Huwebes, Marso 31, 2022

Takipsilim

TAKIPSILIM

muling sumapit ang takipsilim
sa muling pagtatapos ng buwan
at niyakap kong muli ang dilim
na animo'y walang katapusan

tulad din ng buhay natin ngayon
madaling araw, umaga'y landas
tanghali, hapon, at dapithapon
takipsilim, hatinggabi'y bakas

paikot-ikot lang nga ang buhay
tila gulong na pagulong-gulong
may pagkasilang at may paghimlay
may pagkabigo, may sumusulong

umunlad naman daw ang daigdig
may mayaman, may mahirap pa rin
kapitalista'y tubo ang kabig
maralita'y tuka bawat kahig

at sa pagsapit ng takipsilim
ng buhay ng bawat mamamayan
nawa'y matikman, ginhawa't lilim
panlipunang hustisya'y makamtan

- gregoriovbituinjr.
03.31.2022

Pinta ng pagmamahal

PINTA NG PAGMAMAHAL

sikat na pinta yaong malibog umano
na naibenta ng tatlumpung milyong Euro;
batay sa ulat sa kasaysayan, may kwento
batay sa pangyayaring talagang totoo

isang matanda'y pinarusahang mamatay
sa gutom dahil daw nagnakaw ng tinapay;
sa panahon ni Haring Luis Labing-apat
ng Pransya, na sa lupit ay kilala't sikat

tanging dalaw ng preso'y babaeng anak n'ya;
makalipas ang apat na buwan, buhay pa
ang matandang lalaki't tila lumusog pa
kaya awtoridad ay labis na nagtaka

hanggang mabatid nila kung anong sikreto
babae pala sa ama'y nagpapasuso
hukom ay naawa sa nabatid na ito
ama'y pinatawad, pinalayang totoo

- gregoriovbituinjr.
03.31.2022

* litrato mula sa fb

Pangarap ng kabataan

PANGARAP NG KABATAAN

mga anak ng manggagawa, may mga pangarap
na sila'y makaalpas na sa dusa't paghihirap
ang buhay na may dignidad ay kanilang malasap
mayroong magandang bukas at may ginhawang ganap

simpleng pangarap nilang mga kabataan, bata
walang nagsasamantala sa amang manggagawa
walang yumuyurak sa dignidad ng ama't dukha
ang pamamalakad ng batas ay patas sa bansa

tiyak ayaw ng mga bata sa trapong kawatan
ayaw sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan
tiyak, isisigaw nila, "Sana, matino naman
ang mahalal na Pangulo ng mahal nating bayan!"

bansang ang karapatang pantao'y nirerespeto
pamahalaang may paggalang sa wastong proseso
mayorya sa kanila'y anak ng dukhang obrero
ama'y kayod ng kayod para sa kaunting sweldo

at para sa kinabukasan: Manggagawa Naman
ihalal nating Pangulo, Ka Leody de Guzman
para sa maayos na pamumuhay, kalusugan
magandang edukasyon, magandang kinabukasan

- gregoriovbituinjr.
03.31.2022

Miyerkules, Marso 30, 2022

Pambihirang pagkakataon

PAMBIHIRANG PAGKAKATAON

binigay ng kasaysayan ngayon
ay pambihirang pagkakataon

noon, labanan ng mga trapo
ngayon, pagkakataon na ito
kandidatong Pangulo'y obrero
Manggagawa Naman ang iboto!

ito'y di natin dapat sayangin
kasaysayan na'y panig sa atin

Ka Leody de Guzman, Pangulo
Ka Walden Bello, Bise Pangulo
para Senador, Luke Espiritu
Roy Cabonegro at D'Angelo

kandidatong palaban talaga
dala'y Partido Lakas ng Masa

mapanuri, makakalikasan
at nakikibaka sa lansangan
para sa karapatan ng bayan
para sa hustisyang panlipunan

h'wag sayangin ang pagkakataon
ipanalo natin sila ngayon!

