Lunes, Pebrero 10, 2025

Basa-nilay

BASA-NILAY

hatinggabi, pusikit ang karimlan
kayrami pa ring napagninilayan
nais nang magpahinga ng isipan
alalahani'y makakatulugan

ngunit madalas, nagbabasa muna
ng dyaryo, libro't isyung may halaga
nagbabakasakaling may pag-asa
ang masang talagang nakikibaka

bago matulog, magninilay-nilay
sa isang isyu ba'y anong palagay
pag naghikab ay tutulog nang tunay
nang bukas, masa'y muling makaugnay

isyung sa diwa'y nakakakiliti
ay sadyang inaaral, sinusuri
kung ramdam ng masang isyu'y masidhi
kumilos kita't alamin ang sanhi

- gregoriovbituinjr.
02.10.2025

Paglalaba

PAGLALABA

matapos ang misyong pampulitika
bilang isang pultaym na aktibista
gawaing bahay naman, maglalaba
ng maruruming damit ng pamilya

ganyan lang ang buhay ng isang pultaym
may pampulitikal at pantahanan
matapos na makipagtalakayan
sa masa, sunod naman ay labahan

kukusutin ang maruming kuwelyo,
kilikili't malibag na pundiyo
aktibista'y isa ring labandero
makata'y naglalaba ring totoo

habang naglalaba ay naninilay
ang samutsaring isyu't bagay-bagay
matapos banlawan ay isasampay
at bukas, sa masa'y muling uugnay

- gregoriovbituinjr.
02.10.2025

Linggo, Pebrero 9, 2025

Isaaklat na ang mga kinathang tula

ISAAKLAT NA ANG MGA KINATHANG TULA

ako ba'y isinilang upang magmakata
upang araw gabi'y kumatha nang kumatha
upang anumang nanilay ay itutula
kahit madalas nakatunganga't tulala

natanto kong ang pagtunganga'y trabaho rin
tititig sa malayo, sa langit, sa dilim
inuunawa anumang naroong lihim
na nais tuklasin kahit na may panimdim

minsan, sa pagtunganga'y may nadadalumat
paksang pag napagtanto'y agad isusulat
nagbabakasakaling ang masa'y mamulat
tungong pantay na lipunang kanyang nasipat

walang pera sa tula kung paisa-isa
subalit kung isasaaklat, may halaga
tipunin na ang mga tulang nakatha na
aklat na nalathala, sa madla'y ibenta

- gregoriovbituinjr.
02.09.2025

Ang maskot pala'y wisit

ANG MASKOT PALA'Y WISIT

salitang MASKOT pala ay WISIT
kung ang pangalan ng maskot ay BU
ngalan ng dula: si BU, ang WISIT
paumanhin sa bagong pauso

ako nga'y napaisip sa tanong
sa Dalawampu't Anim Pababa
ang maskot ay tulad ni Pong Pagong,
o ni Kikong Matsing, ni Mang Muta

mabuti't ako'y may diksyunaryo
at sinangguni ano ang MASKOT
WISIT ang ibang salita nito
kaya krosword na'y aking nasagot

buti't nabatid ang kahulugan
upang magamit ko sa pagkatha
isa itong dagdag kaalaman
para sa mga kwento ko't tula

- gregoriovbituinjr.
02.09.2025

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 9, 2025, p.10
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino: maskot, pahina 766; wisit, pahina 1337

Kakasuhan dahil sa P241B singit sa badyet

KAKASUHAN DAHIL SA P241B SINGIT SA BADYET

singit sa badyet ng pamahalaan
ay matagal na ring usap-usapan
blangkong badyet umano'y tinapalan
kaya heto mayroon nang kakasuhan

two hundred forty one billion pesos na
ang siningit ng mga kongresista
anang ulat, nang ito'y mabisita
kaya tama lang tao'y magprotesta

sigaw nga: Mandarambong, Panagutin!
Mandarayang Kongresista, Singilin!
ang twenty twenty five budget, alisin!
dinastiyang pulitikal, durugin!

ito'y pinakamasahol daw na badyet
na may mga blangko't kayraming singit
pang-ayuda't pang-eleksyon, pinuslit?
O, Bayan, di ka pa ba magagalit!

- gregoriovbituinjr.
02.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 9, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Sabado, Pebrero 8, 2025

Walang tibay ang gawang balasubas

WALANG TIBAY ANG GAWANG BALASUBAS

sementadong flood control project, dumausdos
gumuho sa walang hintong buhos ng ulan
magkanong pera ng bayang dito'y ginastos
kontratista pala nito'y di nasilayan

bakit ba walang tibay ang ginawang ito
ilang mason ang naglinaw nang kausapin
di kumapit ang semento, kulang sa bato
di type A o type B ang mixing ng buhangin

proyekto'y tinipid? o kaya'y kinurakot?
kaya flood control project ay bumigay agad
sinong responsable? sinong dapat managot?
ilang milyong piso ang dito'y kinulimbat?

anang ulat, pagkakagawa'y balasubas
ilang lokal na kontratista pa'y blacklisted
apatnapu't siyam na metro ang nalagas
nalusaw na milyones sa bayan pa'y hatid

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, p.3

Isang kahig, isang tuka

ISANG KAHIG, ISANG TUKA

tulad daw ng manok / ang buhay ng dukha
pagkat sila'y isang / kahig, isang tuka
sa bawat pagkilos / ay kakaing sadya
pag di nagtrabaho, / pagkain ay wala

parirala itong / palasak sa bayan
upang ilarawan / yaong karukhaan
maagang gigising / at paghahandaan
ang isang araw na / lalamnan ang tiyan

kaya tinatawag / silang mahihirap
ng tusong burgesyang / pawang mapagpanggap
sangkahig, santuka'y / wala raw pangarap
mga maralitang / walang lumilingap

bawat kinikita'y / para sa pagkain
di sa luho, gamit, / o anupaman din
bawat pagkahig mo'y / pang-ngayong pagkain
wala para bukas / at kakahig pa rin

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 6, 2025, p.7

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y mai...