Linggo, Marso 15, 2020

Sa panahon ng ligalig

SA PANAHON NG LIGALIG

tila baga magsasaklob na ang langit at lupa
pagkat nariyan na ang salot na pagala-gala
unti-unting nilalagnat ang mga mahihina
hanggang sa sila'y magdusa't maging kaawa-awa

bihira nang lumabas ang paruparo't bubuyog
pagkat mga rosas sa hardin ay di na malusog
sa talulot at nektar ay tila di mabubusog
habang ang munting halamanan ay aalog-alog

sa mundo'y naglipana ang samutsaring sakit
sa bulsa, sa puso't isip, sa matang nakapikit
di pa makalikha ng mga marubdob na awit
habang naririnig lang ay pawang hikbi at impit

marami nang taranta sa panahon ng ligalig
butse'y pumuputok ng nilalagnat na daigdig
kabi-kabilang balita'y sadyang nakatutulig
gamot nga ba rito'y di maunawaang pag-ibig?

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa mga nag-ambag ng tulong

SA MGA NAG-AMBAG NG TULONG sa panahong ito ng kagipitan ay naririyan kayong nag-ambagan nagbigay ng inyong makakayanan nang lumiit ang aming...