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Mautak at mangmang

MAUTAK AT MANGMANG

bakit daw siya'y mautak, sabi niyang may yabang
habang salaysay ng isa'y buhay ng isang mangmang;
librong magkasalungat ng dalawang di man hibang
subalit may saysay hinggil sa dinaanang larang

magkasabay ko lang nabili ang dalawang aklat
nang di namalayang pamagat ay magkasalungat
napagtanto lang nang sa bahay na'y naalimpungat
sa pagkaidlip at mapagmasdan ko ang pamagat

ang "Why I Am so Clever" ay akda ni Friedrich Nietzsche,
Aleman, tila libro'y palalo, makasarili;
ang "The Life of a Stupid Man" ay kay Ryƫnosuke
Akutagawa, Hapon, akdang sa dusa sakbibi

naglathala'y Penguin Classics, dagdag ko sa koleksyon
na pagkabasa, plano'y isalin ang mga iyon;
pag kahulugan ng mga akda'y aking nalulon,
baka may mahalukay na aral na mapanghamon

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Baryang pamasahe

BARYANG PAMASAHE

"Iwas-abala" ang susing salita sa kanila
ipinaskil nga nila'y "Barya lang po sa umaga"
agad mo nang ihanda ang pamasahe sa bulsa
pag-ibis ng traysikel, sa tsuper iabot mo na

sa kamay mo'y dapat ay handa na ang pamasahe
mabilisan ang bayad at sukli, ganyan ang siste
sa pampublikong sasakyan, traysikel, dyip, bus, taksi
sa pagsakay mo sa tren, sa L.R.T. at M.R.T.

"Barya lang sa umaga," paskil sa mga sasakyan
dapat kapado na natin ang paalalang iyan
saan galing, saan bababa, tapos ang usapan
bayad po, ito ang sukli, ganyan lang, mabilisan

upang makakuha agad ng bagong pasahero
at sa pamamasada'y may kita kahit paano
barya-barya ang usapan, di naman iyan bangko
huwag magbayad ng buo at abalang totoo

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Libreng sakay

LIBRENG SAKAY

mula bahay ng biyenan patungong opisina
mula Cubao hanggang Pasig, pamasahe'y nagmura
dating bente sais o kwarenta'y tres, nagtrese na
lalo pa't iyang M.R.T. ay naglibreng sakay pa
tila baga ito'y magandang serbisyo sa masa

ano kayang nasa likod ng gawa nilang iyan?
naglibreng sakay isang buwan bago maghalalan
ang manok kaya ni San Pedro'y may pinapanigan?
sa taas ng presyo ng gasolina'y tugon iyan?
o sa gera sa Ukraine, tayo'y apektado naman?

sa libong pasahero, sa pagkalugi ang tungo
ng libreng sakay kung walang iskemang nakatago
kaya ba naglibreng sakay ay kaybuti ng puso?
sana'y di para ipagwagi ang trapo't hunyango
sa halalang baka dambungin ng atat maupo

bagamat nakasakay ng libre'y di mapalagay
na sanlinggo bago halalan malantad ang pakay
paumanhin sa palagay ng makata ng lumbay
gayunman, maraming salamat po sa libreng sakay
pagkat laking tipid nito sa aming paglalakbay

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Martes, Marso 29, 2022

Maralita, bida sa eleksyon

MARALITA, BIDA PAG ELEKSYON

pag nangampanya'y trapong kuhila
pulos pangako sa maralita
kaytatamis ng mga salita
pangako'y rosas, langit at tala
tuwing halalan, bida ang dukha

trapong hudas ay pulos pangako
gagawin ng buong puso kuno
ngunit lagi na lang napapako
humaba na ang ilong at nguso
nilang trapong mapagbalatkayo

trapo'y papasok pa sa iskwater
sa putikang kayraming minarder
na dukha, kunwa'y di mga Hitler,
noong war on drugs ng nasa poder
hihimas-himas pa sa pagerper

maralita, bida pag eleksyon
ngunit pag trapo'y nanalo ngayon
pangako'y balewala na roon
dukha'y bida lamang pag eleksyon
para iboto ang trapong iyon

dahil sa dami ng maralita
sila ang nililigawang sadya
subalit sila ba'y may napala
pinangakuan, binalewala
kailan matututo ang dukha?

