Huwebes, Mayo 27, 2021

Nais ko muling mag-aral at magturo

NAIS KO MULING MAG-ARAL AT MAGTURO

nais ko muling mag-aral, di sapat ang magbasa
habang pinag-iisipan ang una kong nobela
malikhaing pagsusulat ang kursong ninanasa
o kaya'y tapusin ang kurso sa matematika

aeronautical engineering ay di ko natapos
pagkat naging manggagawang regular akong lubos
ng tatlong taon, nag-resign, at iba ang inayos
nag-aral muli hanggang maging editor pangkampus

sa pagbabalik-eskwela'y naging ganap na tibak
hanggang umalis muli't iba naman ang tinahak
tumulong sa obrero't dukha, gumapang sa lusak
nagtanim-tanim, buhay man ay gaano kapayak

at ngayon, nais kong buksan ang panibagong pinto
baka may mga bagong aral tayong mahahango
lalo na't nais ko muling mag-aral at magturo
ibahagi sa iba ang karanasan ko't kuro

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa tapat ng Benguet State University sa La Trinidad, Benguet

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pang-apatnapu't siyam na sa mundo si Alex Eala!

PANG-49 NA SA MUNDO SI ALEX EALA! kaytaas na ng ranggo ni  Alex Eala siya sa mundo'y pang-apatnapu't siyam na dapat ipagbunyi ang ka...