Biyernes, Oktubre 7, 2022

Buhay bilang makata ng maralita

BUHAY BILANG MAKATA NG MARALITA

simula nang magkaisip ako na'y nagmakata
bata pa lang, kapatid at magulang na'y natuwa
sa dyaryong pangkampus nang magsimulang malathala
ang aking mga kwento, sanaysay, payak na akda

mga katropa'y nagpapagawa noon sa akin
ng tulang kaibig-ibig para sa susuyuin
kinatha ko ang marapat upang sila'y sagutin
ng sinisinta nilang ang puso'y nabihag man din

hanggang maging tibak, nagpatuloy sa pagsusulat
na layuning sa dukha't obrero'y makapagmulat
maambag ang kaya sa mga isyung sumambulat
nang makaipon ay naglathala na rin ng aklat

mula istap, nahalal sa mataas na posisyon
bilang sekretaryo heneral ng organisasyon
ng maralita, misyong labanan ang demolisyon
depensahan ang maralita'y aming nilalayon

dyaryong Taliba ng Maralita'y pinanghawakan
dahil tanging pahayagang pinaglalathalaan
ng mga kwento, sanaysay at tula ko sa bayan
litrato't ulat ko'y dito ninyo matutunghayan

minsan ay bumibigkas ng tula sa mga rali
sa samutsaring isyu, mahal na tubig, kuryente
pagtula na ang aking bisyo sa araw at gabi
itinutula'y maraming paksa't bagay na simple

salamat sa pagtanggap bilang makata ng dukha
ito'y taospusong paglilingkod sa maralita
lalo na sa kapatid at kauring manggagawa
maraming salamat sa pagtanggap sa aking tula

- gregoriovbituinjr.
10.07.2022

Sibuyas

SIBUYAS

nakakaluha ang pagtatalop
pati paggagayat ng sibuyas
tila sa balikat mo'y sumubsob
ang mukha kong di maaliwalas

pinagmasdan ko ang iyong labi
at mga mata mong mapupungay
kayganda ng iyong angking ngiti
na sa puso ko'y nakabubuhay

iyang sibuyas daw ay maganda
sa katawan lalo't kalusugan
sa pagkain nati'y pampalasa
at gamot din daw sa karamdaman

huwag lang balat-sibuyas tayo
sa pakitungo natin sa madla
o maging maramdaming totoo
pag isyu'y di kaya, namumutla

ah, sibuyas, sarap mong kainin
kasama ng kamatis at bawang
sibuyas lang, ulam na sa akin
sa suliranin ko'y pumaparam

- gregoriovbituinjr.
10.07.2022

Huwebes, Oktubre 6, 2022

Bakit?

BAKIT?

bakit pinagpipitagan ang mga masalapi?
dahil ba mayaman, ugali ma'y kamuhi-muhi?
bakit ginagalang ang may maraming pag-aari?
lupa'y inagaw man sa magsasaka't aping lahi?

bakit yaong may mga salapi'y nirerespeto?
ginto't pilak na ba ang batayan ng pagkatao?
balewala magsamantala man ang donya't donyo?
ginagalang ang mapera kahit asal-demonyo?

ah, nasaan na ang pakikipagkapwa kung ganyan?
na kaya ka lang nirerespeto'y dahil sa yaman?
habang dangal ng obrero't dukha'y niyuyurakan
ang mga walang-wala'y tinuturing na basahan!

maraming nagsisipag ngunit iba'y mauutak
upang yumaman, makamit ang respeto't palakpak
kahit ang kapwa'y hayaan lang gumapang sa lusak
basta makuha lang ang tatlumpung pirasong pilak

ayoko ng ganyang lipunang mapagsamantala!
na pulos kaplastikan ang umiiral talaga
nais kong matayo'y mapagkapwa-taong sistema
lipunang makataong may panlipunang hustisya!

mabigat ang kahilingan ngunit dapat kumilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
sinasapantaha kong darating ang pagtutuos
upang pagsasamantala'y tuluyan nang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022    

Almusal

ALMUSAL

tara, kain tayo, may sibuyas,
kamatis, at sanlatang sardinas
payak na ulam, galing sa patas
kahit madalas na bulsa'y butas

kailangang maagang gumising
dahil mahirap nang tanghaliin
at kaylayo pa ng lalandasin
upang magampanan ang tungkulin

ipagluto muna ang pamilya
mahirap magutom, kain muna
upang may lakas tayo tuwina
ang katawan, puso't isip, paa

tara, kaibigan, kain tayo
nang may lakas sa pagtatrabaho
araw-gabi'y gawaing totoo
mababa man o kulang ang sweldo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022

Miyerkules, Oktubre 5, 2022

Ngiti

NGITI

ay, napakaginaw ngayong gabi
wala pa siya sa aking tabi
ngayon lang nagkahiwalay kami
ng banig, anong nangyari kasi?

