Huwebes, Marso 26, 2020

Tanghalin mang bangkay, tuloy ang laban


TANGHALIN MANG BANGKAY, TULOY ANG LABAN

"Sa inyong pamimiyapis, mangyayaring abutin ang kayo’y tanghaling bangkay sa gitna ng parang ng pakikidigma; nguni’t ito’y isang kapurihang inyong maipamamana sa ating Bayan, sa ating lahi, at sa ating angkan." ~ ikalawang talata ng akdang "Mararahas na mga Anak ng Bayan" ni Gat Andres Bonifacio

sa pakikibaka, isang paa na'y nasa hukay
sa pagbaka, tanggap mong maaari kang mamatay
anu't anumang mangyari'y tatanghalin kang bangkay
ngunit nasa isip pa rin prinsipyo't magtagumpay

wastong asal iyan ng isang rebolusyonaryo
na inaral ang lipunan, niyakap ang prinsipyo
ng pagkakapantay-pantay nitong tao sa mundo
at pagtatayo ng isang lipunang makatao

tanghalin man kaming bangkay, tanggap namin ang hamon
kolektibo naming gagampanan ang aming misyon
adhikain at prinsipyong kaakibat ng layon
sistemang bulok ay babaguhin ng rebolusyon

patuloy na organisahin ang masang dalita
upang madama rin nila ang asam na ginhawa
ng buong bayan, at tatanggalin din nilang pawa
pribadong pag-aaring ugat ng lahat ng sama

mabuhay ang mga proletaryo, tuloy ang laban!
payabungin pa natin ang mga naninindigan
para sa ginhawa ng dukha, di ng mayayaman
para sa kapakanan ng lahat, di ng iilan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...