Biyernes, Nobyembre 28, 2025

Sa mga bagong pangalan sa Bantayog

SA MGA BAGONG PANGALAN SA BANTAYOG

taaskamaong pagpupugay sa lahat
ng mga bagong pangalang iuukit
doon sa Bantayog ng mga Bayani
sa Nobyembre ng taon kasalukuyan

Nolito H. Acebedo
Nonito A. Aguirre Sr.
Alex Boncayao
Jorge L. Cabardo
Ma. Leticia T. Celestino
Susan Fernandez
Yolanda H. Gordula
Bartolome S. Pasion
Francisco Portem
Roger C. Salas
Carlito R. Semilla

dalawa sa kanila'y naisulat ko
tula't talambuhay ni Alex Boncayao
higit isang dekada nang nakaraan
at ang librong sinalin ko sa Tagalog:
talambuhay ni Bartolome S. Pasion

pagpupugay sa mga bagong bayani
nakibaka sa maling pamamahala
lumaban sa mabangis na diktadura
lumaban upang baguhin ang sistema

ang pagkaukit ng kanilang pangalan
ay palatandaan ng kabayanihan
at ganap na pagkilala nitong bayan
sa nangarap ng makataong lipunan

O, sa inyo, na aming bagong bayani
ang inyong laban ay tinutuloy namin
hanggang makataong lipunan ay kamtin
pagsasamantala'y tuluyang pawiin

tungo sa makataong kinabukasan
walang pang-aapi sa sangkatauhan
mabuhay kayo, mga bayaning hirang
sa inyo'y taospusong pasasalamat

- gregoriovbituinjr.
11.28.2025

Huwebes, Nobyembre 27, 2025

Panalo nga ba?

PANALO NGA BA?

nakasulat: "Lahat ng pack, panalo!"
sa baba: "Smoking causes foot gangrene"
kaya ang tanong: tunay bang panalo?
ang ad ay kabalintunaan man din

sa kabila, "ang paninigarilyo
ay sanhi ng pagkaagnas ng paa"
ngunit sabi'y "Lahat ng pack, panalo'"
sa agnas na paa'y panalo nga ba?"

kabalintunaan ang patalastas
di ka talaga panalo sa ganyan
ngunit dahil negosyante'y malakas
balintuna man, pinagtutubuan

binibilog na ang ulo ng madlâ
subalit ito'y tila balewalâ

- gregoriovbituinjr.
11.27.2025

Sampung pisong buko

SAMPUNG PISONG BUKO

buti na lang, may sampung pisong buko
na araw-araw ay naiinom ko
imbes na soft drinks, lambanog o kape
sampung pisong buko pa'y mas maigi

pagkat pampalakas na ng katawan
ay mabuti pa sa puso't isipan
tubig ng buhay at nakabubuhay
lunas sa karamdaman, pangingimay

sampung pisong buko, napakamura
nagtitinda nito'y kapwa mahirap
h'wag sanang kunin ng kapitalista
baka dukha'y malugi sa sang-iglap

sampung pisong buko'y ating inumin
at magandang kalusugan ay kamtin

- gregoriovbituinjr.
11.27.2025

Nanlaban o di nakalaban?

NANLABAN O DI MAKALABAN?

ang sabi, sila'y nanlaban
sila ba'y nakapanlaban?
o di sila makalaban?
pagkat agad binanatan...

- gregoriovbituinjr.
11.27.2025

* litrato mula sa google

Tahimik na gawain

TAHIMIK NA GAWAIN

kung di kumikilos sa rali sa lansangan
ay binubuhos ang panahon sa pagtulâ
kung di nagbabasa sa sariling aklatan
ay pinagninilayan ang anumang paksâ

kung di nakikibaka laban sa kurakot
nagpapakain ng mga pusà sa labas
kung di sumisigaw laban sa trapo't buktot
naghahanda ng mga gulay pampalakas

kung di lumalahok sa pagkilos ng dukhâ
nagsasalin naman ng akda't dokumento
kung di isang lider ng grupong maralitâ
maglalakad ako't lilibutin ang mundo

kung di pa mababago ang sistemang bulok
tutok ko'y sa sipnayan o matematika
kung ang dukha'y di pa mailagay sa tuktok
anang kantang Tatsulok, maglalaba muna

- gregoriovbituinjr.
11.27.2025

Miyerkules, Nobyembre 26, 2025

Ang pusà sa bintanà

ANG PUSÀ SA BINTANÀ

kung siya'y akin lang matatanong
kung bakit naroon sa bintanà
baka siya'y agad na tumugon:
"Gutom na ako. Penge ng isdâ."

siya pala'y parang kumakatok
upang siya'y agad kong mapansin
batid saan ako nakaluklok
upang humingi ng makakain

nagsaing ako't bumiling ulam
may pritong tilapya at may gulay
at tinupad ko ang kanyang asam
natira sa isda ang binigay

sa mga pusa'y maging mabait
parang pakikipagkapwa iyan
kung meron lang, huwag ipagkait
ituring din silang kaibigan 

- gregoriovbituinjr.
11.26.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/1FySuSgDN3/ 

At isinilang ang tatlong kuting

AT ISINILANG ANG TATLONG KUTING

nanganak na pala itong inahing pusâ
na tambay sa tarangkahan ng aming bahay
kayrami ko nang pakakaining alagâ
basta mga dagâ lang ay mawalang tunay

may mga bago ring paglilibangan ako
bibigyan ng tira sa isda, hahaplusin
may mga bagong sasalubong pagdating ko
pag may dalang tira-tira, ipapakain

nadagdag na ang tatlong kuting sa daigdig
marahil matatapang din gaya ng ina
kaya sa mga daga'y may bagong lulupig
habang akong narito'y tutulaan sila

mahal pa sa kilong bigas ang kilong cat food
kaya ibibigay ko'y isda, ulo't hasang
ang mapakain lang sila'y nakalulugod
sana'y lumaki silang malusog, matapang

