Sining Gaba
Ang Sining Gaba ay isang plano ng pagbubuo ng munting pangkat (loose network, di pa organisasyon, o marahil ay isa lamang kampanya) ng mga makata, mang-aawit, at mahilig sa sining na ang layunin ay itanghal ang kanilang mga sining sa pagtataguyod ng karapatang pantao, hustisyang pangkalikasan, kalayaan, kaisipan ng uring manggagawa, pagbabago ng lipunan, at sosyalismo.
Ang Sining Gaba ay halos kasintunog ng sinunggaban. Sining Gaba. Sinunggaban. Ito mismo ang intensyon, ang pagmumulat sa pamamagitan ng sining upang sunggaban ng uring manggagawa ang kapangyarihang pampulitika. Ang pinanggalingan ng dalawang salita ay aking nasaliksik mula sa UP Diksiyonaryong Filipino:
Sining - png 1: kalidad, produksyon, o ekspresyon ng anumang maganda, kaakit-akit, at may kahalagahang higit sa karaniwan alinsunod sa mga prinsipyong estetiko; 2: mga bagay na nalikha ayon sa pamantayang estetiko, gaya ng pintura, at eskultura; 3. uri o kategorya ng sining, halimbawa, sayaw o eskultura; 4: anumang larangan na gumagamit ng kasanayan o malikhaing pamamaraan; 5: prinsipyo o metodo na gumagabay sa anumang uri ng kasanayan o pag-aaral; 6: kasanayan o kahusayan sa pagsasagawa ng anumang aktibidad
Sining - [Sinaunang Tagalog]: mag-isip o gamitin ang isip
Gaba - palihim o biglaang pagsalakay sa kaaway (terminong militar, na nasa wikang Ilokano)
Gaba - parusa sa kalapastanganan (Hiligaynon, Sebwano, Waray)
Gaba - gupo (Bikolano)
Mas gusto ko ang dalawang kahulugan: ang Sining na Sinaunang Tagalog na ang kahulugan ay mag-isip o gamitin ang isip. At ang Gaba na palihim o biglaang pagsalakay sa kaaway o gupuin ito.
Sa madaling salita, ang layunin ng Sining Gaba ay gamitin ang sining upang mag-isip o gamitin ang isip kung paano gupuin ang kaaway upang matamo ng bayan ang adhikain nitong pagbabago ng lipunan. Sa pamamagitan ng tula, awit, at mga sining biswal ay makapagmulat sa masa upang maisulong ang kalayaang pampulitika at mamulat ang uring manggagawa upang ipaglaban ang karapatang pantao at labanan ang pasismo, diktadura, kapitalismo at iba pang uri ng paniniil.
Sa ngayon ay nagsimula ang Sining Gaba sa pagsasagawa ng tula hinggil sa mga isyung napapanahon, tulad ng EJK, SONA, kontraktwalisasyon, laban ng manggagawa at magsasaka, mataas na presyo ng bilihin, pakikibaka laban sa pagmimina at coal plants, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pangarap na lipunan, anti-kapitalismo, pagbabago ng sistema, sosyalismo. Maglulunsad din po ang Sining Gaba ng Pagsasanay sa Sining ng Pagtulang may Sukat at Tugma (PSPST).
Magkakaroon ng poetry reading sa SONA ang Sining Gaba, sa rali ng mga kasapi ng Sanlakas, BMP, Partido Lakas ng Masa, KPML, at iba pang mga kapatid na organisasyon. Ang petsang iyon na rin ang magiging launching o paglulunsad ng Sining Gaba. Sinumang karaniwang taong nagmamakata, umaawit, nagpipinta at nais paunlarin ang sining bilang instrumento ng pagmumulat, at nais maging bahagi ng Sining Gaba, ay malugod na inaanyayahan.
- gregbituinjr./071417
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento