"A writer only begins a book. A reader finishes it." - Samuel Johnson
sinisimulan lamang daw ng isang manunulat
yaong pagkatha ng kanyang binabalak na aklat
at mambabasa na raw ang tatapos nitong sukat
ang sinabi'y matalinghagang dapat ding masipat
marahil, sinimulan lang ng may-akda ang katha
ngunit pagtatapos ng akda'y problema pa yata
kung serye sa magasin ang nobelang nililikha
kung basahin ito'y mambabasa ba'y nagtatakda?
kung simula pa lang ng nobela'y nakakabagot
baka akdang ito'y sa kangkungan na pinupulot
kung ayaw ng mambabasa ang akdang nilulumot
naglathala'y malulugi't sa ulo na'y kakamot
may nobelang sinaaklat na serye sa magasin
"Banaag at Sikat" ay nobelang halimbawa rin
inabangan ng mambabasa't kaysarap basahin
matapos lang ang isang taon ay sinaaklat din
marahil nga'y tunay ang sinabi ni Samuel Johnson
na sa mangangathang kagaya ko'y malaking hamon
isulat lang ba'y gusto o mambabasa'y kaayon?
susulatin ko ba'y aklat na panlahat ang layon?
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Sunny side up sa sinaing
SUNNY SIDE UP SA SINAING paano kung wala kang mantika sa bahay maulan at baha, ayaw mo nang lumabas subalit nais ng anak mo'y sunny side...
-
SA ANIBERSARYO NG KASAL AT NG KATIPUNAN Hulyo Pito, anim na taon nang nakararaan nang ikatlong kasal nami'y ganapin sa simbahan doon sa ...
-
ang kahirapan ay di kawalan ng pagkatao lider-maralita'y marangal at Katipunero mabubusog ka nga sa karanasan nila't kwento n...
-
THE ARTISTRY AND ACTIVISM IN ME when painter Marcel Duchamp died that was the day I was born when massacre of students in Tlatelolco, Me...


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento