Huwebes, Hulyo 16, 2020

Kumikilos ako di upang kumita ng pera

kumikilos ako di upang kumita ng pera
kundi upang magsilbi sa bayan, sa dukhang masa
aanhin ko ang salapi kung sa layaw ang punta
kung may pera'y gagamitin sa pag-oorganisa

mas mahalaga sa akin ang pagpapakatao
di ang anumang yaman, luho, bisyo, o kapritso
anong halaga ng buhay nang isilang sa mundo
kung sa salapi na lang umiinog ang buhay mo

nais ko ng rason bakit nabuhay sa daigdig
di ang mabuhay upang kumain, gawin ang hilig
di lang kumayod upang mabuhay, gawin ang ibig
kundi esensya bilang taong may prinsipyo't tindig

"iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga
ni Gat Emilio Jacinto, na bayaning dakila
ang kanyang Liwanag at Dilim ay basahing kusa
nang pagpapakatao'y ganap nating maunawa

ang Kartilya ng Katipunan ay ating namnamin
pagnilayan ang nilalaman at isapuso rin
dapat walang amo at wala ring inaalipin
dapat ang asam na ginhawa ng bayan ay kamtin

kaya kumikilos ako di para sa salapi
kundi sa pakikibaka laban sa mga mali
itayo ang lipunang makatao, di tiwali
at sa mundong ito ako'y nagbabakasakali

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...