Miyerkules, Disyembre 25, 2019

Ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan

"Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan." ~ mula sa akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Gat Andres Bonifacio

ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan
ito ang prinsipyo ko't panata sa sambayanan
na dapat kong tupdin hanggang sa aking kamatayan
kumikilos para sa pagbabago ng lipunan

dapat kitang kumilos laban sa pambubusabos
dayuhan man at kababayang sanhi ng hikahos
dahil sa pagsasamantala, mga dukha'y kapos
suliranin ng masa'y dapat na nating matapos

dudurugin ang ugat ng maraming kaapihan
noon, sinasabing mga dayuhan ang kalaban
ngayon, sinuri ang problema nitong pamayanan
pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan

pag-aralan ang lipunan, kausapin ang masa
at durugin ang sanhi ng hirap at pagdurusa
patuloy tayong mag-organisa, mag-organisa
at magsikilos nang kamtin ng bayan ang ginhawa

- gregbituinjr.,12/25/2019

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...