Biyernes, Agosto 27, 2021

Hanág

HANÁG

isa na namang salita ang nakita ko ngayon
lalo't kayganda ng mensahe't kahulugan niyon
na "dignidad at karangalan sa isang posisyon"
kaygandang salita sa kasalukuyang panahon

ano ba ang dignidad sa mga may katungkulan
upang di sila magmalabis sa kapangyarihan
at maiwasan ang paggawa ng katiwalian
bakit ba karangalan ay di dapat madungisan

HANÁG ang isa nating sukatan ng pulitiko
at sa susunod na halalan ay kakandidato
di walanghiya, talagang magsisilbi sa tao
oo, HANÁG ay isang sukatan ng pagkatao

ay, siyang tunay, ganyan kahalaga ang dignidad
upang mga kawatan sa gobyerno'y di mamugad
kung sira ang HANÁG nila, sila'y dapat ilantad
upang sa pamahalaan sila'y di magbumabad.

- gregoriovbituinjr.
08.27.2021

hanág - [sinaunang Tagalog]: dignidad o karangalan sa isang posisyon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 431
* pansining sa pagbigkas, ito'y mabilis pagkat may tuldik na pahilis sa ikalawang pantig, sa tapat ng titik a, na kaiba sa hánag na iba naman ang kahulugan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...