Miyerkules, Nobyembre 20, 2019

Pag sinampilong ka ng mutya

minsan, maalam ding magalit ang mga diwata
lalo na yaong kaygandang dilag mong minumutya
huwag mong hahayaang pumatak ang kanyang luha
dahil nadama niyang niloko mo siyang pawa

gawin mo ang marapat upang mawala ang galit
ng sinisintang ang poot ay tila abot langit
baka nadama niya'y karanasang anong pait
sa piling mo't pagsinta pala niya'y nasa bingit

pag sinampilong ka'y agad iwasang kapagdaka
mag-ingat-ingat din, baka ikaw ay masungaba
at tumama sa kung saan ang maganda mong mukha
sa anumang mangyayari'y dapat lagi kang handa

kung iibigin mo ang diwata'y maging matapat
pagkat tila ibinibigay niya'y lahat-lahat
kung magmamahal ka'y dapat ka ring maging maingat
pagkat puso't damdamin ay nasasaktan ding sukat

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...