Martes, Mayo 25, 2021

Ang pusang nasok sa bintana

ANG PUSANG NASOK SA BINTANA

naroon akong nakatalungko't may naaarok
na sa pagninilay doon animo'y nakalugmok
hanggang sa isang pusa ang sa bintana'y pumasok
at napangiti na lamang sa pagkakayukayok

di siya agad lumayo, sa akin pa'y tumitig
maamo ang mukha't mata niya'y di nang-uusig
at pinagmasdan ko siyang tila kaibig-ibig
para bang walang anumang nadaramang ligalig

anong pahiwatig ng pusang nasok sa bintana
mula sa musa ng panitik ba'y may payong sadya
bilin ba'y magpatuloy ako sa nasa't pagkatha
at linangin ang saknong habang mataba ang lupa

dati'y may pusa ring alaga ang isang kasama
na lagi niyang bitbit pagpunta ng opisina
hanggang nasabing kasama'y umuwi ng probinsya
pusang alaga'y dala niyang kaybuti talaga

kaya pagdatal ng pusang iyon na anong amo
siya'y sumagi sa isip habang tangan ang baso
babarik bang muli o ayos na ang kapeng ito
at kinakathang nobela'y atupaging totoo

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...