Martes, Marso 9, 2021

Puksain ang virus

Puksain ang virus

nakapagngangalit ang ginagawang kataksilan
ng lintik na namumuno sa dignidad ng bayan
lalo't terorismo ang kanyang naging patakaran
at pinauso ang kawalang proseso't pagpaslang

sa kanyang rehimen, ang masa'y kaytagal nagtiis
lalo't pangulo'y walang pakialam sa due process
sabihing nanlaban, katarungan ay tinitikis
atas pa'y kung walang baril, lagyan ng mga pulis

dahil namumuno'y bu-ang, dapat siyang turukan
baka sa atas na pagpaslang ay mahimasmasan
baka dati na siyang nagtuturok kaya bu-ang
kaya paggaling niya'y huwag na nating aasahan

sige, kababaihan, pangunahan ang pagkilos
nang mawala ang virus at ang pangulong may virus
ng katopakan sa ulong naglilitawang lubos
katibayan na ang kanyang mga salita't utos

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Tinig ng Bagong Silang

Tinig ng Bagong Silang

di mo man marinig ang kanilang sinasalita
ay dama mo ang ngitngit sa kanilang puso't mukha
tila walang problema subalit natutulala
ngingiti pag kaharap ngunit puso'y lumuluha

at sa pagkilos nga sa Araw ng Kababaihan
ay nagsalita na rin sila tangan ang islogan:
"Karahasan at pang-aabuso sa kababaihan,
Wakasan!" ito ang sigaw ng ZOTO-Bagong Silang

nag-uumalpas sa plakard at tarpolin ang tinig
na kaytagal napipi, at ngayon ay nang-uusig
dinggin natin ang panawagan nila't pahiwatig
at sa kababaihan ay makipagkapitbisig

hangad nating aktibista'y lipunang makatao
silang api'y samahan natin tungong pagbabago

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Ang nadaanang pinta sa pader

Ang nadaanang pinta sa pader

may pinta sa pader na nalitratuhan ko lamang
na nakakaasar para sa may kapangyarihan
ngunit kumikiliti sa diwa ng sambayanan
"wala nang baboy sa palengke, nasa MalacaƱang"

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Lunes, Marso 8, 2021

Tula sa Marso 8

Tula sa Marso 8

anang kapitbahay, wala sana siyang problema
kung nag-asawa't sa damit niya'y may maglalaba
naisip ko bigla, hanap niya'y katulong pala
at di asawang katuwang, kalakbay, kapareha

sa Bibliya, babae'y pailalim sa lalaki
maging kanyang katuwang at humayo't magparami
karapatan nila'y pantay, sa U.D.H.R. sabi
ayon din sa sosyalista't peministang narini

sa Araw ng Kababaihan, kami'y nagpupugay
sa maraming Gabriela't Oriang sa kanilang hanay
pagpupugay din sa ating mga mahal na nanay, 
patnubay ng bawat pamilya. Mabuhay! Mabuhay!

sa hanap ay asawang katulong pala ang gusto
karapatan ng kababaihan ay irespeto
kapantay mo rin sila ng karapatan sa mundo
babae't lalaki'y pantay ng karapatan dito

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Linggo, Marso 7, 2021

Nagsorbetes ang magsing-irog

Nagsorbetes ang magsing-irog

nagsorbetes ang magsing-irog
animo'y nagpapakabusog
sa ayskriman doong kanugnog
habang kapwa nagiging kalog

at pagkauwi'y nagpahinga
sabay na humiga sa kama
nagdaop ang katawan nila
sa matinding pakikibaka

ang buhay mag-asawa'y ganyan
tuloy lang sa pagmamahalan
magkaiba man ng isipan
puso'y nagkakasundo naman

noon, tititig lang sa langit
tanaw ko'y nimpang anong rikit
ngayon, didilat at pipikit
may asawa nang anong bait

- gregoriovbituinjr.

Naggupit ng kuko si misis

Naggupit ng kuko si misis

aba'y di nakatiis
ginupit na ni misis
ang kuko kong matulis
kaya ito'y luminis

ganyan ang mapagmahal
sadyang ikararangal
pag ganito'y dumatal
relasyon ay tatagal

ang paggupit ng kuko'y
pagsuyo ngang totoo
lalo't gagawa nito'y
tinatangi't sinta mo

kukong dating mahaba
ay luminis ngang sadya
kaya nagmamakata
ang tulad kong tulala

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Marso 6, 2021

Halaga ng karatula

HALAGA NG KARATULA

magmenor sa pagpapatakbo't
may paaralan pala rito
mag-ingat sa pagmamaneho't
may mga paroo't parito

salamat po't may paunawa
at may karatulang ginawa
iwasan ang pabigla-bigla
magmaneho'y huwag tulala

upang sakuna'y maiwasan
upang magmanehong marahan
upang estudyante'y ingatan
upang bata'y pangalagaan

mga bata, lumingon muna
bago tumawid sa kalsada
isang beses lang na disgrasya
habang buhay na pagdurusa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...