman. Pamagat ng awit ay "Inggat Tungpal Tanem (Hanggang sa dulo ng libingan)". Isa lang iyon sa halos limampu o animnapung kantang kanilang inawit sa burol mula sa songbook na may 286 na awitin.

Ang nabanggit na taludtod ay malapit sa akin. Pagkat Yuyeng ang palayaw ng aking ama noong kabataan niya sa Batangas. Gregorio o Yuyeng siya. Gregorio Bituin o Yuyeng Bituin, kaya pag nagbabakasyon ako sa nayon ni ama, ang tawag sa akin ng mga pinsan at kababata ay Junior Yuyeng, pagkat junior niya ako. Kaya nang makita ko ang "Yuyeng bituin ken bulan" ay naalala ko ang namayapa kong ama.

Ang yuyeng ay salitang Ilokano sa abyss, chasm, gulf (kalaliman, bangin, look).

Nagkataon lang bang nakita ko ang taludtod na "Yuyeng bituin ken bulan" sa panahon ng pagdadalamhati?

Marahil tinapik ako ni Dad na para bang sinasabing magkikita na sila ng manugang niyang si Libay. Mahal ko po kayo!

- gregoriovbituinjr.
06.20.2025

Yaring puso wari'y hinihiwa

YARING PUSO WARI'Y HINIHIWA

yaring puso wari'y hinihiwa
ng pinong-pino, ng dusa't luha
sapagkat kay-aga mong nawala
kaakuhan ko'y di nakahanda

noong tayo'y nasa ospital pa
umaasa pa tayong dalawa
na gagaling ka pa't lalakas ka
matagal pa tayong magsasama

ay, di ko pa mapaniwalaang
ngiti mo'y di na masisilayan
kundi sa alaala't larawan
na lang, sinta, sa litrato na lang

animo nadaganan ang dibdib
ng sangkaterbang bato sa liblib
na ilog, ang sugat ma'y naglangib
ay balantukang sa luha'y tigib

- gregoriovbituinjr.
06.20.2025

Talasalitaan:
* langib - kusang takip sa sugat na gumaling
* balantukan - gumaling na sugat ngunit di pa naghilom ang loob kaya masakit pa rin

Huwebes, Hunyo 19, 2025

Nakauwi ka na, aking sinta

NAKAUWI KA NA, AKING SINTA 

nakauwi ka na, sinta, sa Barlig
ikaw na punong-puno ng pag-ibig
habang ako'y tigib pa ng ligalig
pagkat wala na yaring iniibig

kaytagal ng ating pinagsamahan
kinasal pitong taon ang nagdaan
magkasamang bumuo ng tahanan
pinaksa ka sa aking panulaan

ikaw ang musa ng aking panitik
nasa lansangan mang araw ay tirik
sa paggawa'y walang patumpik-tumpik
katabi ka'y gagawaran ng halik

sa bahay ninyo'y nakauwi ka na
sa tahanan ng iyong ama't ina
O, Libay, laging nasa puso kita
sinta, hanggang sa muling pagkikita

- gregoriovbituinjr.
06.19.2025

Miyerkules, Hunyo 18, 2025

Nilay

NILAY

di lang ilang araw pagod
di lang ilang araw puyat 
kundi ilang araw tulala

ay, baka di lang ilang araw
baka ilang linggong tulala
baka ilang buwang tulala

subalit dapat magpalakas
at makapag-isip ng tama
dapat huwag magpagutom

huwag laging matutulala
dinggin ang bawat paalala
ni misis, sarili'y ingatan

ay, di ko sukat akalaing
kay-aga niyang mawawala
sa edad apatnapu't isa

ay kay-aga niyang nawala
dalawang beses naospital 
nang tumama sa kanya'y blood clot
kung saan namuo ang dugo

ang una'y sa kanyang bituka
na nilunasan ng blood thinner
ikalawa'y doon sa utak
pagitan ng vein at artery

pagsasama nami'y napugto
nang kanyang buhay ay naglaho

ay, di ko sukat akalaing
kay-aga niyang mawawala 
sa edad na kwarenta'y uno
buhay niya'y agad naglaho

- gregoriovbituinjr.
06.18.2025

Martes, Hunyo 17, 2025

Payo sa tulad kong Libra

PAYO SA TULAD KONG LIBRA

tinapik ako ng malamig na hangin
tulad ng pagtapik ni misis sa akin
habang may musika sa silid ng lumbay
may naggigitara habang naglalamay

di ako naniniwala sa horoscope
subalit payo nito ay tila angkop
gamot daw sa lungkot ang ihip ng hangin
tulad ng tumapik na hangin sa akin

nakahiligan kong bumili ng dyaryo
nagsasagot ng palaisipan dito
sa Bulgar, may horoscope itong katabi
na minsan, mababasa ko ang sinabi

oo, isa akong Libra, Oktubre Dos
kaya horoscope ko'y binasa kong lubos
salamat po sa payo nitong kaysidhi
sa panahon ngayong nagdadalamhati

- gregoriovbituinjr.
06.19.2025

* mula sa horoscope sa pahayagang Bulgar, June 17, 2025, p.9

Sa ikaapatnapung araw ng paglisan

SA IKAAPATNAPUNG ARAW NG PAGLISAN tigib pa rin ng luha ang pisngi talagang di pa rin mapakali manhid ang laman, walang masabi nang mawala na...