Martes, Hunyo 9, 2020

Puna't patama

sa kanyang ang ugali'y kapara ng naptalina
walang magawa sa buhay, lahat na'y pinupuna
wala rin daw namang trabaho akong aktibista
bakit ayaw raw paalipin sa kapitalista

awit ni Freddie Aguilar ay mahilig kantahin
mag-ingat daw sa manloloko'y bukambibig na rin
tama naman, awit ni Freddie'y may tamang layunin
ngunit kakilala ko'y may pinatatamaan din

gumawa raw ng sulat upang manghingi ng pera
ang taong inilarawan ni Ka Freddie sa kanta
may sakit daw ang anak na dapat daw magamot na
subalit taong iyon ay sa kabaret nagpunta

nabisto siya ni Ka Freddie't natulala ito
iinom upang problema'y malimutan daw nito
kaya sa awit, ang sabi nga, "mag-iingat kayo"
sa modus nilang ganito't "baka kayo'y maloko"

isang kakilala'y inuulit yaong awitin
wala raw trabaho kaya ganito ang gawain
anya'y pabigat lang daw, mukhang patama sa akin
dahil ako'y walang sahod, paano raw kakain

manunulat na tibak kasi akong di magalit
masipag mang pultaym, walang kita, pulos pasakit
kaya gayon-gayon na lamang siya kung manlait
ngunit di ako tulad ng sinasabi sa awit

ngunit dahil walang sahod, sa akin ang patama
nais kong umalis pag ganito lagi ang gawa
nais kong takasan ang makakati niyang dila
subalit tiis-tiis, sarili'y pinapayapa

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...