Sabado, Hunyo 6, 2020

Sa bawat kusot

sa bawat kusot ko'y may bagong napagninilayan
habang kinukusot ang kwelyo'y may paksa na naman
sa dakong kilikili'y may ibang napag-isipan
may samutsaring paksa na, sa pagkukusot pa lang

kaysa washing machine, mas nais kong magkusot-kusot
dahil panahon iyon ng pagkatha ko't sumambot
ng maraming ideyang sa pagkusot ko napulot
dahil panahon din iyon ng pagtuwid ng gusot

kaysarap maglaba sa panahon ng kwarantina
pagkat samutsari'y napagninilayan tuwina
kayraming paksang iba't iba ang sahog at lasa
matamis, maanghang, mapakla, matabang, malasa

mga daliri kong ito sa pagkusot ang saksi
na talagang naalis ang nakakabit na dumi
maya-maya pa, damit na'y binanlawang maigi
isasampay ang mga iyon sa tali't alambre

- gregbituinjr.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paslit dumugo ang mata sa cellphone

PASLIT DUMUGO ANG MATA SA CELLPHONE "kaka-cellphone mo 'yan!"  sabi lagi sa radyo pag patalastas o patawa ng payaso naalala ko...