Miyerkules, Hulyo 8, 2020

Kwento ng isang kantanod

sa piging na iyon, may kantanod, di imbitado
kita mong napapalatak sa handang imbutido
dating napiit dahil sa gawaing imbalido
natagayan naman, lumaklak na parang imbudo

pinanood ng kantanod ang mga nagsasayaw
at sa halakhakan nilang halos di magkamayaw
nais pa niya ng isang tagay, ramdam ay uhaw
serbesa iyong tila sa nadarama'y titighaw

anong dapat gawin sa kantanod na isang tambay
bakit araw-gabi na lang ay nagpapahingalay
sadya bang batugan? anong kwento ng kanyang buhay?
siya ba'y kuntento't masaya? o tigib ng lumbay?

marami siyang pangarap, oo, baka, pangarap
lalo't maya't maya'y nakatitig sa alapaap
sa buhay ba niya'y anong naganap at nalasap?
tatanda na lamang ba siyang walang lumilingap?

- gregbituinjr.

kantanod - panauhing hindi inanyayahan, panonood sa pagkain (mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 90)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paslit dumugo ang mata sa cellphone

PASLIT DUMUGO ANG MATA SA CELLPHONE "kaka-cellphone mo 'yan!"  sabi lagi sa radyo pag patalastas o patawa ng payaso naalala ko...