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022

Tulaan

TULAAN

tara, tayo'y tumula
ng samutsaring paksa
at doon isadula
ang buhay nating sadya

ikwentong pataludtod
ang bawat nating pagod
pawis, sikap at kayod
pati mababang sahod

isalaysay sa saknong
ang pasyang urong-sulong
tulad ng chess at gulong
plano'y saan hahantong

bilangin man ang pantig
na isinasatinig
dapat nating mausig
ang mga manlulupig

tula ang buhay natin
kathain ang paksain
anong isyu't usapin
sa madla'y bibigkasin

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022

* litratong kuha noong World Poetry Day

Latang titisan

LATANG TITISAN

ah, nakakatuwa ang titisan
na gawa sa latang walang laman
Master Sardines pa ang pinaglagyan
sa mga Master, may panawagan:

"Master, narito po ang titisan
Upos mo'y dito po ang lagayan
Titis ng yosi'y pagtataktakan
Ano, Master, maliwanag iyan!"

di tapunan ang kapaligiran
di basurahan ang kalikasan
simpleng ashtray ang latang titisan
nang sa bayan, makatulong naman

at dahil dito'y pakatandaan
maging sagisag ng kalinisan
gamiting maayos ang titisan
para sa kabutihan ng bayan

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022

Pamasahe

PAMASAHE

sa pasahe, tiket ay patunay
sa beepbus na ikaw ay sumakay
tumaas lang ng piso'y aaray
tila ba bulsa'y nasaktang tunay
magbayad pa rin sa paglalakbay
nang makarating ng matiwasay
sa iyong destinasyon at pakay

tulad din sa ating pamumuhay
mula pagsilang hanggang mamatay
di lang tutunganga't maghihintay
kundi mamamasahe kang tunay
destinasyong plano'y nilalakbay
sumusulong sa bawat pagsakay
bababa pag narating ang pakay

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022

Lunes, Marso 28, 2022

Sa lumang aklatan

SA LUMANG AKLATAN

tara, tayo'y magtungo sa mga lumang library
makasaysayang aklatang tiyak kawili-wili
mapupuntahan ang mga lugar na di masabi
mababasa'y samutsaring paksang makabubuti
sa daigdig, sa bansa, sa masa, at sa sarili

aking aamuyin ang mabasa kong aklat doon
at daramhin ang iba't ibang paksa ng kahapon
bakasakaling bahaginan ng naroong dunong
mga karunungang sa bansa'y makapagsusulong
ng pag-unlad ng lahat, di ng iilang mayroon

malalakbay ko sa library'y kontinente't bansa
upang mabatid ang mga makabuluhang paksa
malaman bakit sa historya'y gayon ang ginawa
paano napagsamantalahan ang manggagawa
anong sistemang yumurak sa dignidad ng dukha

nais kong mapuntahan ang mga lumang aklatan
baka sa mga agiw ay may tagong karunungan
baka sa amoy ng libro, makapa'y katapatan
ng awtor sa ibinahagi niyang kaalaman
sa mga paksang baka makabubuti sa tanan

