Sabado, Setyembre 19, 2020

Pagkaburyong

dahil sa kwarantina'y para akong nakakulong
nadarama lagi'y pagkainis at pagkaburyong
ang nais ko na'y makalaya sa kulungang iyon
baka di kayanin, magpatiwakal lang paglaon

walang trabaho, walang kita, isang palamunin
ayokong maging pabigat lang, sarili'y lupigin
di sapat ang ekobrik at Taliba kong tungkulin
sa lugar na kinasadlakang tila dayuhan din

dapat salita sa lugar na ito'y kabisado
dahil pagtatawanan ka pag di mo alam ito
dahil sa wika'y di ako matanggap sa trabaho
gayong kahit mabigat, trabaho'y papasukin ko

sa lugar na ito'y kayang makipagsapalaran
ang di ko kaya'y maturingang isang pabigat lang
kaya mga susunod kong hakbang ay pag-isipan
magtagal pa rito, magbakasakali, lumisan?

upang di tuluyang mabaliw, dapat nang magpasya
lalayo ako sa lugar na di ako kilala
na kinapadparan ko dahil sa aking asawa
ayokong maging pabigat, lalo't dama na'y dusa

madalas nga'y di na ako kakain ng hapunan
sapat na ang kaunting almusal at tanghalian
sa gabi'y huhugasan ang kaldero't pinagkainan
upang ang pagiging pabigat ay di maramdaman

pagtula-tula ko'y sapilitan na lang, di sapat
dahil buryong na ako, palamunin pa't pabigat
di na kaya ng utak kong tumagal ditong sukat
baka magpatiwakal lang, di na makayang lahat

- gregoriovbituinjr.

PS.
di ko naman iiwan ang aking mutyang asawa
sakaling umalis at sa dating lungsod pumunta
pag maayos na ang lagay ko'y kukunin ko siya
nang sa lugar kong pinuntahan, muling magkasama

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...