PAGTAGUYOD SA KAPWA MAKATA'T TULÂ
itinataguyod ko ang kapwa makatâ
pati mga pinaghirapan nilang tulâ
ganyan ang adhikain ko't nasasadiwà
kapara'y Batute't Balagtas na dakilà
pag sa iwing haraya'y mayroong makatas
paglalambing ng dila'y nagiging madulas
ang pananalinghaga'y agad mawawatas
parang walang kupas na Batute't Balagtas
itutulâ ko sa pusikit na karimlan
ang diwà ng mga makatang kaibigan
kaisa sa kanilang ipinaglalaban,
pananaw, akala, isinasalarawan
upang kahit man kami sa toreng garing
kami'y magkasangga gaano man kadilim
ang bukas dahil sa digma't pagkagupiling
may bagong umaga't rosas na masisimsim
- gregoriovbituinjr.
04.04.2026
* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon



