Lunes, Pebrero 22, 2021

Maging ligtas

Maging ligtas

munting abiso sa apakan saanman mapunta
upang matiyak ang kaligtasan ng kapwa masa
na dapat nating unawain sa tuwi-tuwina
pagkat nasa panahong kakaiba't may pandemya

maging ligtas di lamang para sa iba, sa iyo
ang isang metrong agwat ay personal mong espasyo
matsing ma'y lumambi-lambitin sa kabilang dulo
pagong na mautak ay ngingisi-ngisi lang dito

nang iniligtas ng langgam ang tipaklong sa baha
kaligtasan sa pandemya'y iyong mauunawa
at nang inihulog ng buwan ang sundang sa lupa
mga traydor na sakit ay dapat iwasang lubha

mga bilin ng kaligtasan ay ipamahagi
upang ang tinatawag mong kapwa'y di mapalungi

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...