- gregoriovbituinjr.
11.26.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa: https://www.facebook.com/share/v/19t5tyqfep/ 

Bawat araw, may tulâ

BAWAT ARAW, MAY TULÂ

kahit nasa rali sa lansangan
o kaya'y pagbangon sa higaan
pagkakain ng pananghalian
o kaya'y matapos ang hapunan
titiyaking may tulâ na naman

araw at gabi, ako'y kakathâ
madaling araw, babangon sadyâ
upang kathain ang nasa diwà
nasa kaloobang lumuluhà
samutsaring paksâ, lumilikhâ

bawat araw ay may tulang handog
sa ganyan, pagkatao'y nahubog
sa tula, sarili'y binubugbog
paksa'y bayan, kalikasan, irog
misyon hanggang araw ko'y lumubog

- gregoriovbituinjr.
11.26.2025

Martes, Nobyembre 25, 2025

Alam n'yo ba bakit namumula ang aking mukhâ?

ALAM N'YO BA BAKIT NAMUMULA ANG AKING MUKHA?

alam n'yo ba bakit namumula ang aking mukhâ?
pagkat kaytagal nang nilalait ang aking tulâ
walâ raw sa toreng garing, kampi sa manggagawà 
pulos pakikibaka, palibhasa'y isang dukhâ

ayaw nilang pabigkasin ng tulâ ang tulad ko
pagkat ayaw nilang marinig kung anong totoo
ayaw nilang dinggin ang panunuligsâ sa trapo
ayaw tanggapin ang nilalakò kong pagbabago

unang bira sa akin, katha'y pulos tugma't sukat
ang mga parikala'y kung saan-saan nagbuhat
bakit daw pulos manggagawa't dukha'y minumulat
at binibira ang panginoong burgesya't lahat

pagkat sila ang tiyak na unang matatamaan
silang mga kawatan sa pondo ng ating bayan
silang maliliit na kasabwat sa kurakutan
silang mga lider nitong pulitikong kawatan

ngunit sa pagtulâ ko'y nakatindig ng marangal
bagamat pag tumutulâ minsan ay nauutal
habang tinutuligsa ang dinastiya't kriminal
di ko tatantanan iyang mga trapong pusakal

- gregoriovbituinjr.
11.25.2025

Pangangarap ng gising

PANGANGARAP NG GISING

patuloy ang pangangarap ng gising
mabuti't nangangarap, di na himbing
lalo't pakikibaka'y tumitining
laban sa korapsyon ng magagaling

dapat may pagbabago na sa bayan
lalo na't galit na ang sambayanan
sa trapo't oligarkiyang gahaman
sa dinastiya't burgesyang kawatan

itayo ang lipunang makatao
walang pagsasamantala ng tao
sa tao, di naghihirap ang tao
ang bawat isa'y nagpapakatao

talagang mayaman ang Pilipinas
ngunit kayhirap ng bayang dinahas
hinalal na pulitiko'y naghudas
na pondo'y ninakaw nilang madalas

kaya baguhin natin ang sistema
wakasan ang dinastiya, burgesya,
elitista't tusong oligarkiya
silang yumaman sa likha ng masa

- gregoriovbituinjr.
11.25.2025

Lunes, Nobyembre 24, 2025

Hustisya'y bakit pangmayaman lang?

HUSTISYA'Y BAKIT PANGMAYAMAN LANG?

"At ang hustisya ay para lang sa mayaman!"
- mula sa awiting Tatsulok ng Buklod

buti pa ang / mayayaman, / may due process
kapag dukha, / kulong agad, / anong bilis
nalaglag na / sampung piso / ang pinulot
ninakaw na! / kulong agad / at nanagot!

isang balot / lang na monay / o pandesal
dahil gutom / yaong anak / niyang mahal
ang hiningi, / ninakaw daw / ng kriminal
ba't pag dukha, / turing agad / ay pusakal?
 
bilyong bilyong / pisong pondo / nitong bayan
na ninakaw / ng senaTONg / at TONGgresman
may due process, / di makulong / ang kawatan
hay, sa bansa / ang hustisya'y / bakit ganyan?

baguhin na / itong bulok / na sistema
pagkat tila / pangmayaman / ang hustisya
ang bulok na / lipunan ay / palitan na
nang hustisya'y / matamo rin / nitong masa

- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

* litrato kuha sa Fiesta Carnival, Cubao, QC

National Poetry Day, alay kay Jose Corazon de Jesus

NATIONAL POETRY DAY, ALAY KAY JOSE CORAZON DE JESUS

ang Pambansang Araw ng Pagtulâ
ay inalay sa tanging makatâ
Bayan Ko nga'y siya ang maykathâ
pati na ang tulang Manggagawà

kilala siyang Huseng Batutè
siya'y makatang nananatili
sa pusò ng bayan, na ang mithi
ay kagalingan ng buong lahi

O, Gat Jose Corazon de Jesus
bunying makatâ ng bayang lubos
ang mga tula mo'y tumatagos
sa pusò nitong masa'y hikahos

kaarawan mo'y tinalaga nga
na Pambansang Araw ng Pagtulâ
salamat, O, Dakilang Makatâ
sa pamana mong tagos sa madlâ

- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

* isinilang ang dakilang makatang Jose Corazon de Jesus noong Nobyembre 22, 1894. Itinalagang National Poetry Day ang kanyang kaarawan noong 2022.
* litrato mula sa google

Buwaya, buwitre, at ulupong

BUWAYA, BUWITRE, AT ULUPONG

parang holdaper ng buong nasyon
na harap-harapan ang insersyon
at pagkawat sa pondong dinambong
ng buwaya, buwitre't ulupong

nagkwentuhan ang kunwari'y lingkod:
Buwaya: "Di pa kami mabusog!"
Buwitre: "Di rin kami mabusog!"
Ulupong: "Pag busog na'y tutulog!"

ang mga buwaya'y tuwang-tuwâ
sa sinagpang na pondo ng bansâ
nagbundatan na ang walanghiyâ
at nagsikapalan din ang mukhâ

nanginain ang mga buwitre
ng buwis kaya di makangisi
pondo ng bayan ay sinalbahe
nilang masisibà araw-gabi

at sinagpang ng mga ulupong
ang kaban ng bayan, kinuratong
ng kontrakTONG, TONGresman, senaTONG
ulo nila'y dapat nang gumulong!

- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

Linggo, Nobyembre 23, 2025

BASI (BAwang, SIbuyas)

BASI (BAWANG, SIBUYAS)

pinagsamang sibuyas at bawang
ang pampalakas nitong katawan
na sa baso'y pagsamahin lamang
at agad ko itong babantuan

ng mainit na tubig, talaga
naman, at sadyang gaganahan ka
inumin mo't bisa'y madarama
tila nililinis ang bituka

tawag ko'y BASI BAwang, SIbuyas
kumbaga, ito ang aking gatas
o pagkakain ay panghimagas
kayrami nitong nabigyang lunas

tara, uminom tayo ng BASI
na kaiba sa alak na Basi
tiyak namang di ka magsisisi
kundi magiging super kang busy

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

Ako ma'y isang tinig sa ilang

AKO MA'Y ISANG TINIG SA ILANG

ako'y isa raw tinig sa ilang
walang nakikinig, tila hunghang
kayraming tao sa kalunsuran 
ay tila ba nasa kaparangan 
salitâ nang salitâ nang gising
tulâ ng tulâ ay nanggigising
ng mga tulog na kaisipan
ng mga himbing pa sa higaan
sumisigaw laban sa kurakot
na di napapakinggan ng buktot
na trapo, burgesya, dinastiya,
tusong kuhilà, oligarkiya
nananatiling tinig sa ilang
ang makatang di pinakikinggan 

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

Pasalubong pagsalubong

PASALUBONG PAGSALUBONG

naglalaway ang mga asong galâ
nagngiyawan naman ang mga pusà
habang nasa lunggâ ang mga dagâ
na nanahan sa ilalim ng lupà

nakita nilang ako'y may dalahin
tingin nila, ang dala ko'y pagkain
siyang tunay, na pawang tira lang din
na pasalubong ko sa alagain

natira sa ulam ay hinati ko
sa sumalubong na pusa at aso
may tirang karne, may tinik at ulo
ng tilapya, hati-hating totoo

madalas ganyan ako pag uuwi
dapat may pasalubong, hati-hati
bagamat minsan, wala akong uwi
sa kanilang ulam, kundi ngumiti

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1FoBNUY1mm/ 

Magkaisa laban sa mga korap

MAGKAISA LABAN SA MGA KORAP

magkaisa laban sa mga mapagpanggap
na lingkod bayang sa masa'y pawang pahirap
silang sa pondo ng bayan nagpakasarap
anak nilang nepo'y pulos luhò ang lasap

korapsyon ay patuloy nating tuligsain
tao'y sadyang galit na sa kanilang krimen
sa bayan, nalikhang poot ay tumitining
galit ng mahihirap lalo pang iigting

sobra na, tama na, wakasan ang korapsyon
ibagsak ang buwitreng sa pondo lumamon
ibagsak ang buwayang yumurak sa nasyon
ibagsak ang ahas na buwis ang nilulon

panahon nang magkaisa ng mahihirap
upang maitatag ang lipunang pangarap
palitan na ang sistemang walang paglingap
sa masa na ang buhay ay aandap-andap

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

* alay sa National Poetry Day, 11.22.2025

Sabado, Nobyembre 22, 2025

Maralita laban sa korapsyon!

MARALITA LABAN SA KURAPSYON!

panahon na ngang ating labanan
ang mga kuhila't tampalasan
palitan ang bulok na lipunan
palitan din ang pamahalaan

kinurakot nga ng mga korap
ang buwis natin sa isang kisap
mata, ang pondo'y nawalang ganap
mas naging dehado ang mahirap

buwis ng bayan ang kinurakot
ng mga talipandas at buktot
buwis ng dukha'y pinaghuhuthot
ng lingkod bayang pawang balakyot

marunong ding magalit ang dukha
imbes pondo'y sa bahay at lupa
ang pondo'y kinurakot ngang sadya
ng mga pulitikong kuhila

O, maralita, magalit ka na!
ibagsak na ang oligarkiya,
gahaman, dinastiya, burgesya
baguhin ang bulok na sistema!

- gregoriovbituinjr.
11.22.2025 (National Poetry Day)

Sa Ngalan Ng Tula (ngayong National Poetry Day 2025)

SA NGALAN NG TULA (ngayong National Poetry Day 2025)

ngayong National Poetry Day, tula'y bibigkasin
sa pagtitipon ng kabataang kasama natin
o kaya'y sa pagtitipon ng mga maralita
sa isang komunidad, ngunit konsyerto na'y wala

kasabay ng bertdey ni Jose Corazon de Jesus
unang hari ng Balagtasan, kayhusay na lubos
tema ngayon: "Tula't Tuligsâ Laban sa Korapsyon"
pumapaksa sa mga pulitikong mandarambong

tuligsa laban sa buwayang walang kabusugan
mga kontraktor, senador, konggresistang kawatan
dahil sa bahâ, nabisto ang isyung ghost flood control
na pondo ng bayan ay sa pansarili ginugol

ng mga lingkod bayang buwis nati'y binuriki
ng mga dinastiyang di na dapat manatili
anang makatâ: parusahan ang lahat ng buktot!
sigaw ng masa: ikulong na 'yang mga kurakot!

