Sabado, Hunyo 12, 2021

Wakasan ang Child Labor sa Pilipinas

WAKASAN ANG CHILD LABOR SA PILIPINAS

sa murang edad ay nagtatrabaho na ang bata
habang kontraktwal na magulang ay walang magawa
ang gobyerno sila'y hinahayaan na lang yata
panawagan ko'y wakasan ang child labor sa bansa

dapat sa murang edad nila'y nasa paaralan
masaya sa panahon ng kanilang kabataan
ang Convention of the Rights of the Child ay ginagalang
at kinikilala ang bawat nilang karapatan

karapatan ng bawat batang mabigyang proteksyon
may tahanan at pamilya, walang diskriminasyon
magpahayag ng sariling pananaw o opinyon
sapat na pagkain, magkaroon ng edukasyon

subalit dahil sa child labor, kaybilis tumanda
batang katawan ay nabatak ng husto't kawawa
ama'y walang trabaho, bata'y naging manggagawa
ika nga, bata, bata, paano ka ba ginawa

di mabayarang tama ang trabaho nila't pagod
di makaangal ang bata sa mababang pasahod
dinadaya na ang bata, gobyerno'y nakatanghod?
habang sa child labor, kapitalista'y nalulugod!

dapat madanas nila ang pagiging kabataan
nag-aaral sa paaralan, wala sa lansangan
tangan nila'y pluma't libro, wala sa basurahan
"Wakasan na ang child labor!" ang aming panawagan

- gregoriovbituinjr.
06.12.2021
World Day Against Child Labor

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...