Martes, Oktubre 15, 2019

Pagtitig sa kisame

sa kisame kadalasan ay nakatitig man din
nakatingala, nagmumuni, anong kakathain
di tutunganga sa papel pag walang sasabihin
basta may isyu'y di mawawalan ng susulatin

luminga-linga ka, makinig, ang mata'y imulat
ano kayang mga lihim ang iyong mabubuklat
sa iyong mga nasagap na pangyayari't ulat?
may parang tae kayang sa mukha mo'y sasambulat?

maraming dapat isiwalat na isyung pambayan
baho ng pulitiko, korupsyon, katiwalian
sinu-sino ba ang mapagsamantalang iilan?
at sino naman ang nabubuhay sa karukhaan?

dahil ba sa negosyo'y walang pagpapakatao?
dignidad ba ng kapwa'y tinatapatan ng presyo?
nakatitig sa kisame't napapailing ako
mga iyon ba'y isusulat sa papel na ito?

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...