tumagay muna ng isang bote
ganyan ba talaga ang babae
isip ko'y anong tamang diskarte
sa pagpaparating ng mensahe

heto, hanap ko ang kanyang ngiti
kailan ko makikita muli
sana bukas ng gabi'y magawi
siya sa bartolina kong sawi

nais kong hagkan siya sa labi
sa tagay, ako na'y naglupagi
paano ba ang daan pauwi
kung ako'y lango na't humihikbi

- gregoriovbituinjr.
10.05.2022

Lumiit na ang magasing LIWAYWAY

LUMIIT NA ANG MAGASING LIWAYWAY
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong 2022 ang sentenaryo o ikasandaang anibersaryo ng magasing Liwayway. May kasabihan nga ang ilang manunulat na naringgan ko, "Pag hindi ka pa nalathala sa Liwayway, hindi ka pa magaling na manunulat." May nagsabi sa aking nabasa raw nila ako sa Liwayway ngunit hindi ko iyon alam, dahil minsan lang o mga tatlong beses lang ako nagpasa, at kung nalathala man ay hindi ko nakita.

Bata pa ako'y kilala ko na ang Liwayway. Dahil laging bumibili niyon ang aking ama. Nakahiligan ko rin magbasa ng komiks na inaarkila sa kanto. Nang magbinata na ako'y ako na ang bumibili ng Liwayway. Nakadaupang palad kong minsan ang editor nitong si Reynaldo Duque, bandang 2001, nang magkaroon ng aktibidad pampanitikan ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) sa German Library sa Aurora Blvd.

Nang magka-pandemya, halos hindi na ako nakabili ng Liwayway. Hindi na rin kasi nakakalabas ng bahay. At nalaman ko na lang na nawala na ito sa pamilihan, tulad ng news stand na binibilhan ko sa tapat ng simbahan ng Quiapo, at sa National Book Store.

Kahapon, Oktubre 4, bumili muna ako ng gamot at magasing Enrich sa Mercury Drug. Matapos iyon ay nagtungo na ako sa National Book Store sa Ali Mall. Nakita ko ang dati kong kaklase sa paralegal na nagtatrabaho roon. Tinanong ko kung may Liwayway na. Wala raw dumating sa kanila, kaya pinapunta niya ako sa National Book Store sa tapat ng Gateway na may ilang palapag ang taas. Noon ay nakakaabot pa ako ng ikaapat na palapag niyon, ngunit ngayon ay hanggang ikalawang palapag na lang.

Buti at natsambahan ko ang Liwayway magasin doon, na natatakpan ng ibang magasin. Dalawang isyu ang aking nabili. Ang isa'y isyu ng Marso 16-31, 2020, dalawa't kalahating taon na ang nakararaan. Habang ang isa'y ang sariwang isyu ng Setyembre 2022, na kung hindi ka maghahalungkat ay hindi mo makikita. 

Nang makita ko ang bagong Liwayway ay lumiit na ang sukat nito. Wala akong ruler upang makita ang eksaktong sukat, kundi nilitratuhan ko na lang upang inyong makita. Ang sukat ng Liwayway ngayon ay halos malaki lang ng kaunti sa pinagsusulatan kong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). May sukat ang Taliba na kalahating short bond paper o 5.5 x 8.5 inches.

Lumiit ang sukat subalit maraming laman pa rin. Kaysarap muling magbasa ng Liwayway. Subalit kung dati ay P40 lang ang malaking Liwayway, ngayong lumiit na ito'y mabibili na sa halagang isandaang piso (P100).

Lumiit man ang Liwayway ay nakakatuwang ito'y nagpapatuloy. Lalo na ngayong taon na sentenaryo nito. Pagpupugay sa lahat ng bumubuo ng Liwayway, pati na ang lahat ng mga naging manunulat, makata, at nobelistang nalathala rito. Pagpupugay rin sa aking mga kaibigan at kakilalang nalathala sa magasing Liwayway! Mabuhay kayo, mga kapatid sa panulat!

Pagpupugay sa ikasandaang taon ng magasing Liwayway!

Aklatan

AKLATAN

nabubuhay ako sa aklatan
ang daigdig kong kinamulatan
na punong-puno ng kasaysayan
panitikan yaring kinagisnan

butihing ina'y una kong guro
na marami sa aking tinuro
at nilakbay ko'y maraming dako
pati lungsod ng digma at guho

binasa'y sanaysay, kwento't tula
pati sulatin ng matatanda
binasa'y magagaling na akda
ng maraming awtor na dakila

salamat sa aklatang ang alay
ay dunong na aking nadidighay
may mga diyalektikong taglay
sa pagkatao'y nagpapahusay

- gregoriovbituinjr.
10.05.2022 
(World Teachers Day)    

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...