Lunes, Hulyo 5, 2021

Kung magkasakit at mamatay

KUNG MAGKASAKIT AT MAMATAY

nawa'y sa tahanan lang ako makapagpagaling
kaysa ospital na pambayad ay tumataginting
kahit baryang pilak pa ang perang kumakalansing
mahal na presyo ng kalusuga'y nakakapraning

baka mas mura pa ang ataul kung mamamatay
lalo na't ngayong may pandemya'y aking naninilay
baka mas mura ang kremasyon o sunuging tunay
may tunggalian ng uri kahit na sa paghimlay

sa sementeryo'y may apartment pa ngang patung-patong
mura lang daw ang upa ng lagakan ng kabaong
habang ang mga mayayaman ay may maosoleum
sa kamatayan man, magkakaiba rin ang hantong

sa susunod na henerasyon ba'y anong pamana
kundi sa kinathang tula'y pawang himutok lang ba
ako'y nabubuhay ngayong nagsisilbi sa masa
tulad ng iba pag namatay, malilimutan na

ah, basta masaya akong magsilbi, naglilingkod
sa uring manggagawa't dukhang itinataguyod
na kahit sa sangkatutak na isyu'y nalulunod
prinsipyo'y ipaglalaban kahit nakakapagod

itatayo ang asam na lipunang makatao
kasama ang kapwa maralita't uring obrero
kahit na ang pagkilos na ito'y ikamatay ko
ipagmamalaki kong ang ginagawa ko'y wasto

- gregoriovbituinjr.

Minsan sa pagbibidyoke

MINSAN SA PAGBIBIDYOKE

mga kasama'y naroong nagbibidyoke minsan
nagpakain ang isang kasamang may kaarawan
matapos iyon ng pulong nang sila'y magkantahan
at inaya akong kumanta, aking tinanggihan

ngunit noon ay malakas ang loob kong kumanta
basta nakahawak ng mikropono ay lalarga
subalit nang si misis ang pagkanta ko'y napuna
na boses ko'y galing sa ilong, ako'y tumigil na

hanggang ngayon, di na ako kumanta sa bidyoke
tila baga ang pagkanta ko'y isa nang bagahe
pag narinig ng iba, nadarama ko'y diyahe
nakakahiya na sa sinumang makasasaksi

di naman ako matampuhin, inisip ko pa rin
ang kawastuhan ng pagpuna ni misis sa akin
baka nagkakalat lang pala ako'y di ko pansin
baka tingin nila ako'y magalit pag punahin

kaya sa mga inuman, di ako mapaawit
kahit lasing na'y nakikinig na lang sa pagbirit
mas sa pagkatha na lang ako nagkonsentrang pilit
at baka dito'y mas may silbi ako't walang sabit

buti na lang, nila-like ni misis ang aking tula
kahit siya lang ang madalas nagla-like sa katha
na kung di siya mag-like, bigo akong manunula
at di na nararapat tawaging isang makata

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Hulyo 2, 2021

Pagpapatakbo at pamamalakad

PAGPAPATAKBO AT PAMAMALAKAD

Alam nating iba ang TAKBO sa LAKAD. Ang takbo ay mabilis, ang lakad ay hindi mabilis. Ang isang kilometrong takbo ay baka makuha mo ng limang minuto. Subalit mahigit dalawampung minuto kung lalakarin mo ang isang kilometro. Tantiya ko lang ito.

Ngunit nag-iiba pala ang kahulugan ng salita pag nilagyan na ng panlapi. Nakita ko ito sa isang Pinoy krosword puzzle. Tingnan ang 7 Pababa ng litratong ito.

Magsingkahulugan ang PAGPAPATAKBO sa PAMAMALAKAD. Hinggil ito sa pamamahala ng grupo ng tao, samahan, kumpanya, opisina, liga, partido o anumang aktibidad.

Dahil sa panlapi, nag-iiba ang gamit ng salita. Sa ganitong kalagayan lang marahil nagiging magsingkahulugan ang TAKBO at LAKAD.