- gregoriovbituinjr.
11.22.2025

4 na tulang pangkabataan laban sa korapsyon

4 NA TULANG PANGKABATAAN LABAN SA KORAPSYON
(alay sa National Poetry Day, Nobyembre 22, 2025)

Tula 1

NAIS NG KABATAAN
(7 syllables per line)

ang mga kabataan
ang pag-asa ng bayan
ani Gat Jose Rizal
na bayaning marangal

ayaw ng kabataan
kaban ay ninakawan
ng mga lingkod bayang
nagsisilbi sa ilan

kaya aming nilandas
ang pangarap na wagas:
isang lipunang patas
at may magandang bukas

kabataan na'y sangkot
sa paglaban sa buktot
na trapong nangurakot
na dapat mapanagot

iyan ang sigaw namin
ang kurakot ay krimen
sa bayan at sa atin
dapat silang singilin

Tula 2

PONDOHAN ANG EDUKASYON, DI ANG KORAPSYON 
(13 syllables per line)

ang isinisigaw ng kabataan ngayon
pondohan ang edukasyon, di ang korapsyon
sa aming kabataan, ito'y isang hamon
na dapat dinggin ng namumuno sa nasyon

anang DepEd, dalawampu't dalawang klasrum
lamang umano ang nagawâ ngayong taon
sa sanlibo pitong daang target na klasrum 
aba'y wala pa sa isang porsyento iyon

mga bata'y di makapasok sa eskwela
pagkat laging baha sa eskwela't kalsada
sa Bulacan ang flood control ay ghost talaga
mga kontraktor ay nagtabaan ang bulsa

kaya ang panawagan naming kabataan:
edukasyon ang pondohan, di ang kawatan
korap, managot para sa kinabukasan
buwis at pondo ng bayan ay protektahan

mabuhay ang mga kabataan ng masa
at mabuhay ang Partido Lakas ng Masa
para sa kinabukasan ay magkaisa 
korapsyon wakasan! baguhin ang sistema!

Tula 3
PANGARAL NG AKING AMA'T INA
(10 syllables per line)

iginagapang ako ni ama
nang makatapos sa pag-aaral
at inaasikaso ni ina
kaya busog ako sa pangaral 

pinangaralang huwag magnakaw
kahit piso man sa kaibigan
habang pulitiko'y nagnanakaw
ng bilyones sa kaban ng bayan

bakit ang masama'y bumubuti
at ang mga tama'y minamali
baliktad na mundo ba'y mensahe
ng mga pulitikong tiwali

sana makagradweyt pa rin ako
kinabukasa'y maging maayos
habang ako'y nagpapakatao
nakikipagkapwa kahit kapos

Tula 4

KABATAAN PA BA'Y PAG-ASA
(10 syllables per line)

binabahâ kami sa Bulacan
di na makapasok sa eskwela
bahang-baha sa mga lansangan
walang madadaanan talaga

dati may sakahan pa si tatay
ito na'y naging palaisdaan
dati pipitas kami ng gulay
ngayon, nawalâ iyong tuluyan

dati, gagawa kaming proyekto
katulad halimbawa ng parol
ngayon, may proyekto ang gobyerno
ngunit iyon pala'y GHOST flood control

kabataan pa ngâ ba'y pag-asa?
bakit nasa gobyerno'y kurakot
bakit nangyayari'y inhustisya
bakit korap ay dapat managot

kaylaking pwersa ng kabataan
kaya dapat lang kaming lumahok
upang lumikha ng kasaysayan 
na palitan ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr./11.22.2025

Biyernes, Nobyembre 21, 2025

Tulâ 2 sa bisperas ng National Poetry Day

TULÂ 2 SA BISPERAS NG NATIONAL POETRY DAY

salamat sa nagpoprotesta sa Edsa Shrine
pagkat ako'y binigyan ng pagkakataon
na tumulâ sa kanilang kilos protesta
laban sa mga kurakot sa ating bayan

naka-Black Friday Protest ako ng umaga
tumulâ sa Edsa Shrine pagsapit ng gabi
bukas ay National Poetry Day pa naman
araw ng pagtula'y paghandaang mabuti

muli ay taospuso pong pasasalamat
sa lahat ng nagbigay ng pagkakataon
upang sa aktibidad nila'y makabigkas
ng kathang tula sa isyung napapanahon

ito lang kasi ang mayroon ako: TULÂ
na marahil walang kwenta't minamaliit
bagamat tiibak na lingkod ng maralitâ
patuloy na pagkathâ sana'y maigiit

- gregoriovbituinjr.
11.21.2025

Tulâ 1 sa bisperas ng National Poetry Day

TULÂ 1 SA BISPERAS NG NATIONAL POETRY DAY 

akala ko'y makabibigkas ng tulâ kanina
kayâ kay-aga ko, subalit hindi naman pala
baka nakalimutan, o hindi na nailista
ngunit bawal magtampo pag tibak na Spartan ka

kayâ ayos lang ang lahat, na sa totoo'y hindi
kaming mga mandirigma'y sanay nang maduhagi
may next year pa naman, ang sa labi namumutawi
nagkukunwaring okay, pagkat sanay nang masawi

maapi man ang makatang wala sa toreng garing
di man mapagtiwalaan sa tulang nanggigising
nagpapatuloy pa rin madalas mang maliitin
ng mga matataas, ang tula'y di mahihimbing

bukas, National Poetry Day, sana'y makabigkas 
din ng tulâ laban sa korapsyon at mararahas
habang nananawagan ng isang lipunang patas
makipagkapwa't magpakatao ang nilalandas

- gregoriovbituinjr.
11.21.2025

Huwebes, Nobyembre 20, 2025

Ayaw natin sa lesser of two evils

AYAW NATIN SA LESSER OF TWO EVILS

bakit papipiliin ang bayan
sa sabi nga'y "Lesser of Two Evils"
isa ba sa dalawang demonyo
ang magliligtas sa sambayanan?

