Sabado, Mayo 29, 2021

Basyan

BASYAN

may taal palang salita sa suksukan ng pana
na magagamit sa mga sanaysay, kwento't tula
halimbawa, ang kwento ng Aztec na mandirigma
o kwento ni Robinhood o kawal-Spartan pa nga

kung ang tawag sa suksukan ng itak ay kaluban
na laging gamit ng magsasaka sa kabukiran
ang suksukan naman ng mga palaso ay basyan
na ginamit ng mandirigma noong una pa man

bihirang pansinin ang basyan kahit napanood
ang Lord of the Rings, Sacred Arrows, Rambo at Robinhood
dahil di alam ang tawag doon ng inyong lingkod
ngayon, bilang makata'y aking itinataguyod

ito'y sinaunang Tagalog, ayon sa saliksik
sa U.P. Diksiyonaryong Filipino natitik
gawa sa kahoy ang basyan, gamit ng mababagsik
na mandirigma, lalo ng aping nanghihimagsik

salitang taal sa atin ay gamiting totoo
lalo na't nasasaliksik natin ang mga ito
ang salitang basyan ay binabahagi sa inyo
upang magamit na sa ating mga tula't kwento

- gregoriovbituinjr.

basyan - kaluban o suksukan ng mga palaso na gawa sa kahoy, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 149

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...