Biyernes, Setyembre 29, 2023

Noong unang panahon

NOONG UNANG PANAHON

noong unang panahon, / may isang pulitiko
na ugali'y magaspang / sa karaniwang tao
kaibang paglilingkod / ang ginagawa nito
tila baga negosyo / ang dapat ay serbisyo

sa presyong limangdaan / ay kanya raw nabili
ang prinsipyo ng dukha't / mga masang botante
tila ba walang paki / sa kanyang sinasabi
pang-uuto pa niya'y / ipinagmamalaki

kaya katiwalian / ay laganap sa bayan
kumpare't negosyante'y / kanyang kinikilingan
negosyo'y naglipana, / walang pangkalusugan
gusali'y nagtayugan, / hubad ang paaralan

mula sa dinastiyang / pulitikal din siya
dating meyor ang ama, / ina'y gobernadora
ang asawa'y may-ari / ng maraming pabrika
habang ang sahod naman / ay kaybabang talaga

bayang ito'y ginawa / nang basahan ng trapo!
sinong dapat sisihin? / yaong masang bumoto?
prinsipyo'y pinagpalit / sa limangdaang piso?
upang sang-araw man lang / dusa'y ibsang totoo?

sa sunod na halalan / ano nang magaganap?
bakit mga tiwali'y / tuloy sa paglaganap?
dapat ang taumbayan / ay talagang mag-usap
baguhin ang sistemang / sa kanila'y pahirap

- gregoriovbituinjr.
09.29.2023

22 Pababa: Pangangalap ng tao

22 PABABA: PANGUNGUHA NG TAO

natawa lang ako sa tanong dito
sa palaisipang sinagutan ko
tanong kasi'y "pangunguha ng tao"
aba'y KIDNAP agad ang naisip ko
kung nawala pa'y DESAPARESIDO

binilang ko, limang titik, di KIDNAP
sinagutan ang paligid, nahanap
ang tamang sagot, ito pala'y KALAP
pangunguha nga ng tao, ang saklap
na kahulugang iba sa hinagap

aba'y ano bang dapat tamang tanong
upang di malito't wasto ang tugon
maraming salitang di makakahon
ako man minsan ay paurong-sulong

- gregoriovbituinjr.
09.29.2023    

Miyerkules, Setyembre 27, 2023

Tula't tanong

TULA

pag masakit ang ulo ko, lunas dito'y pagtula
pag masakit ang buong kalamnan, ako'y tutula
sa hirap ng kalooban, ang hingahan ko'y tula
pag nais ko ng pahinga, ang pahinga ko'y tula

sa tambak na trabaho, tula na'y aking pahinga
sa pagod kong katawan, tula'y pinakapahinga
kaya ako'y humihingi sa inyo ng pasensya
kung tumula na naman ako sa inyong presensya

TANONG

bakit may taong sinasayang ang buhay sa bisyo
at sa gawaing masasama, di magpakatao
bakit may mga taong nais lang makapanloko
at buhay na'y inilaan sa gawaing ganito

sa paggawa ng mali, sila ba'y napapakali
wala na bang budhing sa kanila'y namamayani
halina't tuklasin natin anong makabubuti
para sa kapwa, panlahatan, di lang pansarili

- gregoriovbituinjr.
09.27.2023

Ang tindig

ANG TINDIG

inalay ko na para sa bayan at kalikasan
para sa katarungan at makataong lipunan
ang sarili, ito'y matagal na pinag-isipan
prinsipyo itong yakap-yakap hanggang kamatayan

ayokong sayangin yaring buhay sa mga bisyo,
sa pagyaman, o pagsasasamantala sa kapwa ko
ayokong sayangin ang buhay sa mga di wasto
ayokong mamuhay sa sistemang di makatao

kumikilos akong tinataguyod ang hustisya
na tanging iniisip ay kapakanan ng masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
labanan lahat ng uri ng pagsasamantala

sa paglilingkod sa bayan, buhay ko'y nakaugat
walang bisyo kundi sa masa'y maglingkod ng tapat
ganyan lang ako, di pansarili kundi panlahat
sa bawat hakbang, iyan ang laging nadadalumat

- gregoriovbituinjr.
09.27.2023

Lunes, Setyembre 25, 2023

Alingasngas at aliwaswas

ALINGASNGAS AT ALIWASWAS

ano bang kanilang makakatas
sa mga gawaing panghuhudas
sa bayan? dahil sa yama't lakas?
kaya ba batas ay binubutas?

itaguyod ang lipunang patas
at sa kapwa tao'y pumarehas
labanan ang mga alingasngas
at anumang gawang aliwaswas

- gregoriovbituinjr.
09.25.2023

alingasngas - kilos o pangyayari na itinuturing na mali at nagsasanhi ng galit ng madla, UP Diksiyonaryong Filipino, p.35
aliwaswas - katiwalian, UPDF, p.37

Linggo, Setyembre 24, 2023

Muyag at Mulay



MUYAG AT MULAY

dalawang salita na naman ang nakita
salitang di pamilyar, kahulugan - BARYA
ito'y nasa palaisipang magkaiba
na magkasunod kong sinagutang talaga

nang matapos, kahulugan ay tiningnan ko
nais kong makatiyak na sagot ko'y wasto
MUYAG at MULAY pala'y salitang totoo
nasa U.P. Diksiyonaryong Filipino

MUYAG at MULAY sa barya'y ibang salita
na lalawiganin pag inaral ang wika
na marahil magagamit ko sa pagtula
o sa kwento kung nauukol itong sadya

sapat ba ang kahulugan pag sinasambit
o dapat pang mabasa paano ginamit
sa pangungusap yaong salitang nabanggit
ah, salamat, MUYAG at MULAY ay nabatid

- gregoriovbituinjr.
09.24.2023

Palaisipan #16
11 Pahalang - Barya
Sagot: MUYAG

Palaisipan #19
26 Pababa - Barya
Sagot: MULAY

U.P. Diksiyonaryong Filipino
MUYAG - barya, p.804
MULAY - sa Batangas, barya, p.799

Sabado, Setyembre 23, 2023

Sa pagkatha

SA PAGKATHA

di dahil sa inspirasyon kaya nakatutula
maysakit man, malungkot, nagdurusa, o tulala
di man inspirado, basta may sasabihing sadya
ay kaya mong isulat anumang nasasadiwa

huwag tititig sa papel kung walang sasabihin
at doon pipiliting pag-isipan ng malalim
ang paksang di pa batid o nakalutang sa hangin
huwag haharap sa kompyuter kung walang gagawin

basta may sasabihin ka'y tiyak makasusulat
maisasatitik ang anumang nadadalumat
may maaakda sa pagitan man ng mga sumbat
may makakatha gaano man kalalim ang sugat

huwag hintaying inspirasyon ay basta dumampi
na mangyayari'y mapapakagat ka lang sa labi
magsulat ka lang tulad ng pagtatanim ng binhi
isang payo iyang sa inyo'y nais ibahagi

- gregoriovbituinjr.
09.23.2023

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...