Sabado, Enero 7, 2023

Kape


KAPE

maginaw na umaga'y
salubunging kayganda
at agad magtitimpla
nitong kape sa tasa

pagkakape na'y ritwal
bago pa mag-almusal
nang sa gawa'y tumagal
at di babagal-bagal

kailangang bumangon
kikilos pang maghapon
tarang magkape ngayon
bago gawin ang layon

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

Biyernes, Enero 6, 2023

Tuloy ang laban


TULOY ANG LABAN

wala mang malay yaring isipan
ay dama anong dapat ilaban:
itong angkin nating karapatan
na taal sa bawat mamamayan

maging sa larangan ng panitik
ay hinihiyaw ang bawat hibik
ng mamamayang di man umimik
ay dapat ilabang walang tumpik

salamat sa mga aktibista
kabayanihan ang gawa nila
mapawi ang pagsasamantala
tungong lipunang para sa masa

sa kabuluka'y di mapakali
sa nagbubulag-bulaga't bingi
sa pagsasamantalang kaytindi
tuloy ang laban hangga't may api

ito na ang prinsipyong niyakap
upang wakasan ang paghihirap
ng uri't bayang ang pinangarap
na lipunang patas ay maganap

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa MET, sa pagdiriwang ng unang National Poetry Day, at ika-128 kaarawan ng makatang Jose Corazon De Hesus, aka Huseng Batute, 11.22.2022

Sa Luneta


SA LUNETA

tarang mamasyal sa Luneta
kahit na tayo'y walang pera
ang wika nga sa isang kanta
pambansang liwasan talaga

halina sa isang upuan
sa Rizal Park, dating tambayan
upang kita'y magkumustahan
kumain at magkakwentuhan

lalo't paligid ay kayhangin
habang may saliw na awitin
kayraming namamasyal man din
na Bagumbayan din sa atin

tara, doon tayo'y mamasyal
kung saan binitay si Rizal
upang pagkahapo'y matanggal
at damhin yaring pagmamahal

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Luneta, Araw ni Rizal, 12.30.2022

Sa kaarawan ni misis

SA KAARAWAN NI MISIS

maligayang kaarawan kay misis
na pinadamang pagsinta'y kaytamis
katuwang sa galak man at hinagpis
sa kalusugan at sa pagtitiis

kabertdey niya sina Nida Blanca
ang megastar na si Sharon Cuneta
ang Katipunerang si Tandang Sora
at si Joan of Arc ng bansang Pransya

happy birthday at maraming salamat
nakasama kita sa lahat-lahat
problema ma'y magaan at mabigat
tayo pa ri'y nagsasamang maluwat

isang tula man ang tangi kong handog
ito'y mula sa puso, aking irog
hiling ko'y manatili kang malusog
tumamis pa ang ngiti mo't alindog

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

Paglalakbay


PAGLALAKBAY

patuloy na naglalakbay yaring diwa
upang masalubong ang sintang diwata
nais kong ngumiti kahit lumuluha
magbakasakaling makita ang mutya

kinatha ko'y di man tirintas ng sugat
tumigis na dugo'y kaya pang maampat
pluma'y tangan habang dama'y inaalat
bawat hikbi't daing ay nagiging pilat

sa mga lansangan, basura'y umapaw
naglipana'y plastik, doo'y nilalangaw
at yaong pusali'y umaalingasaw
kaya kalikasan, ngayo'y namamanglaw

gagawin ko pa rin ang kinahiligan
yaong pakikinig ng mga kundiman
pagbasa ng tula, dula't kwentong bayan
habang naglalakbay pa rin sa kawalan

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

Huwebes, Enero 5, 2023

Sibuyas


SIBUYAS

tila baga alahas
ang presyo ng sibuyas
sino kayang nagbasbas
sa presyong lampas-lampas
talagang lumalabas
na di sila parehas
gaano ba katigas
iyang mukha ng hudas
ito ba'y bagong landas
sa lupang dinarahas
aba'y di ito patas
sa madlang dusa'y wagas
di ba nila nawatas
baka masa'y mag-aklas

- gregoriovbituinjr.
01.05.2022

* litrato't ulat mula sa Abante, 12.28.2022, p.2 

Miyerkules, Enero 4, 2023

Ngunit, Subalit

NGUNIT, SUBALIT

noon pa'y di ginamit ang salitang "pero"
sapagkat may katumbas naman nito rito
kaya sa aking mga katha'y wala nito
kundi taal na katumbas hangga't kaya ko

dahil ang "pero" ay mula wikang Kastila
datapwat may "ngunit", "subalit" na salita
sa atin, na siya kong gamit sa pagkatha
di ba? walang "pero" ngunit nakakatula!

imbes "lamesa", gamit ko'y hapag-kainan
di lang mula Tagalog kung kakayanin lang
kundi salitang Ilokano, Pangasinan,
Igorot, Ilonggo, Karay-a, Bisaya man

mula Antique ang aking inang Karay-a 
at Batanggenyo ang aking butihing ama
tiya'y Dagupan, asawa ko'y Igorota
ako'y laking Sampaloc, Maynila talaga

kaya maraming inaaral na salita
na nais kong magamit sa bawat pagkatha
bilang pagpapayabong sa sariling wika
bilang makata, madalas mang walang-wala

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...