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Hulyo 1, 2021

Sa ikalimang taon ng pagpaslang kay Gloria Capitan

SA IKALIMANG TAON NG PAGPASLANG KAY GLORIA CAPITAN

ah, limang taon na pala yaong nakararaan
nang pinaslang ang magiting na si Gloria Capitan
na kampanyador laban sa coal mining sa Bataan
tunay na human rights defender nitong sambayanan

sa lugar niya sa Bataan, sa nayong Lucanin
nang binaril ng dalawang di-kilalang salarin
ito'y mensahe upang mamamayan ay takutin
lalo't lumalaban sa mapaminsalang coal mining

sa unang araw ng pag-upo ng Ama ng Tokhang
ay naging madugo't si Ka Gloria ay tumimbuwang
siya ang una sa sunod-sunod na pamamaslang
due process o wastong proseso'y di na iginalang

kalikasan ay nararapat nating ipagtanggol
upang mabuting hangin ay di natin hinahabol
hustisya kay Gloria Capitan! kasamang tumutol
laban sa coal mining, coal stockpiles, mga plantang coal

taaskamaong pagsaludo ang tangi kong handog
tangan niyang prinsipyo'y akin ding iniluluhog
tama na ang mga coal plants, bayan na'y lumulubog
epekto nito sa kalusuga'y nakadudurog

- gregoriovbituinjr.
07.01.2021
* mga litrato mula sa google

Mga pinaghalawan:
https://www.frontlinedefenders.org/en/case/case-history-gloria-capitan
https://www.greenpeace.org/philippines/press/1057/greenpeace-statement-on-the-murder-of-gloria-capitan-anti-coal-activist-in-bataan/
https://www.fidh.org/en/issues/human-rights-defenders/the-philippines-assassination-of-ms-gloria-capitan
https://www.euronews.com/green/2021/02/22/killed-for-campaigning-meet-the-women-fighting-the-coal-giants

Bukrebyu: Ang aklat na "100 Tula ni Bela"




BUKREBYU: ANG AKLAT NA "100 TULA NI BELA"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang talagang hinahanap kong aklat, bukod sa pelikula, ay yaong may pamagat na "100 Tula Para Kay Stella". Nakita ko na iyon sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao, subalit hindi ko binili dahil nagkataong wala akong sapat na salapi ng araw na iyon. Ilang araw pa ang lumipas nang mapadaan muli sa Fully Booked at bigla kong naalala ang librong iyon. Kaya sinilip ko kung naroon pa ang aklat na iyon subalit wala na.

Isa iyon sa mga nais kong mabasa, at maisama sa mga koleksyon ko ng aklatula o petry book, para sa munti kong aklatan. Nag-ikot ako sa ibang book store subalit wala.

Hanggang isang araw, napadaan ako sa Book Sale sa Farmers' Plaza, at nakita ko ang aklat na "100 Tula ni Bela", na sinulat ng aktres na si Bela Padilla, na siya ring aktres na gumanap sa pelikulang "100 Tula Para Kay Stella". Binili ko agad ang aklat na "100 Tula ni Bela" sa halagang P110.00, nasa 112 pahina. Ang petsa nang binili ko iyon ay Nobyembre 24, 2020, na kadalasang isinusulat ko sa mga aklat na aking nabili. Petsa, presyo, at kung saang book store ko binili. Nakaugalian ko na iyon, upang malaman ko kung saan at kailan ko ba nabili ang isang libro at kung magkano ko iyon binili.

Laking tuwa kong mabili ang aklat na iyon, bagamat sa kalaunan ay nahimasmasan ako. Iba palang libro ito. 100 Tula ni Bela. Hindi ang hinahanap kong "100 Tula Para Kay Stella". Gayunpaman, binasa ko pa rin. Maganda ang kanyang mga isinulat na tula. Tunay na pagpapahayag ng kanyang damdamin sa simpleng pamamaraan.

Ang librong iyon ang inspirasyon ko upang gawin din ang 100 Tula Para Kay Liberty, na siyang napili kong pamagat ng aklat. O kung isasalin sa Ingles ay 100 Poems for Liberty, na pag isinalin sa wikang Filipino ay 100 Tula Para sa Kalayaan. Oo, 100 Tula Para Kay Liberty, dahil Liberty ang pangalan ni misis. Datapwat iilan lamang ang mga tula ko sa Ingles.

Hindi ko alam kung kailan ko matatagpuan ang aklat na "100 Tula Para Kay Stella" upang maisama sa aking mga collector's item, at mabasa na rin. Gayunman, patuloy kong ginagawa ang aking planong 100 tula para kay esmi.