HINDI, di tayo dapat pumili
sa sinumang demonyo't kawatan
piliin natin lagi'y mabuti
para sa lahat ng mamamayan

ano bang dapat nating piliin?
Kadiliman ba o Kasamaan?
Mandarambong o mga Kawatan?
Kurakot o Kasinungalingan?

piliin natin ang Kabutihan!
ang kabutihan ng Sambayanan
dapat manaig ang Kabutihan
ng bayan, buhay, kinabukasan

ayon nga sa ating Konstitusyon:
ang "Public Office is a public trust"
"Sovereignty resides from the people,
all authority emanates from them."

itayo: Peoples Transition Council
upang iwaksi ang trapo't evil
taumbayan na'y di pasisiil
sa dinastiya, burgesya't taksil

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

* litrato mula sa google

Mag-ingat po

MAG-INGAT PO

mag-ingat po sa nandurukot sa pondo ng bayan
mag-ingat po sa mga nandarambong at kawatan
mag-ingat sa nambuburiki sa kaban ng bayan 
maging alisto lagi tayo, mga kababayan

ibinubulsa ng mga trapo ang ating buwis
nagsipagbundatan kaya sila nakabungisngis
bilyong pisong pondo'y kinurakot, parang winalis
habang sa hirap, karaniwang tao'y nagtitiis

buwayang walang kabusugan, kaylaki ng bilbil
habang mga maralita, sa asin nagdidildil
O, Bayan ko, sa ganyan, kayo pa ba'y nagpipigil?
di pa ba kayo galit sa gawâ ng mga taksil?

sa ganitong nangyayari, bayan ang mapagpasya!
halina't tayo'y kumilos, baguhin ang sistema!
wakasan! kurakot, dinastiya, oligarkiya!
itayo ang lipunang pantay at para sa masa!

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

Hilakbot ng kurakot

HILAKBOT NG KURAKOT

hilakbot ng kurakot
ay nakapanlalambot
dapat silang managot
sa inhustisyang dulot

sa bayang binabalot
ng sistemang baluktot,
oligarkiyang buktot
dinastiyang balakyot

sadyang nakatatakot
ang gawa ng kurakot:
krimeng may pahintulot
di man lang nagbantulot

batas na'y binaluktot
ang kaban ay hinuthot
ang buwis ay dinukot
bilyong piso'y hinakot

ng mga trapong buktot
at kuhilang balakyot
na dapat lang managot
at walang makalusot

bansa'y nangingilabot
sa mga ganyang gusot
krimen nilang dinulot
sa bansa nga'y bangungot

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

* litrato kuha sa Plaza Bonifacio sa Pasig noong Nobyembre 8, 2025, bago magsimula ang Musika, Tula, Sayaw sa "Pasig Laban sa Korapsyon"

Miyerkules, Nobyembre 19, 2025

Sa pagluwas

SA PAGLUWAS

doon sa kanluran / ako'y nakatanaw 
habang makulimlim / yaring dapithapon
hanggang sa nilamon / ng dilim ang araw
tila ba nalugmok / sa tanang kahapon

di lubos maisip / ang kahihinatnan
ng abang makatâ / sa pakikibaka
iwing tula'y punyal / sa abang lipunang
minanhid na nitong / bulok na sistema

sa silangan naman, / aking ninanais
ay maghimagsik na / ang mga naapi:
uring manggagawa't / masang anakpawis
batà, kabataan, / pesante, babae

sa aking pagluwas, / dala'y adhikain
at asam ng bayang / tuluyang lumayà
sa pagiging mga / sahurang alipin
maglingkod nang tunay / sa obrero't dukhâ 

- gregoriovbituinjr.
11.19.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/19jxFVwRDx/ 

Doble presyo na ang okra

DOBLE PRESYO NA ANG OKRA

nuong isang araw, sampung piso
lang ang santaling okra, na lima
ang laman, ngayon na'y bente pesos
ang gayong okra, dumobleng gastos

pamahal ng pamahal ang gulay
bente pesos na rin ang malunggay
pati tatlong pirasong sibuyas
tatlong kamatis na pampalakas

O, okra, bakit ka ba nagmahal?
tulad ka rin ng ibang kalakal
na supply and demand ang prinsipyo
sadyang ganyan sa kapitalismo

mabuting sa lungsod na'y magtanim
bakasakaling may aanihin
bagamat matagal pang tumubò
kahit paano'y may mahahangò

- gregoriovbituinjr.
11.19.2025

Martes, Nobyembre 18, 2025

Radyo

RADYO

madalas, bukas ang radyo sa gabi
makikinig ng awit, sinasabi,
may dramang katatakutan, mensahe,
balita, huntahan, paksa'y mabuti

nilalaksan ko ang talapihitan
upang alulong ay pangibabawan
nang di marinig ang katahimikan
nang mawalâ ang kaba kong anuman

subalit pag pinatay ko ang radyo
nagtitindigan yaring balahibo
pag iyon na, pipikit na lang ako
at tinig ng mutya'y pakikinggan ko

laging gayon pag ako'y managinip
kung anu-ano yaring nalilirip
kapayapaan nawa'y halukipkip
sana'y sanay na sa gayong pag-idlip

- gregoriovbituinjr.
11.18.2025

Pusang galâ

PUSANG GALÂ

may lumapit na namang pusang galâ
sa bahay, tilà hanap ay kalingà
pinatuloy ko sa bahay ang pusà
baka gutom ay mapakain ko ngâ

basta may pusang lumapit sa akin
basta mayroon lang tirang pagkain
tiyak siya'y aking pakakainin
baka siya'y may anak na gutom din

buting gayon kaysa ipagtabuyan
ang pusang dumadalaw sa tahanan
para bang may malayong kaibigan
na kumakatok sa aming pintuan

subalit sa labas pinatutulog
ang mga pusang galâ pag nabusog
may latagan sila kapag inantok
pag nagutom muli, sila'y kakatok

