Biyernes, Abril 3, 2020

Nais kong magboluntaryo laban sa COVID-19

Nais kong magboluntaryo laban sa COVID-19

nais kong magboluntaryo laban sa COVID-19
ayokong sa bahay lang, itlog ay palalakihin
subalit di ako doktor, nars, o health worker man din
nais ko lang tumulong, anumang kaya'y gagawin

kumbaga, ayokong nasa gera'y walang magawa
habang tigil sa trabaho ang kapwa manggagawa
sa nangyayaring ito'y dapat lang bang tumunganga?
maghintay lang kung kailan kwarantina'y mawala?

ayokong manood lang ng ulat tungkol sa sakit
pulos istatistika, ilan na ba ang maysakit
nakatunganga akong baka mahawa ng sakit
magboluntaryo sana't mag-ambag kahit maliit

ang COVID-19 na'y talagang tunay na digmaan
paano maliligtas ang bansa't sangkatauhan
maraming frontliner na'y nawala't nalalagasan
ako'y nakatunganga't di makatulong sa bayan

ginagawa'y kwento't tulang di naman makakain
kaya gutom ang pamilya't di sila mapakain
kaya nais kong magboluntaryo'y magkasilbi rin
sa sitwasyong di nakikita ang kakalabanin

ako'y tibak na hinanda ang sarili sa digma
ako'y makatang sa nangyayari'y makakatula
isusulat ko ang mga nakikitang masama
handa ang bisig sa sitwasyong nakakatulala

kung kailangan ng boluntaryo, sabihan ako
nasa probinsya man, malayo sa Maynilang sentro
nais magsilbi't magkasilbi sa sitwasyong ito
at mapanatili ang sanidad, di nababato

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagngiti

PAGNGITI palaging ngumiti, ang payo sa cryptogram na isang palaisipan sa pahayagan dahil bĂșhay daw ay isang magandang bagay at kayraming dap...