Sabado, Agosto 1, 2020

Mga usling pako sa kisame

higit apat na buwan na sa bahay ng biyenan
dahil kwarantina'y doon ni misis naabutan
ilang beses nang naglabas-masok sa palikuran
ngayon lang naramdamang ako pala'y nasugatan

kaninang umaga'y masaya sanang maliligo
pumunta ng palikuran at naghubad ng baro
nang makaramdam ng sakit sa daliri, nagdugo
iyon pala sa kisame'y may nakausling pako

at di lang isa kundi walong pako ang naroon
nadale ang aking daliri nang maghubad doon
tinamaan yaong hintuturo, daplis man iyon
pabaya ba ang karpinterong gumawa ng bubong?

o baka naisip niyang nakatira'y maliliit
kaya di masusugat sa kisameng abot-langit
kung may matangkad at mauntog, aba'y anong sakit
tiyak sugat agad ang noo, kundi man ang anit

ang pako'y lagpas-lagpasan sa kahoy na dos-por-dos
upang matibay na makabit ang yero't maayos
baka estilo ng karpintero, pako'y tumagos
di naisip, may masugatan, basta makaraos?

tiningnan ko ang kisame sa kabilang kubeta
may nakausli ring pako, bilang ko'y labing-isa
matapos maligo'y pinuntahan ang kusina
sa kisame, mga pako'y nakausli rin pala

pag minartilyo ang pako sa kubeta'y aangat
tiyak ang yero, kaya ang mas mabuti'y mag-ingat
kung maghuhubad upang maligo'y huwag malingat
dahil baka masabit muli sa pako't masugat.

- gregbituinjr.
08.01.2020






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...