- gregoriovbituinjr.
11.18.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1351776999929255

Lunes, Nobyembre 17, 2025

Sa ika-84 kaarawan ni Dad

SA IKA-84 KAARAWAN NI DAD

aalis ako mamaya sa lungsod
upang dalawin po ang inyong puntod
upang batiin kayong buong lugod
at matagal ako roong tatanghod

salamat sa lahat ng sakripisyo
upang lumaki kaming pasensyoso,
matatag, nakikipagkapwa-tao
sa buhay ay nagsisikap ng husto

ako po'y taospusong nagpupugay
at nagpapasalamat, aming Itay
sa nagawâ po'y naalalang tunay
gabay ka po namin sa bawat lakbay

salamat po sa inyong mga turò
kayâ kami'y talagang napanutò
muli, maligayang kaarawan pô
pagmamahal nami'y di maglalahò

- gregoriovbituinjr.
11.17.2025

Paghahandang maglakbay sa madaling araw

PAGHAHANDANG MAGLAKBAY SA MADALING ARAW

dapat may laman ang tiyan kung bibiyahe
ng madaling araw, ulam man ay kagabi
pa naluto, mag-ingat lang baka matae
sa biyahe, makiramdam nang di magsisi

kaarawan ni Dad, pupuntang lalawigan
upang makita rin ang inang mapagmahal
magdadala rin ng kandilang sisindihan
isang araw lang doon at di magtatagal

gagayak maya-maya, matapos kumathâ
ng tulâ, ito'y bisyong laging ginagawâ
tula'y tulay sa paglilingkod ko sa madlâ
lalo sa uring manggagawa't kapwa dukhâ

maglalakbay akong umuulan sa labas
walang magagawa umulan mang malakas
tutulog na lang sa biyaheng tatlong oras
mahigit, mahalaga'y daratal nang ligtas

ako'y maliligo, magbibihis, kakain
simpleng paghahanda't malayong lalakbayin
katawang lupa'y sa bus na pagpahingahin
na sa pag-idlip ay kayraming ninilayin

- gregoriovbituinjr.
11.17.2025

Linggo, Nobyembre 16, 2025

Mga Buwayang Walang Kabusugan

MGA BUWAYANG WALANG KABUSUGAN

kung si Gat Amado V. Hernandez
ay may nobelang "Luha ng Buwaya"
balak kong pamagat ng nobela:
"Mga Buwayang Walang Kabusugan"

na tumatalakay sa korapsyon
doon sa tuktok ng pamahalaan
iyan ang isa kong nilalayon
kaya buhay pa sa kasalukuyan

kaya inaaral ko ang ulat
bawat galaw ng mga pulitiko
silang anong kakapal ng balat
oligarkiya't dinastiyang tuso

binaha tayo dahil sa buktot
na pulitikong nagsipagbundatan
pondo ng bayan ay kinurakot
ng mga mandarambong o kawatan

kontrakTONG, senaTONG, at TONGgresman
sa bayan ay dapat lamang managot
panagutin, ikulong, parusahan!
ang mga buktot, balakyot, kurakot!

baguhin ang bulok na sistema
nilang buwayang walang kabusugan
nang sila'y di na makabalik pa
nang kaban ng bayan, di na masagpang

- gregoriovbituinjr.
11.16.2025

* litrato mula sa SunStar Davao na nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=1298579265643619&set=a.583843763783843 
* litrato mula sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=1265911858906521&set=pcb.1265914755572898 

Talong at SiBaKa

TALONG AT SIBAKA

talong, SIbuyas, BAwang, KAmatis
ang aking pananghaliang wagas
sa trabaho ma'y punò ng pawis
malasa, ito ang pampalakas

tara, tayo nang mananghalian
kaunti man, pagsaluhan natin
gaano man kapayak ang ulam
kita'y maghating kapatid pa rin

ang SIBAKA ay di mawawalâ
minsan, may karne; madalas gulay
paminsan-minsan naman, may isdâ
dahil sa protina nitong taglay

tulong talaga ang talong dito
mapapalatak, nakabubusog
O, mga kasama ko't katoto
pagsaluhan na ang munting handog

- gregoriovbituinjr.
11.16.2025

This is where your taxes go: KURAKOT!

THIS IS WHERE YOUR TAXES GO: KURAKOT!

saan napunta ang buwis ng taumbayan?
tanong iyan ng ating mga kababayan:
OFW, manggagawa, kabataan,
kababaihan, dukha, simpleng mamamayan

saan? nasa bulsa ng buwayang kurakot!
saan pa? sa bulsa ng buwitreng balakyot!
saan pa? sa bulsa ng tongresistang buktot!
ha? sinagpang pa ng ahas! nakalulungkot!

buwis iyon ng bayan! bakit ibinulsa?
para sana di binabaha ang kalsada
bata'y walang bahang papasok sa eskwela
obrero'y walang baha tungo sa pabrika

ay, kayrami palang buwaya sa Senado
insersyon sa badyet, sa ghost project daw ito
pulos mga buwitre naman sa Kongreso
na badyet sa Malakanyang ay aprubado

O, kababayan, anong dapat nating gawin
kung tayo ang botante't employer nila rin
mga kurakot ay ating pagsisibakin!
sa halalan, sila'y huwag nang panalunin!