- gregoriovbituinjr.
03.28.2022

Sa muling nilay

SA MULING NILAY

naglalakbay akong tila walang patutunguhan
sa isang madawag na sabana sa kagubatan
na tinatahak na pala'y kumunoy sa kawalan
nakaambang panganib ay paano malusutan

para bang panagimpan ng buong pagkasiphayo
aba'y ilang ulit ko na bang tinangkang maglaho
subalit nagigising na lang sa pagkarahuyo
sa diwatang lumaban sa mga trapo't hunyango

nais naming makaalpas sa pangil ng buwitre
o sa kuko ng agilang talaga ngang salbahe
o sa apoy ng dragon na nangangamoy asupre
nais naming magwagi sa labanang sadyang grabe

ah, marahil ito'y dala lang ng problema't gutom
nais kong magsalita subalit bibig ay tikom
tila binusalan ng mga nag-aastang hukom
dama'y nailarawan na lang sa kamaong kuyom

- gregoriovbituinjr.
03.28.2022

Nang mamalengke si Ka Leody

NANG MAMALENGKE SI KA LEODY

karaniwang tao, magaling na lider-obrero
sa mataas na posisyon sa bansa'y tumatakbo
bilang Pangulo, ang kinatawan ng simpleng tao
upang mamunong anim na taon sa bansang ito

karaniwang tao, siya mismo'y namamalengke
para sa asawa, anak, bisita, kuya, ate
nakita minsang bumili ng isda, gulay, karne
aba'y nakatsinelas lang noon si Ka Leody

di katulad ng trapong animo'y hari talaga
pulos alalay, may utusan na, may kutusan pa;
iba si Ka Leody, di trapo, puso'y sa masa
nakikibaka, ang madla sa kanya'y may pag-asa

kaya ganyang may puso sa masa'y dapat mahalal
karaniwang tao, naghahanda ng pang-almusal,
tanghalian at hapunan para sa minamahal
ganyan ang pinunong magaling, mabuti ang asal

- gregoriovbituinjr.
03.28.2022

* minsang papunta si Ka Leody sa Cainta market nang matiyempuhan siya ng masmidya
* litrato mula sa fb

Linggo, Marso 27, 2022

Libingan at kapak

LIBINGAN AT KAPAK

Talinghaga nina Gat Emilio Jacinto at Huseng Batute animo'y pinagtiyap. Ayon sa bayaning Jacinto sa ikatlong paksa ng kanyang akdang Liwanag at Dilim:

"Tayo'y huwag mainaman sa balat pagkat di kinakain at karaniwang magkalaman ng masaklap. Ang mga libingang marmol ay maputi't makintab sa labas; sa loob, uod at kabulukan."

Ayon naman sa makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, sa ikalawang saknong ng kanyang tulang pinamagatang "Pagtatanghal" sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 82:

"Ano ang halaga ng ganda ng malas,
di gaya ng tago sa pagkakatanyag,
huwag mong tularan yaong isdang kapak, 
makisap ang labas, sa loob ay burak."

Anong tindi ng pagkakawangki ng kanilang talinghaga, kaya ako'y napaisip, at sa tuwa'y napagawa ng tula:

dalawa kong iniidolo
talinghaga'y halos pareho
bayaning Emilio Jacinto
at makatang Batute ito

sa labas, bagay na maganda
ay hinahangaan tuwina
ngunit huwag tayong padala
pagkat loob ay bulok pala

anong tindi ng pagmamasid
pagsusuri'y kanilang batid
pamanang sa atin ay hatid
upang sa dilim di mabulid

mga gintong palaisipan
para sa ating kababayan
nagmula sa kaibuturan
ng kanilang puso't isipan

taospusong pasasalamat
sa nabanggit na mga aklat
na kung iyong mabubulatlat
may gintong diwang masasalat

- gregoriovbituinjr.
03.27.2022

Pagmamahalan

PAGMAMAHALAN

mahal na ang tubig at kuryente
gasul, gasolina't pamasahe
at ang pangunahing binibili
bigas, sahog, isda, gulay, karne

anong tindi ng pagmamahalan
ng batayang pangangailangan
presyo'y sumisirit nang tuluyan
anong sakit sa puso't isipan

pagmamahalang bakit ganoon
sa mamamayang di makaahon
sahod nga'y nakapako lang doon
di na tumaas, di maibangon

"Sahod Itaas! Presyo Ibaba!"
ang sigaw ng mga manggagawa
kahilingang dapat lang at tama
upang sa hirap ay makawala

- gregoriovbituinjr.
03.27.2022

- litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa DOLE, 03.14.2022

Buwis

BUWIS

kung iyang buwis ng bayan
magamit sa kagalingan
ng mga kababaihan
aba'y sadyang ayos iyan

paano ang double burden
na kaytagal nang usapin
ang reproductive health pa rin
ay paano sasagutin

dinggin ang kanilang hiyaw
"Make taxes work for women" daw
na kapag iyong nanilay
ay makabuluhang tunay

ang "Make taxes work for women"
ay mahalagang usapin
panawagang dapat dinggin
ng pamahalaan natin

sa plakard, iyon ang tangan
ni Ka Leody de Guzman
ating kandidato naman
bilang Pangulo ng bayan

dinggin ang hiling at sabi
buwis - gamiting mabuti
wasto, sapat at maigi
para sa mga babae

- gregoriovbituinjr.
03.27.2022

- litratong kuha ng makatang gala noong Araw ng Kababaihan

Sabado, Marso 26, 2022

Tula sa Earth Hour

TULA SA EARTH HOUR

nagpatay kami ng ilaw ngayon
dahil Earth Hour, mabuting layon
kaisa sa panawagang iyon
nakiisa sa magandang misyon

na sa pamamagitan ng dilim
maunawaan natin ang lalim
ng kalikasang animo'y lagim
pagkasirang nakaririmarim

imulat natin ang ating mata
upang kalikasan ay isalba
nagpabago-bago na ang klima
ang tao ba'y may magagawa pa

buksan din natin ang ating bibig
upang mapanira ay mausig
halina't tayo'y magkapitbisig
at iligtas ang ating daigdig

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

* litrato mula sa google

Lakas ng bisig

LAKAS NG BISIG

Manggagawa, binubuhay n'yo'y buong daigdigan
nilikha't pinaunlad ang ekonomya ng bayan
gumawa ng mga tulay, gusali, paaralan
highway, Senado, Kongreso, Simbahan, Malakanyang

Manggagawa, may kaunlaran nang dahil sa inyo
ngunit nagsisilbi sa mapagsamantalang amo
kulang sa pamilya ang sahod, kaybaba ng sweldo
gayong lipunan at bansa ang pinaunlad ninyo

tulad ng magsasaka, sa pawis ninyo nanggaling
ang ekonomya ng bansa at kinakain namin
subalit kayong Manggagawa'y naghihirap pa rin
dapat sarili n'yo'y tubusin sa pagkaalipin

kung wala kayong Manggagawa ay walang pag-unlad
ang sistemang kapitalismo'y sadyang di uusad
Manggagawa ang bayani, nagbigay ng dignidad
nagpaunlad ng daigdigan, ng bansa, ng syudad

Manggagawa, salamat sa lakas ng inyong bisig
subalit kapitalismo'y dapat nating malupig
tagapamandila ng sistemang ito'y mausig
pagkat mundong ito'y sa inyong nawalan ng tinig

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

Espasyong ligtas

ESPASYONG LIGTAS

espasyong ligtas ba ang M.R.T.
sa mga ginang at binibini
laban sa tarantado't salbahe
na kung makatingin ay buwitre
parang lalapain ang babae

buti't M.R.T.'y may paalala
na doon ay ipinaskil nila
Safe Spaces Act, tandaan mo na
sa text, facebook, saanmang lugar pa
bawal ang pambabastos talaga

salamat sa M.R.T. sa paskil
paalalang dapat magsitigil
ang sa social media'y nanggigigil
sa M.R.T. mismo'y di magpigil
sa kanilang libog, dagta't pangil

nais natin ng espasyong ligtas
kung saan wala nang mandarahas
mandarambong, trapong sukab, hudas
kundi lipunang pantay, parehas
na namumuhay tayo ng patas

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

* litratong kuha ng makatang gala habang nag-aabang ng tren sa M.R.T.

