Huwebes, Pebrero 10, 2022

Pagkatha

PAGKATHA

patuloy pa ring umaakda
gayong walang pera sa tula
naritong kaysipag lumikha
araw-gabing katha ng katha

kung sa tula'y may pera lamang
kung bawat tula'y may bayad lang
baka makata na'y mayaman
di man ito ang naisipan

may pambili sana ng gamot
sa botika'y may maiabot
dahil wala'y nakakalungkot
sa iwing puso'y kumukurot

pagtula'y di naman trabaho
na kailangan mo ng sweldo
kumbaga ito'y isang bisyo
gagawin kailan mo gusto

na kung may pera lang sa tula
mas marami pang magagawa
wala man, tuloy sa pagkatha
ito na ang buhay kong sadya

- gregoriovbituinjr.
02.10.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paslit dumugo ang mata sa cellphone

PASLIT DUMUGO ANG MATA SA CELLPHONE "kaka-cellphone mo 'yan!"  sabi lagi sa radyo pag patalastas o patawa ng payaso naalala ko...