Linggo, Hulyo 5, 2020

Pamumulot ng nagkalat na plastik

mamumulot akong muli ng nagkalat na plastik
tapon dito, tapon doon, minsan di makaimik
di na inisip kung saan plastik ay sumisiksik
kawalang disiplina sa basura'y hinahasik

ayokong pagmasdan ang maruming kapaligiran
kaya pupulutin ang basura sa kadawagan
bakit ang mga lupa'y ginagawang  basurahan
imbes na tamnan ito ng mapapakinabangan

walang magawa kundi pulutin ang mga plastik
labhan, banlawan, patuyuin, gagawing ekobrik
pag tuyo na ito'y gugupitin at isisiksik
sa boteng plastik, patitigasing katulad ng brick

plastik na'y naglipana sa lupa, gubat, at laot
sa nangyayaring ito'y sino ang dapat managot
kundi tayo ring sa gawang ito'y nagpahintulot
anong gagawin upang ito'y tuluyang malagot?

- gregbituinjr.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang matulain

ANG MATULAIN tahimik na lang akong namumuhay sa malawak na dagat ng kawalan habang patuloy pa ring nagninilay sa maunos na langit ng karimla...