Tagumpay ng matematisyang Pinoy sa Tsina
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nagwagi ng labing-isang medalya ang mga estudyanteng Pilipino sa naganap na tatlong kumpetisyon sa bansang Tsina. Nakapagkamit sila ng isang gintong medalya, apat na pilak at anim na tanso. Ang mga kumpetisyong ito'y ang ika-19 na China Western Mathematics Invitational (CWMI), ang ika-18ng China Girls Mathematical Olympiad (CGMO), at ang ika-16 na China Southeast Mathematical Olympiad (CSMO).
Ayon sa Mathematics Trainers Guild-Philippines (MTG), sinundan ng tatlong paligsahan ang format ng Math Olympiad kung saan malulutas ng mga kalahok ang apat na magkakaibang problema sa loob ng apat na oras sa loob ng dalawang magkasunod na araw.
Ayon kay Dr. Isidro Aguilar., pangulo ng MTG, "Ang mga patimpalak na ito sa matematika sa Tsina ay napakahirap at binabati namin ang atingmga mag-aaral na Pilipino sa kanilang tagumpay."
Narito ang talaan ng mga mag-aaral na nanalo ng medalya sa mga kumpetisyon sa matematika doon sa Tsina:
CWMI (na naganap mula Agosto 11 hanggang 16 sa Lungsod ng Zunyi sa lalawigan ng Guizho)
- Immanuel Josiah Balete ng St. Stephen's High School (medalyang ginto)
- William Joshua King ng University of San Carlos sa Cebu (medalyang pilak)
- Charles Justin Shi ng Philippine Cultural College sa Caloocan (medalyang pilak)
- Fedrick Lance Lim ng Chong Hua High School sa Zamboanga (medalyang tanso)
CGMO (na idinaos mula Agosto 10 hanggang 15 sa Lungsod ng Wuhan sa lalawigan ng Hubei)
- Vanessa Ryanne Julio ng St. Jude Catholic School (medalyang pilak)
- Gwyneth Margaux Tangog ng Southville International School and Colleges (medalyang pilak)
- Deanne Gabrielle Algenio ng Makati Science High School (medalyang tanso)
- Hiraya Marcos ng Philippine Cultural College-Main (medalyang tanso)
CSMO (na nangyari noong Hulyo 28 hanggang Agosto 2 sa Lungsod ng Ji'an sa lalawigan ng Jiangxi)
- Charles Justin Shi ng Philippine Cultural College-Caloocan (medalyang tanso)
- Issam Wang ng Manila Science High School (medalyang tanso)
- Stephen James Ty ng Zamboanga Chong Hua High School (medalyang tanso)
Dahil sa kanilang kahusayan ay nais kong ihandog ang tulang ito para sa kanila:
Sa tagumpay ng mga matematisyang Pinoy sa Tsina
lubos akong nagpupugay sa mga mag-aaral
na Pilipinong sa ating bansa'y nagbigay-dangal
panalo nila sa isipan ko'y agad kumintal
dahil sa galing nila sa paksang matematikal
sa tatlong magkakaibang paligsahan sa Tsina
ay naiuwi nila ang labing-isang medalya
dahil sa kanilang talino'y nasagutan nila
sa paligsahan ang mga nilatag na problema
sa sekundarya o hayskul pa sila'y estudyante
ngunit kaytalas ng isip, mahusay sa diskarte
nasagutan ang mga problemang di mo masabi
lalo't sa kanila, paksa iyong kawili-wili
marahil, binigay ay mabibigat na ekwasyon
na sa kakayahan nila'y tunay na mapanghamon
marahil, di simpleng adisyon o multiplikasyon
kundi may aldyebra pa't trigonometriya doon
medalya nila'y pinaghirapan, sadyang nagsikhay
upang dalhin yaring bansa sa ganap na tagumpay
gayunman, ako sa kanila'y sadyang nagpupugay
sa husay nila, ang sigaw ko'y mabuhay! Mabuhay!
Pinaghalawan:
https://news.abs-cbn.com/life/08/19/19/ph-wins-medals-in-china-math-contests
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento