Huwebes, Abril 2, 2020

Tula sa ika-232 kaarawan ni Gat Francisco Balagtas


TULA SA IKA-232 KAARAWAN NI GAT FRANCISCO BALAGTAS
(Abril 2, 1788 – Pebrero 20, 1862)

Makatang Balagtas, / tunay na dakila
At isang bayani / dahil sa inakda
Kinathang kayhusay / at matalinghaga
Ang Florante't Laura / n'ya'y kahanga-hanga!

Tila may kahawig / ito sa daigdig
Ang Romeo't Juliet / na kaibig-ibig
Na haraya'y tigib / ng pagsinta't usig
Gising ang pag-ibig / na di palulupig!

Kiko Balagtas na / dakilang totoo
Isang pagbati po / sa kaarawan mo
Kahit naghihirap, / pagbati'y narito
O, Kiko Balagtas, / tunay kang idolo!

Balik-balikan man / ang kanyang sinulat
Ang bayan nga'y sadyang / dito'y mamumulat
Lilo't tampalasan, / taksil na kabalat
Ating pag-ingatan / nang di makasugat.

Gagawin ko pa rin / ang planong pagkatha
Tutula ng isang / kwentong anong haba
Alay ko sa dukha't / uring manggagawa
Sana, habang buhay / pa'y aking magawa.

- gregbituinjr.
04.02.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa mga nag-ambag ng tulong

SA MGA NAG-AMBAG NG TULONG sa panahong ito ng kagipitan ay naririyan kayong nag-ambagan nagbigay ng inyong makakayanan nang lumiit ang aming...