Ang takot sa debate

ANG TAKOT SA DEBATE

di kayang makipagdebate ng utak-diktador
magdikta lang ang alam ng kupal na horrorable
sasapitin ng masa sa kanila'y pulos trobol
anong gusto'y gagawin, que barbaridad, que horror

di kayang makipagdebate nilang mga kupal
na nasanay mamuno sa paraang diktaduryal
tulad ng kanilang amang sa bayan ay garapal
naku! kawawa ang bayan pag sila ang nahalal!

dahil sa debate makikita kung sino sila
kung karapat-dapat ba silang mamuno sa masa
subalit kung laging absent sa debate, alam na
aba'y mahahalata ang pagiging bugok nila

dahil maging diktador ang alam sa pamumuno
gayong ayaw ng tao sa ganyang klaseng pinuno
bentador ng bayan, berdugo ng masa, hunyango
di dapat iboto ang ganyang sukab at palalo

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Pusang himbing

PUSANG HIMBING

tinitigan ko ang pusang iyon
sa pagkahigang parang nilulon
ng animo'y dambuhalang dragon
sa bayang paglaya'y sinusulong

pusang buntis na himbing na himbing
baka pagod, mamaya gigising
pag kumagat na ang takipsilim
muli'y maghanap ng makakain

himbing sa ilalim ng sasakyan
tila malalim ang panagimpan
ano kayang kanyang pakiramdam?
himbing sa panahong kainitan

nahimbing dahil sa pagkabusog?
pagkakain ay agad natulog?
napagod sa pagpanhik-panaog?
nanaginip kasama ang irog?

katanghaliang tapat umidlip
ang pusang buntis na di malirip
pabiling-biling, anong nalirip?
kuting sana'y di mahagip ng dyip

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

Biyernes, Marso 25, 2022

Tatak sa kamiseta

TATAK SA KAMISETA

tila poster ang sa t-shirt tatak
na talaga kang mapapalatak
di man nahihili'y nagaganyak
na magsuot din ng gayong gayak

bibili ako ng t-shirt ngayon
at patatatakan na rin iyon
heat press daw ang tawag sa ganoon
magbigay lang ng disenyo roon

magplano muna bago bumili
nang may maganda namang diskarte
ang disenyo'y planuhing mabuti
nang dama'y saya, kawili-wili

sa bawat araw ay susuutin
sa paanyayang iboto natin
ang kandidatong talagang atin
Manggagawa Naman, panalunin!

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Tibuyo ni Goryo

TÍBUYÔ NI GORYÒ

hinuhulugan ko ang tĂ­buyĂŽ
ng tiglima't sampung pisong buĂŽ
mag-iipon akong walang hintĂŽ
hanggang tibuyong ito'y mapunĂŽ

may baryang bente pesos ding sukat
mapunong tila kaing ng duhat
sa buong taon ay mapabigat
baka may ginhawang maiakyat

barya man ay pinag-iipunan
sa tĂ­buyĂŽ ng kinabukasan
upang sa panahong kagipitan
kahit paano'y may ipon naman

ganyan ang tĂ­buyĂŽ ng pangarap
na punong-puno ng pagsisikap
may mahangĂČ sa panahong hirap
may dudukutin sa isang iglap

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

tĂ­buyĂŽ - Tagalog-Batangas sa wikang Kastilang alkansya

Titisan

TITISAN

gumawa pang muli ng titisan
o ashtray upang mapagtapunan
ng upos at titis ng sinumang
nagyoyosing madalas o minsan

iaambag ang titisang iyon
sa mga opisina - ang misyon
upos at titis, ilagay doon
na sa kalikasan din ay tulong

salita'y itinataguyod din
na may salin na sariling atin
na maganda ring ating gamitin
di pulos ashtray na iinglesin

tulad ng tibuyo sa alkansya
banoy naman para sa agila
at sa iskor at tally ay para
sa ashtray ay may titisan pala

wikang sarili'y ipalaganap
ito'y itaguyod nating ganap
wikang pangmasa sa pag-uusap
unawain ito't ipalasap

ganito sa tulad kong makata
gamit sa kalikasan at diwa
itaguyod, sariling salita
wika ng bayan, wika ng madla

