Sabado, Mayo 29, 2021

Maagang pagbangon

MAAGANG PAGBANGON

madaling araw ay bumangon na ang inyong lingkod
pagkat di na dalawin ng antok bagamat pagod
nagmumog, naghilamos, nagsepilyo, at kumayod
isinulat sa papel ang isyung tinataguyod

madalas, madaling araw ako na'y nagigising
at agad nang tatayo mula sa pagkagupiling
kayraming napagninilay sa mababaw na himbing
na tila dapat maghanda sa unos na parating

habang naririnig pa ang aso sa pag-alulong
na animo sa aking tainga'y may ibinubulong
nagyayabang pa ba ang mga palalong marunong
ngunit sa tunay na sagupaan ay urong-sulong

maagang bumangon upang trabahuhin ang salin
habang mga kuliglig ay naghaharutan pa rin
maya-maya'y magluluto ng ulam at sinaing
upang sa maagang pagtatrabaho'y di gutumin

- gregoriovbituinjr.05.29.2021

* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...