Mapapansing maiikli ang mga tula ni Bela. Sa bawat tula sa librong "100 Tula ni Bela" ay may mga litrato kung saan nakapatong doon ang mumunting hiyas ng puso't diwa ni Bela Padilla. At paurong ang bilang, dahil sinimulan sa libro ang Tula 100, sunod ay Tula 99, at nagtapos sa Tula 1. May mga tulang nakasulat sa Ingles at karamihan ay nasa wikang Filipino. Pampakilig sa mga binata ang kanyang mga tula. Bagamat may lalim din ang pananalinghaga ng dalaga. Marami ring mga hugot na talaga mong madarama, na tila ba pinatatamaan ka ng kanyang pananalita.

Namnamin mo ang ilan sa mga tula niyang ito. Kahanga-hanga ang mga hugot at palaisipang mula sa kanyng puso'y tunay nating mararamdaman.

Tula 26:

BEATIFUL DEATH

I'm pleased to know that after my life
I still serve a purpose.
When you come home at night and you look at me,
I feel like I did something selfless.
Maybe the pain of my death was meant to be.
To take your sorrows away.
To make you happy.

Tula 42:

REBULTO

Magdamag na nakatindig,
nakikita mo ang lahat.
Ang buhay naming mga dumadaan
na iba't iba ang pamagat.
Buti nalang wala kang nararamdaman
dahil wala ka namang puso.
Kung hindi masasaktan ka sa amin,
ako'y sigurado.
Naiinggit ako sayo,
dahil wala kang kaalam-alam.
Di mo alam ang tamis ng pagmamahal
at ang kirot ng salitang paalam.

Hindi ko pupunahin ang istruktura ng kanyang pananaludtod, o pawang vers libre ang kanyang mga tula, mga malayang taludturang tumatagos sa mambabasa, dahil ika nga, ang tula ay mula sa puso, inihahayag sa pamamagitan ng mga titik, at hindi maaaring basta ikulong na lang sa tugma't sukat. Iba iyon sa aking pagtula, pagkat kadalasang bawat tula ko'y nakabartolina sa tugma't sukat.

Maganda ang pagkakabalangkas ng kanyang Tula 17 na masasabi mo talagang maaari siyang ihanay sa iba pang magagaling na makata sa Ingles. Halina't namnamin ang ganda ng kanyang pananaludtod.

Tula 17:

MYRIAD

Sometimes plenty,
mostly few.
Sometimes happy,
mostly blue.
Sometimes taunting,
mostly true.
Sometimes me,
mostly you.

Gayunpaman, marahil ay inspirasyon ni Bela ang pelikula niyang ginampanan upang mabuo ang sarili niyang bersyon ng 100 Tula. Mabuhay ka, Bela Padilla, at ang iyong mga malikhang obra!

07.01.2021

Minsan, sa MRT

MINSAN, SA MRT

naroong nagninilay habang lulan ng MRT
at nasaksihan ang labanan ng mga bagani
upang mapalaya yaong bayan sa mga imbi
pingkian ng mga kampilan ay nakaririndi

biglang nagising ang diwa sa pagbukas ng pinto
sa isang istasyon ngunit tila ako'y naglaho
muling nakita'y mga baganing nakipagbuno
sa mga mananakop na sadya ring matipuno

nagsara ang pinto ng tren, lagusan ay lumitaw
patungo sa Hogwart na sa isang sine'y natanaw
doon ay may mga dambuhalang nambubulahaw
habang katana'y tangan ko panlaban sa halimaw

hanggang napamulagat ako't nadamang tumigil
ang sinasakyan habang palad ay pinisil-pisil
dapat nang lumabas habang ang tren pa'y nakahimpil
natantong ibang mundo ang sa diwa'y umukilkil

- gregoriovbituinjr.
07.01.2021

Sa unang araw ng Hulyo

SA UNANG ARAW NG HULYO

unang araw ng Hulyo, kaygandang ngiti'y bumungad
kaya saya'y nadama sa umagang bumukadkad
pampasigla upang gawin ang tungkulin at hangad
habang ibong nag-aawitan sa langit lumipad

ano pa bang masasabi sa ngiting anong tamis
sa unang araw ng Hulyo, dalawa'y magbibigkis
sa hirap at ginhawa, panahon man ay kaybilis
anumang suliranin, haharapin, natitiis

taospusong pasasalamat sa bagong umaga
at sinalubong ng ngiting sa puso'y nagpasaya
pampaalwan sa dinaranas mang hirap at dusa
ngiting anong tamis na inspirasyon sa tuwina

- gregoriovbituinjr.
07.01.2021

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...