Biyernes, Hunyo 30, 2023

Sa huling araw ng Hunyo

SA HULING ARAW NG HUNYO

katapusan na ng buwan ng Hunyo
aba'y kalahating taon na tayo
kulang pa ba ang sweldo ng obrero
ngayon ba'y kontraktwal pa rin ang uso

at mareregular pa kaya sila
kung dupang pa rin ang kapitalista
kongreso'y tadtad pa ba ng buwaya
trapo'y nang-uuto pa ba ng masa

uso pa rin ang kontraktwalisasyon
kapitalista'y sa ganyan nagumon
sa maralita'y panay ang ebiksyon
at nagpapatuloy ang demolisyon

mga bundat pa rin ang nasa tuktok
habang dalita'y lagi pa ring lugmok
sa kahirapang abot na sa rurok
ah, palitan na ang sistemang bulok

dapat walang pribadong ari't yaman
na dahilan ng laksang kahirapan
dapat walang mahirap o mayaman
dapat pantay ang lahat sa lipunan

dapat magkaisa ang manggagawa
bilang uri, kasama na ang dukha
dapat na sila'y magkaisang diwa
upang bagong mundo'y buuing sadya

- gregoriovbituinjr.
06.30.2023

Huwebes, Hunyo 29, 2023

Sa ika-10 anibersaryo ng aking tatô

SA IKA-10 ANIBERSARYO NG AKING TATÔ

"Always Somewhere" ang tanging nakasulat
na tatô sa kaliwa kong balikat
sandekada nang naukit sa balat
kasama sa pagkatha't pagmumulat

nagunita ko kung kailan iyon
Hunyo Bente Nuwebe'y petsa niyon
na kapara ang sukat ng balisong
ang tatô ko'y sampung taon na ngayon

mula sa pamagat ng isang kanta
na ang liriko'y kahali-halina
"I'll be back to love you again" ang isa
at "Always somewhere, miss you where I've been" pa

sa isang kasama ipinatatô
dinisenyo kong may ukit na puso
marahil tanda ng aking pagsuyo
"I'll be back" upang pagsinta'y mabuo

"Always somewhere", maraming napuntahan
may Climate Walk na mahabang lakaran
mula sa Luneta hanggang Tacloban
at Paris, Thailand, Tsina, Burma, Japan

naging laman din ng maraming rali
sa lansangan, bangketa, tabi-tabi
sa maraming isyu'y di mapakali
pagkat tibak na Spartan, ang sabi

bagamat malabo na kung tingnan mo
ay di ko buburahin ang tatô ko
kaakibat na nito'y pagkatao
dahil manlalakbay akong totoo

- gregoriovbituinjr.
06.29.2023

20% discount ng magasin

20% DISCOUNT NG MAGASIN

buti't may twenty percent discount sa Enrich magazine
pag may Mercury Drug SukiCard ka'y tatamasahin
aba'y kinse pesos talaga'y malaking tipid din
sa pasaheng minimum, may tatlong piso ka pa rin

seventy five pesos, glossy, makapal, may diskwento
tiyak na sixty pesos na lang ang babayaran mo
colored pa ang bawat pahina at mga litrato
may dagdag kaalaman ka pa sa mga health issue

buti't magasing ito'y nakita sa Mercury Drug
na naka-displey, sa iskaparate nakalatag
magasing pangkalusugan upang tayo'y tumatag
sa anumang nadaramang sakit ay mapanatag

ang Enrich magazine ay malaking tulong talaga
nang mga usaping pangkalusugan ay mabasa
na pangangalaga sa sarili ay mahalaga
salamat, dagdag kaalaman ay naging pag-asa

- gregoriovbituinjr.
06.29.2023

* mga litrato ay isyu ng May 2023 at June 2023 ng buwanang Enrich magazine

Martes, Hunyo 27, 2023

Huwag mong iwan sa initan ang magnifying lens

HUWAG MONG IWAN SA INITAN ANG MAGNIFYING LENS

huwag mong iwan sa initan ang magnifying glass
o magnifying lens kung ayaw mong masunugan ka
iyan ang payo ng matatanda't isip ay bukas
upang bahay at buhay ay maingatan tuwina

na pag natamaan ng araw ang ubod o gitna
ng magnifying lens at namuro sa isang bagay
tiyak na sisiklab iyon nang walang patumangga
na maaaring ikasunog ng buo mong bahay

ilang beses na bang ang sinding kandila'y naiwan
may namatay nang sa apoy, ang bahay ay natupok
kayraming nagkasunog dahil sa kapabayaan
sa balitang sunog, dapat ganito'y inaarok

upang di ito maulit o mangyari sa atin
kaya dapat makiramdam ka lagi sa paligid
dapat pamilya'y protektahan, ingatan, isipin
maging maagap, upang sa sunog ay di mabulid

- gregoriovbituinjr.
06.27.2023

Brian Jansen Vallejo, 13, Pinoy sipnayanon

BRIAN JANSEN VALLEJO, 13, PINOY SIPNAYANON

sa batang gulang pa lamang na labingtatlo
ay sumikat na si Brian Jansen Vallejo
di lang siya magaling sa mga numero
kundi maraming award pa'y tinanggap nito

sa Sarrat National High School ay estudyante
ng Grade 7, sa numero'y nahilig, sabi
sa mga kumpetisyon talagang sumali
unang gintong medalya nga'y kanyang nadale

sa Thailand International Math Olympiad
pati na roon sa Big Bei Math Olympiad;
Philippine International Math Olympiad
at HongKong International Math Olympiad

taasnoong pagpupugay sa sipnayanon
o mathematician sa kanyang nilalayon
dangal ng paaralan, tunay na may misyon
bukod kay Brian, may pito pang mathletes doon:

Arianne Rasalan, Allen Iver Barroga,
Natalie Balisacan, Zyrene Angelica
Dulluog, Mar Leon Malvar, Maria Cassandra
Duque, Jushiem Barroga ang ngalan nila

sa mga sipnayanon, mabuhay! mabuhay!
paabot nami'y taospusong pagpupugay!
ang sipnayan ay pag-igihan ninyong tunay
at magpatuloy kayo't kamtin ang tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.27.2023

* sipnayan - mathematics
* sipnayanon - mathematician

Biyernes, Hunyo 23, 2023

Nagdidilim ang langit

NAGDIDILIM ANG LANGIT

nagdidilim ang langit
may parating na bagyo
sakali mang magngalit
dulot nito'y delubyo

ang bubong kung may butas
ay agad nang tapalan
pag umulan tatagas
sa loob ng tahanan

kung babaha, itaas
ang mga kagamitan
magpayong kung lalabas
o magbota rin naman

kung hangin na'y lumakas
at bumuhos ang ulan
sana po kayo'y ligtas
bumaha man sa daan

- gregoriovbituinjr.
06.22.2023

Huwebes, Hunyo 22, 2023

Isang kaso ng OSAEC

ISANG KASO NG OSAEC

isa pang kaso ng OSAEC ang napabalita
Online Sexual Abuse and Exploitation of Children
sa sex video chat, ina'y ginamit ang mga bata
buti't ang nanay, ayon sa ulat, ay nahuli rin

upang magkapera lang, pinagsasamantalahan
ang mga anak, na katwiran, di naman nahipo
ang katawan ng anak kundi pinanood lamang
ganito ba'y tamang katwiran, nakasisiphayo

kayraming ikakaso sa nanay na siyang utak:
Anti-Online Abuse and Exploitation of Children Act,
ang Anti-Child Abuse Law, ang Cybercrime Prevention Act,
pati na Expanded Anti-Trafficking in Persons Act

dapat batid ng mamamayan ano ang OSAEC
ganitong krimen sa batas natin na'y natititik
parang halik ni Hudas ang sa anak binabalik
habang sa pera ng kostumer ay sabik na sabik

- gregoriovbituinjr.
06.22.2023

* mga ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Hunyo 22, 2023, p. 1-2, at Pilipino Star Ngayon, Hunyo 22, 2023, p. 1 at p. 8

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...