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Pagsasalin ng haiku

PAGSASALIN NG HAIKU

Nakabili ako ng libro ng haiku ng makatang Hapones na si Matsuo Basho noong Abril 13, 2019 sa halagang P80.00. Nilathala ito ng Penguin Classics. Naitago ko ang librong ito at nakita muli. Binasa ko ang ilan niyang haiku na pawang salin na sa Ingles. 

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang lima niyang haiku sa paraan ding iyon na pantigang 5-7-5. Pinili ko lang ang isinalin dahil ang iba'y hindi kayang ipasok sa 5-7-5 dahil sa mahahabang salita natin. Na marahil sa wikang Hapones,  maraming salitang iisa ang pantig na pasok na pasok sa kanilang haiku.

p. 28
Whiter than stones (Ang Batong Bundok)
of Stone Mountain - (maputi pa sa bato -)
autumn wind. (hanging taglagas.)

p. 31
Where cuckoo (Nang ibong kuku)
vanishes - (ay tuluyang naglaho -)
an island. (ang isang pulo.)

p. 38
Violets - (Ang mga lila -)
how precious on (kayhalaga sa landas)
a mountain path. (ng kabundukan.)

p. 47
Come, see real (Halika, tingni
flowers (ang bulaklak sa mundong)
of this painful world. (napakasakit.)

p. 49
Crow's (Ang iniwanang)
abandoned nest, (pugad ng isang uwak,)
a plum tree. (puno ng duhat.)

Isa siyang inspirasyon. Pawang mula sa kalikasan ang kanyang mga haiku. Dahil dito, kumatha rin ako ng una kong limang haiku.

1
Langay-langayan
pagkatuka'y lilipad,
parang tulisan!

2
Ang mga langgam
ay sadyang kaysisipag,
mumo na'y tangay!

3
Daga sa bahay,
takbuhan ng takbuhan,
kisame'y luray.

4
Sa tinding usok,
napuksa ba ng katol
ang laksang lamok?

5
Pusa'y humibik,
nang mabigyan ng tinik
agad humilik.

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Almusal ko'y tula

ALMUSAL KO'Y TULA

madalas, almusal ko'y tula
imbes kanin at pritong isda
madaling araw na'y kakatha
pagbukangliwayway, may tula

tula muna'y aalmusalin
pag nabusog ay lulutuin
ang agahang talagang atin
ang isda, kanin at gulayin

kaya almusal pagkaluto
magsasalo ang magkasuyo
basta huwag lang matutuyo
ang tiyan, lalamuna't puso

almusal ko'y tula, madalas
madaling araw pa'y pupungas
pangarap na lipunang patas
yaong sa diwa'y pinipitas

at isusulat nang malambing
tila tulog, sarap ng himbing
subalit tula'y nanggigising
kaya sa pagtula'y nagising

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Huwebes, Marso 24, 2022

Senador Luke

SENADOR LUKE

abogado ng masa, palaban
mapanuri sa isyung pambayan
siya'y talagang maaasahang
ilaban ang ating karapatan

ngalan niya'y Ka Luke Espiritu
ang ating Senador ng obrero
at kinatawan ng pagbabago
panlaban sa dinastiya't trapo

misyon ay baguhin ang sistema
para sa panlipunang hustisya
kalusin ang mapagsamantala
pati bundat na kapitalista

misyong baligtarin ang tatsulok
durugin ang trapong nakasuksok
sa bulsa ng negosyanteng hayok
sa tubong sa likod nakaumbok

trapo't dinastiya na'y sugpuin
hustisyang panlipunan ay kamtin
Luke Espiritu, kasangga't atin
sa Senado'y ipagwagi natin

