Huwebes, Nobyembre 14, 2019

Nais ko'y ibang paraan ng pagkatha

sa pagkatha ng tula ako'y di na nalulugod
lalo't sa isang estilo na ako napupudpod
napako sa labinlimang pantig bawat taludtod
animo tugma't sukat na ito'y nakalulunod

nais ko ng mga bagong estilo ng pagtula
dapat ko itong pag-isipan, maging mapanlikha
balikan ang kasaysayan ng dalit at tanaga
o kaya'y mag-eksperimento sa bawat pagkatha

haynaku! hay naku, naku! gagawa ba ng hayku
di ko nagawa noong hayskul ang ganyang estilo
kinahiligan ko na noon ang Balagtasismo
o susundan ko ang soneto't iyang Modernismo

patuloy kong minahal ang pagkatha't panitikan
kahit saan sumusulat, kahit sa palikuran
nagbabasa, nag-aalay ng tula kaninuman
pati ang kaharap na isyu't problema ng bayan

ikaw, aking mutya, ay malugod kong kakathain
sa aking puso't isipan, kaisa sa hangarin
kasama sa paglalakbay, malayo man sa akin
pagkat ikaw ang panitikang aking kakatasin

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...