Lunes, Nobyembre 11, 2024

Bone marrow biopsy

BONE MARROW BIOPSY

isinagawa kagabi
ng mga doktor
yaong bone marrow biopsy
sa aking misis
bone marrow pala'y bulalo
ng ating buto
pangatlong testing na iyon
sa isyung blood clot
o pamumuo ng dugo
na nagbara na
sa kanyang mga bituka
di makapasok
ang nutrients at oxygen
baka mabulok
ang ilang mga bahagi
niyong bituka
pag di agad naagapan
nag-surgery na
hanggang ngayon di pa batid
ng mga doktor
ang sanhi bakit nag-blood clot
sa may bituka
negative ang unang testing
at pangalawa
ikatlo pag nag-positive
matutukioy na
ang sanhi ng pagba-blood clot
nang malapatan
na ng kaukulang lunas
upang si misis
ay gumaling na sa sakit
na dinaranas

- gregoriovbituinjr.
11.11.2024

Linggo, Nobyembre 10, 2024

Salà ng ina

SALÀ NG INA

ano kayang klase siyang ina?
na binugaw ang apat na anak
na edad dalawa, apat, anim
at panganay na labingdalawa

paglabag na iyon sa OSAEC
o batas na Online Sexual Abuse
and Exploitation of Children, bakit
niya nagawa'y salang kaylupit 

sadyang kawawa ang mga bata 
sa nakagugulat na balita 
sa hirap ng buhay, ang nagawa
ng ina'y krimen, kaytinding salà

paano pag anak na'y lumaki?
sila kaya sa ina'y kakampi?
ang ina ba nila'y masisisi?
o salang ito'y isasantabi

- gregoriovbituinjr.
11.10.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 11.10.2024, p.2

Sabado, Nobyembre 9, 2024

Hemoglobin

HEMOGLOBIN

nang dinala ko na sa ospital si misis
mababa na pala ang kanyang hemoglobin
terminong iyon ay noon ko lang narinig
red blood cell na'y di makabigay ng oxygen

maraming terminong dapat kong matutunan
nang maunawaan ang mga kahulugan
terminong medikal na dapat kong malaman
upang si misis ay aking maalagaan

limang punto lamang ang hemoglobin niya
ang normal pala niyon ay labingdalawa
unang linggo pa lang, ilang bag ng dugo na
sa mga testing, nakitang anemic siya

at kagabi, muling sinalinan ng dugo
si misis, ako naman ay nakatalungko
ramdam ko ang kanyang pagdurusa't siphayo
minamasdan ko siya't talagang hapong-hapo

- gregoriovbituinjr.
11.09.2024

* litratong kuha sa ika-18 araw namin sa ospital

Biyernes, Nobyembre 8, 2024

Salin ng tula ni Charlie Chaplin

SALIN NG TULA NI CHARLIE CHAPLIN
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nilason ng kasakiman ang diwa ng tao,
na binarikadahan ng poot ang daigdig,
na ala-gansang hinakbangan tayo sa dusa't
pagdanak ng dugo.

Nakagawa tayo ng mabilis,
subalit sarili natin ay ipiniit.
May makinaryang ang bigay ay kasaganaan
ngunit nilulong tayo sa pangangailangan.

Ginawa tayong mapanlait ng ating nalalaman;
ang ating talino, matigas at hindi mabait,
Labis tayong nag-iisip at kaunti ang nararamdaman.

Higit pa sa makinarya,
kailangan natin ang sangkatauhan.
Higit pa sa talino,
kailangan natin ng kabutihan at pagkamahinahon.

Kung ang mga katangiang ito'y wala
buhay ay magiging marahas at lahat ay mawawala.

~ Charlie Chaplin

* ang mga litrato ay mula sa isang fb page
11.08.2024

Si Sir Charles Spencer Chaplin, Jr., KBE (Abril 16, 1889 – Disyembre 25, 1977), mas kilala bilang Charlie Chaplin, ay isang Ingles na komedyanteng aktor at tagagawa ng pelikula na nagkamit ng mga parangal sa Academy Awards. Naging isa sa mga pinakasikat na artista, gayon din bilang isang tagagawa ng pelikula, kompositor at musikero noong nauna at gitnang panahon ng "Klasikong Hollywood" ng pelikulang Amerikano. (Wikipedia)

A poem by Charlie Chaplin

Greed has poisoned men's souls,
has barricaded the world with hate,
has goose-stepped us into misery
and bloodshed.

We have developed speed,
but we have shut ourselves in.
Machinery that gives abundance
has left us in want.

Our knowledge has made us cynical;
our cleverness, hard and unkind.
We think too much and feel too little.

More than machinery,
we need humanity.
More than cleverness,
we need kindness and gentleness.

Without these qualities,
life will be violent and all will be lost.

Barya lang po sa umaga

BARYA LANG PO SA UMAGA

nagtraysikel ako upang puntahan
ang pinapakay sa isang tanggapan
upang pagamutan ay mabayaran
upang hirap ng loob ay maibsan

nag-aayos ng mga dokumento
para sa guarantee letter na ito
pupuntahan ang mga pulitiko
DSWD at PCSO

nasa ospital pa kasi si misis
dahil sa sakit niyang tinitiis
sa ospital ay maagang umalis
kaya dapat pagkilos ko'y mabilis

buti't sa bulsa ko'y may mga barya
ika nga, "barya lang po sa umaga"
ang aking misis nawa'y gumaling na
sabi, habang may buhay, may pag-asa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2024

* kuha ang litrato, Nobyembre 7, 2024

Huwebes, Nobyembre 7, 2024

Babantayan kita magdamag

BABANTAYAN KITA MAGDAMAG

mahal ko, ako'y narito lang
upang punan ang pagmamahal
di man ngayon makapaglibang
dahil narito sa ospital

gagawin ko ang makakaya
kahit ikaw ay nahihimbing
patuloy pa ring umaasa
na ikaw talaga'y gagaling

habang nariyang nakaratay
tandaang naririto ako
hindi magsasawang magbantay
sa ospital para sa iyo

nawa'y lalagi kang matatag
nang gumaling na't mapanatag

- gregoriovbituinjr.
11.07.2024

Miyerkules, Nobyembre 6, 2024

Tricyle blg. 001

TRICYCLE BLG. 001

bilang 001 ang tricycle kong nasakyan
ibig sabihin una siya sa listahan
naisip ko ngang 007 ay abangan
parang James Bond 007, lilitratuhan

at gagawan ko iyon ng mahabang tula
marahil maikling kwento o kaya'y dula
na sinakyan iyon ng mga manggagawa
na serbisyo sa bayan ay mahaba-haba

natsambahan ko lamang makasakay doon
habang tinatrabaho yaong nilalayon
habang nararamdaman sa sikmura'y gutom
habang wala nang oras sa paglilimayon

tricycle 001 at James Bond 007
nakakatuwang karanasan na sa akin
tricycle 007 sana'y masakyan din
upang may tula't kwento akong kakathain

- gregoriovbituinjr.
11.06.2024

* kuha sa tricycle na nasakyan ng makatang gala, Nobyembre 6, 2024

Trapo at basahan

TRAPO AT BASAHAN bentador ng bayan ang trapo ang turing sa dukha'y basahan trapo'y nanloloko ng tao ayuda ang nasa isipan ano bang a...