Sabado, Hulyo 4, 2020

Dagsip

may katawagan palang katutubong Filipino
sa matematika'y magagamit nating totoo
halina't itaguyod ang katawagang ganito
sa tula, dagli, ulat, sanaysay, maikling kwento

titik 0 ang dagsip sa wala, 1 para sa isa
2 sa dalawa, 3 sa tatlo, 5 naman sa lima
4 sa apat, 6 sa anim, pito'y 7, ano pa
8 sa walo, 9 sa siyam, bata pa'y tinuro na

korteng kurus ang dagsip sa pagdagdag o adisyon
gitling naman ang dagsip sa pagbawas o subtraksyon
ekis naman ang dagsip para sa multiplikasyon
tutuldok-gitling o guhit-pahilig sa dibisyon

dagsip, oo, dagsip ang tawag sa mga simbolo
o markang ginamit para sa bilang o numero
salitang Hiligaynon, may magagamit na tayo
sa aritmetika't mga paksang kaugnay nito

o, dagsip, na sa aming diwa't puso'y halukipkip
naroon ka sa ekwasyong tuwina'y nahahagip
kung labis o kulang ay tinitimbang, sinisilip
ikaw ang sagisag ng sipnayang dapat malirip

- gregbituinjr.

dagsip - salitang Hiligaynon; simbolo o markang ginagamit para sa mga bilang o numero, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 251
sipnayan - wikang Filipino sa matematika

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Barya lang po sa umaga

BARYA LANG PO SA UMAGA bilin doon:  barya lang po sa umaga habang aking tinatanaw ang pag-asa na darating din ang asam na hustisya lalo'...