Linggo, Oktubre 3, 2021

Ka Bien

KA BIEN

minsan ko lang nakaharap si Ka Bien Lumbera
doon sa Diliman, matapos ang isang programa
na pinakilala sa akin ni Ka Apo Chua
buti si Apo'y may kamera't kami'y nagpakuha

subalit wala akong kopya ng litratong iyon
na patunay sana ng pagdalo kong iyon doon
na nakadaupang palad ko si Ka Bien noon
na respetadong National Artist ng ating nasyon

tanging nabiling aklat niya ang mayroon ako
aklat na kayamanan na ng makatang tulad ko
pamagat ay SURI pagkat pagsusuring totoo
hinggil sa panitikan, inakda niya't kinwento

may sinulat sa sariling wika, at may sa Ingles
malalasahan mo kung akda niya'y anong tamis
o mapait pa sa apdo ang indayog at bigkis
iyong mauunawaan, malalim man ang bihis

salamat, Ka Bien, sa ambag mo sa panitikan
ang makadaupang palad ka'y isang karangalan
taaskamaong pagpupugay yaring panambitan
sa Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

- gregoriovbituinjr.
10.03.2021

* nabili ko ang aklat na Suri: Pag-arok sa Likhang Panitik, ni Bienvenido Lumbera (Abril 11, 1932 - Setyembre 28, 2021), na may 286 pahina, may sukat na 5" X 8", sa halagang P650, noong Hunyo 3, 2021, sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila

Pintig

PINTIG

ramdam sa buto ang nilalaman ng mga pintig
upang magsidaloy sa ugat at puso'y maantig
araw mamaya'y titirik sa aking pagkatitig
habang dama pa niring binti yaong pamimitig

ganyan sa wari ko ang sasalubong na umaga
sa salamisim ay tila pupugto ng hininga
ngunit dapat maging masigla kasama ng musa
upang sabay na magsibangon ng malalakas na

natitigan ko ang kalamansing laan sa pansit
ah, madaling araw pa lang, ang gabi pa'y pusikit
pag pumutok na ang araw makikita ang langit
pati na maybahay kong may ngiting kaakit-akit

mula kisame'y sa sahig naman napatunganga
dapat kumilos ng maaga't huwag matulala
magsaing para sa pamilya'y gawaing dakila
sisikat na ang araw at mawawala ang tala

- gregoriovbituinjr.
10.03.2021

Sabado, Oktubre 2, 2021

Bulalo

BULALO

niyakap maging vegetarian ngunit nagbulalo?
aba, eh, minsan lang naman ito't kaarawan ko!
anong sarap muling tikman ng dating paborito
na talagang inihanda sa kaarawang ito

ayokong mag-cake sa aking birthday, noon at ngayon
di ako bumibili ng cake sa aking okasyon
red horse at limang barbecue lang, katalo na noon
subalit walang red horse, nagpapagaling pa ngayon

datapwat sa ilang panahon ay nag-vegetarian
pagkat kaisa sa kilusang maka-kalikasan
subalit ngayon ay nagpapalakas ng kalamnan
dahil nagka-covid itong katawang vegetarian

nais kong mapatunayang lalakas akong muli
kalusugan ko'y mapasigla sa bawat sandali
subalit nagbulalo lang ngayon upang magbunyi
matapos ang okasyon, magbe-vegetarian uli

kaysarap ng bulalo, sumasagad hanggang buto
ah, kay-init ng sabaw na pumaso sa nguso ko
maraming salamat sa pa-birthday na alay ninyo!
taospusong pasasalamat sa nagpabulalo!