- gregoriovbituinjr.
11.16.2025

* litrato mula sa google

Sabado, Nobyembre 15, 2025

Ihing kaypalot

IHING KAYPALOT

naamoy ko ang palot na iyon
habang lulan ng dyip tungong Welcome
Rotonda, kaytinding alimuom
na talaga ngang nasok sa ilong

sa pader, ihi'y dumikit dito
kaya pulos karatula rito
saanman magawi ay kita mo
may pinta: Bawal Umihi Dito

kayhirap maamoy ang mapalot
dahil sa ilong ay nanunuot
di pupwede sa lalambot-lambot
baka hinga'y magkalagot-lagot

dapat umihi pag naiihi
kung pantog puputok nang masidhi
subalit saan tayo gagawi
kung walang C.R. nang di mamanghi

kailan pa tao matututo
pader ay di ihiang totoo
upang di magkasakit ang tao
upang di labag sa batas ito

- gregoriovbituinjr.
11.15.2025

A-kinse na

A-KINSE NA

may kwento noong ngayo'y aking naalala:
minsan daw ay lumindol doon sa pabrika
sigaw ng isa: nakupo! katapusan na!
ang sagot ng isa: a-kinse pa lang, tanga!

tulad ng petsa ngayon: Nobyembre a-kinse
sweldo na naman, paldo muli si kumpare
at may pang-intrega na siya kay kumare
may pampa-tuition na sa anak na babae

inaabangang sadya ang araw ng sahod
matapos kinseng araw na nagpakapagod
na ramdam ng manggagawa'y nakalulugod
lalo na't sa pamilya siya ang gulugod

O, kinsenas, kapag ikaw na ang dumatal
nagkalipak man ang palad at kumakapal
ginhawa'y dama matapos ang pagpapagal
sana'y di magkasakit, buhay pa'y tumagal

- gregoriovbituinjr.
11.15.2025

Biyernes, Nobyembre 14, 2025

Bumerang

BUMERANG

matapos raw ang kaytinding bagyo
matapos humupà ang delubyo
mababakas ang gawa ng tao
basura'y nagbalikang totoo

tinapon nila'y parang bumerang
tulad ng plastik sa basurahan
mga binasura'y nagbumerang
tinapon sa kanal naglabasan

parang mga botanteng nasukol
na binoto pala nila'y ulol
binotong sangkot sa ghost flood control
na buwis sa sarili ginugol

binoto'y mga trapong basura
na nagsisibalikan talaga
upang sa masa'y muling mambola
mga trapong dapat ibasura

at kung káya'y huwag pabalikin
ang dapat sa kanila'y sunugin
upang di na makabalik man din
basura silang dapat ubusin

- gregoriovbituinjr.
11.14.2025

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, 11.13.2025, p.5

Huwebes, Nobyembre 13, 2025

DPWH ba'y paniniwalaan pa?

DPWH BA'Y PANINIWALAAN PA?

mukhang DPWH nagpapabango
nasa headline sila ng isang pahayagan
nagsalitâ sa pananalasa ng bagyo
mga pambansang daan ay di madaanan

di mo na tuloy alam kung anong totoo
pag DPWH na ang nagsalitâ
silang pangunahing sa kurakot nabisto
ay mag-uulat sa bayan hinggil sa sigwâ

maniniwala ba o ito'y guniguni
tulad ng pinag-uusapang ghost flood control
aasahan ba ang kanilang sinasabi?
e, kawatan at sinungaling nga'y mag-utol

flood control project ba'y sasabihing maayos?
at di substandard ang gamit na materyales?
matitibay daw ang gawa kahit mag-unos
e, maraming binaha, duda'y di naalis

DPWH ba'y paniniwalaan
ng bayang galit sa mga trapong kurakot
ahensyang pangunahin nga sa kurakutan!
O, DPWH, dapat kang managot

- gregoriovbituinjr.
11.13.2025

* litrato mulâ sa headline ng pahayagang Pang-Masa, Nobyembre 11, 2025

Mababaw man ang kaligayahan ko

MABABAW MAN ANG KALIGAYAHAN KO

mababaw lang daw ang kaligayahan ko
kaya natatawa sa mumunting bagay
dahil diyan, napaisip tuloy ako:
ano ang malalim na kaligayahan?

mababaw lang ako, makakain lamang
ng tatlong beses isang araw, ayos na
di ko kaylangan ng kotse't kaharian
na sa kamatayan, di ko madadala

mababaw ako ngunit kayang sumisid
nakakangiti pa rin kahit na pagod
kasama'y dukhang nabubuhay sa gilid
kaysa korap na nabundat sa kurakot

oo, inaamin ko, mababaw ako
kaysa malalim nga, di naman masaya
ay, ako'y isa lang karaniwang tao
maglulupâ, makatang lingkod ng masa

- gregoriovbituinjr.
11.13.2025

Miyerkules, Nobyembre 12, 2025

Korapsyon: Kung anong bigkas, siyang baybay

KORAPSYON: KUNG ANONG BIGKAS, SIYANG BAYBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabasa ko ang sinulat ni National Artist Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Filipino Ngayon sa pesbuk hinggil sa baybay ng salin sa wikang Filipino ng corruption. Tinalakay nga niya kung korupsiyon ba o korapsiyon ang tamang salin. Basahin ang kanyang sanaysay na may pamagat na KORUPSIYON O KORAPSIYON? sa kawing na: https://web.facebook.com/photo?fbid=1403137705151190&set=a.503294381802198

Pansinin. Sa dalawang nabanggit na salitâ ay kapwa may titik i sa pagitan ng titik s at y. Hindi niya binanggit ang salitang korapsyon. Palagay ko'y dahil mas akademiko ang kanyang talakay.

Sa karaniwang manunulat tulad ko, natutunan ko ang isang batas sa balarila na nagsasabing kung anong bigkas ay siyang baybay. O kung paano sinabi ay iyon ang ispeling.

Kaya sa wari ko ay walang mali sa salitang korapsyon o kaya'y kurapsyon. Di tayo tulad ng mga Inglesero na talagang mahigpit sa ispeling.

Ang salitang korapsyon ang ginamit ng mga taga-Pasig sa kanilang konsiyertong Pasig Laban sa Korapsyon noong Nobyembre 8, 2025, kung saan isa ako sa naimbitahang bumigkas ng tulâ hinggil sa nasabing napapanahong isyu.