- gregoriovbituinjr.
10.02.2021

Paghahanap ng paksa

PAGHAHANAP NG PAKSA

pansin ni misis, bagot na ako't tula ng tula
nabo-boring na raw ako kaya katha ng katha
subalit ang totoo'y wala rin kasing magawa
kaysa sa kwarto'y nakaupo lang o nakahiga

dahil di basta makalabas, babalik sa kwarto
matapos magsaing, kumain, maglinis ng plato
titingin sa paligid, hanap ng maikukwento
titingala sa kisame, at may paksa na ako

ah, ganyan ang buhay ng nagka-covid na makata
habang nagpapagaling, may umuugit sa diwa
mula sa karaniwang bagay, may naitutula
paksa'y inilalarawan sa mumunting salita

tulad ng namungang tanim malapit sa pintuan
na paksa na sa tula't kinunan ko ng larawan
pagkat pag nahinog na ito'y aming mauulam
at di na bibili ng gulay, pipitasin na lang

tula muna ng tula habang mahina pang sukat
at sa aking kwadernong itim ay sulat ng sulat
sa nagbabasa ng tula ko'y maraming salamat
kahit paano'y gumaan ang ramdam kong mabigat

- gregoriovbituinjr.
10.02.2021

Biyernes, Oktubre 1, 2021

Datos

DATOS

kain, tulog, tae, ihi, tunganga sa kisame
ilang araw din akong ginagawa ko'y ganire
at ngayong nagpapagaling na'y may ibang diskarte
magluto ng kanin, tirik ng kandila sa gabi

subalit huwag pa ring basta lalabas ng bahay
malakas ang delta't baka may iba pang madamay
mga manok na may kuto'y patakbo-takbong tunay
lagi pa ring mag-face mask at may alkohol na taglay

ayon sa contact tracer na kausap ng misis ko
nasa isandaan tatlumpu't limang bagong kaso
ng pasyenteng nagka-covid ang naitala rito
sa munting bayan, at noong isang araw lang ito

hipag at biyenan ko'y nawala nitong Setyembre
tila ba itong covid ay matakaw na buwitre
na sa pusod ng daigdig ay napakasalbahe
ang bagong datos ba'y bakit lumaki't nangyayari?

nakakapangamba, kaya ako'y sa kwarto muna
inuubo pa rin, at walang labasan talaga
ah, kailan ba matatapos ang pananalasa
ng salot na covid, sana pandemya'y magwakas na

- gregoriovbituinjr.
10.01.2021

Ilang nalilirip

ILANG NALILIRIP

kayraming kuto ng manok, madalas kumakapit
di lang sa alaga kundi sa suot naming damit
ito ang angal ni misis, pinepeste nang malimit
ang mga manok, may kuto na rin sa aking singit

nilalaro ko ang mga salitang matatalas
na maaaring makasugat sa puso ng hudas
o di kaya'y makapagpalugmok sa talipandas
na mismong bayan nati'y kanilang binalasubas

tulad ng langit kung aking pagmasdan ang kisame
tinititigan ding kapara'y magandang babae
langit at paralumang ginagawan ng diskarte
dahil sa pagsintang puso ang pupukawin dine

"Anak" ni Freddie Aguilar ay aking pinakinggan
pinakiramdaman ko kung ako ba'y tinamaan
ah, di ako iyon, malapit man sa karanasan
habang patuloy ako sa paglirip sa di alam

- gregoriovbituinjr.
10.01.2021

Sa nakaraang Araw ng Puso

SA NAKARAANG ARAW NG PUSO

araw ng mga puso'y di lang Pebrero Katorse
kundi pati rin tuwing Setyembre Bente-Nuwebe
una'y tungkol sa pag-ibig ng lalaki't babae
ikalawa, ang puso bilang mahalagang parte

ng ating buhay at ating buong pangangatawan
kaya iwing puso'y dapat laging pangalagaan
lagi ring matulog ng pito o walong oras man
upang gumanda ang puso't sakit ay maiwasan

kumain ka rin ng mga masustansyang pagkain
"galaw-galaw nang di ma-stroke", kasabihan na rin
maglakad din ng madalas, huwag balewalain
ang kalusugan ng puso't pangangatawan natin

puso't katawan ay dapat may sapat na pahinga
kapag malusog ang puso, malayo sa disgrasya
kapag walang nagkakasakit, pamilya'y masaya
habang patuloy ang buhay na puspos ng pag-asa

- gregoriovbituinjr.
10.01.2021

* litrato mula sa google
* ilang pinaghalawan ng datos:
https://world-heart-federation.org/world-heart-day/
https://blogs.biomarking.com/blogs/news/5-paraan-para-mapanatili-maging-malusog-ang-iyong-puso

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...