Kaya ang salitang korapsyon ang gagamitin ko sa ipapagawa kong tarp para sa paglahok sa isang konsyerto sa Nobyembre 22, kung saan nakasulat: National Poetry Day 2025: TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON. Planong ganapin iyon sa isang komunidad ng maralita sa Malabon. Tutulâ ako sa konsiyerto bilang sekretaryo heneral ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ang salitang iyon din ang madalas kong gamitin sa pagkathâ ng tulâ. At iyon din ang naisip kong gamitin sa isang munting aklat ng tulâ na ilalabas ko sa Disyembre 9, kasabay ng International Anti-Corruption Day. Ang nasabing libreto, na sukat ay kalahating short bond paper at nasa limampung pahina, ay may pamagat na TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON.

Gayunman, iginagalang ko ang pagtingin ni Rio Alma (sagisag sa pagtulâ ni V. S. Almario) hinggil sa korupsiyon o korapsiyon. Si Sir Rio ay naging gurô ko sa pagtulâ sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) nang kumuha ako ng pagsasanay rito mula Setyembre 1, 2001 hanggang grumadweyt dito noong Marso 8, 2002.

Halina't abangan ang paglulunsad ng munting aklat laban sa korapsyon sa Disyembre 9, ang pandaigdigang araw laban sa korapsyon. Inaayos lang ang lugar na paglulunsaran ng aklat.

11.12.2025

P.S. Salamat kay Ninong Dado sa litrato

Martes, Nobyembre 11, 2025

Ang payò nila hinggil sa pag-inom

ANG PAYÒ NILA HINGGIL SA PAG-INOM

birthday ni Dad sa Disisyete ng Nobyembre
pamangkin ko sa Disiotso ng Nobyembre
Disinwebe naman ang utol kong babae
habang utol kong lalaki'y sa Bentesyete

ngayong a-Onse, ikalimang death monthsary
ng aking butihing asawang si Liberty
ano't kayraming kaganapan ng Nobyembre
sa araw ni Bonifacio pa'y magrarali

may payò nga ang ama kong namayapa na
na hanggang ngayon ay akin pang dala-dala:
"Huwag kang mag-iinom pag nalulungkot ka.
Mag-inom lang kung may okasyon o masaya."

tiyak, iyan din ang nanaisin ng sinta
huwag kong lunurin sa alak ang problema
oo, sa payò sa akin ay tama sila
Dad, Libay, salamat sa inyong paalala

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025

* litrato kuha sa kalapit na bar habang isang oras na naghihintay na magawâ ang tarp

Sana, Bagyo, tinangay mo na ang mga kurakot!

SANA, BAGYO, TINANGAY MO NA ANG MGA KURAKOT!

kayrami nang namatay sa bagyong Tino sa Cebu
si bagyong Uwan, nanalasa sa bansa ni Juan
sana ang tinangay nila'y korap na pulitiko
na nagpakasasa't nandambong sa pondo ng bayan

sana, namatay sa bagyo'y yaong mga kurakot
na birthday wish ng broadcaster na si Ms. Kara David
sana, inanod sa baha'y mga trapong balakyot
at di yaong mga mahihirap nating kapatid

bagyuhin sana'y mga kurakot sa ghost flood control
na nagsibukol ang bulsa sa nakaw nilang pondo;
salamat po, Sierra Madre, sa iyong pagtatanggol
sa maraming kababayan, lungsod at munisipyo

subalit kayrami mang SANA, baka di matupad
kung tao'y di kikilos upang ibagsak ang bulok
kung ang gulong ng katarungan ay sadyang kaykupad
at nanunungkulan pa rin ang mga trapong bugok

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025

* litrato mula sa pahayagang Remate, 11.08.2025

Lagot sila kay Agot

LAGOT SILA KAY AGOT

artistang si Agot Isidro, may tanong sa atin
di palaisipan ngunit ating pakaisipin:
"Kung kayo si Sierra Madre, sinong iboboto n'yo?"
na sinundan pa, "Yung papayag na kalbuhin kayo?"

may pasaring pa, "Panay ang Salamat Sierra Madre,
pero iboboto, yung mga pro-mining." mensahe
n'ya'y tagos, anya pa, "So alam na next election ha."
simpleng pahayag, sa puso'y kumukurot talaga

sa ulat ay nagawa raw ng mga kabundukan
ng Sierra Madre puksain, mata ng bagyong Uwan
kaya maraming sa Sierra Madre nagpasalamat
tila isa itong paanyayang gawin ng lahat

maraming salamat sa mga pasaring mo, Agot
sa mga minahang naninira ng mga bundok
lalo sa mga pulitikong kurakot at buktot
na nararapat lang na mapiit at mapanagot

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025

* ulat mula pahayagang Abante, 11.11.2025, p.5

Sa panlimang death monthsary ni misis

SA PANLIMANG DEATH MONTHSARY NI MISIS

ginunita ngayong a-Onse ng Nobyembre
muli'y pagsinta ang padala kong mensahe
sa panglimang death monthsary ng aking misis
nagpapakatatag kahit naghihinagpis

di pangkaraniwang araw bawat a-Onse
ng buwan, inaalala ang kinakasi
marami mang trabaho ay gugunitain
bawat a-Onse ay may tulang kakathain

napakapayak man ng aking nagagawâ
nagninilay bilang tanda ng paggunitâ
sa tahanan ay may kandilang itinirik
habang sa iwing puso'y may sinasatitik

tititigan kong muli ang iyong larawan
na tanging magagawâ sa kasalukuyan
bagamat maraming pagtutuunang pansin
saliksik, pagsasalin, pagkilos, sulatin

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025

Sa mga bagong pangalan sa Bantayog

SA MGA BAGONG PANGALAN SA BANTAYOG taaskamaong pagpupugay sa lahat ng mga bagong pangalang iuukit doon sa  Bantayog ng mga Bayani sa Nobyemb...