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Lakbay

LAKBAY

naglalakbay muli ang diwa
sa naroong di matingkala
na pilit kong inuunawa
pagkat sanhi ng mga gatla

kung saan-saan na sumakay
ang diwang patuloy sa nilay
sa dyip, sa tren lumulang tunay
sumakay ng di mapalagay

anong kahulugan ng bulok
at pagbaligtad ng tatsulok
dahil ba trapo'y nasa tuktok
na nananalo kahit bugok

bakit nga ba kalunos-lunos
ang buhay ng api't hikahos
saan kukunin ang pantustos
kung mga dukha'y laging kapos

lipunan pa ba'y aaralin?
kayhaba ba ng lalakbayin?
mga tulay ba'y tatawirin?
at tula ba'y patatawarin?

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Pagdiga

PAGDIGA

O, sinta't magandang binibini
diwata kang kabigha-bighani
na nasa puso ko't guniguni
pag-ibig mo ang sana'y maani

mga matang sadyang nangungusap
sana puso kong iwi'y matanggap
ng diwata kong pinapangarap
upang labi'y mahagkan kong ganap

tanggapin mo ang rosas na ito
rosas na tanda ng pag-ibig ko
pulang rosas, pulang-pulang ito
kulay ng kagitingang totoo

tanggapin nawa yaring pag-ibig
at sasaya ang ating daigdig
ang OO mo'y nagpapahiwatig
ng tapat kong pagsuyo't sigasig

salamat sa iyo, aking sinta
sinagot ako'y isang sorpresa
siyang tunay, iniibig kita
magkaanak sanang sandosena

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Kaytinding virus

KAYTINDING VIRUS

bago pa ang pandemya ng COVID
ay dama na sa mundo't paligid
ang virus na kaytinding pumatid
ng buhay ng maraming kapatid

kaytinding virus, di matugunan
at di rin ito mapag-usapan
dahil dukha lang ang tinamaan?
at di ang mayayamang iilan?

mabuti pa nga ang COVID 19
at buong mundo'y nagbigay pansin
laksa'y namatay, mayayaman din
walang sinino ang COVID 19

ngunit ang virus ng kagutuman
na naging salot sa daigdigan
pumatay ng laksang mamamayan
ay di man lang napapag-usapan

bakit? bakit ganyan ang naganap?
dahil tinamaan ay mahirap?
at di mayayamang tuso't korap?
pag kagutuman, walang mangusap!

subalit pagkain ang bakuna
paglutas dito'y di ba makaya?
dahil kapitalismo'y sistema?
mapangyurak sa dangal ng masa?

nalalantad ang katotohanan
mayaman kasi'y di tinamaan
kaya di mabigyang kalutasan
ang virus: ngalan ay KAGUTUMAN!

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022
* litrato mula sa google

Sa aking daigdig

SA AKING DAIGDIG

mga tula ang aking daigdig
kasama'y obrerong kapitbisig
mga prinsipyado't tumitindig
sa isyu't sa masa'y nananalig

sa daigdig ko'y kayraming tula
na kinatha para sa dalita
pinagsasamantalahang dukha
at mga naaping manggagawa

obrero't dukha ang aking guro
pakikipagkapwa ang tinuro
sa api pumipintig ang puso
at di sa mga trapong hunyango

sa daigdig ko'y kinathang tunay
ang mga tula ng paglalakbay
na sa pag-iisa'y naninilay
na ang paglikha ng tula'y tulay

tulay ng pagkakaunawaan
tulay sa hustisyang panlipunan
tulay ng galangan, kagalingan
at tulay sa pagkakapatiran

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Miyerkules, Marso 23, 2022

Punyal

PUNYAL

tahimik lang daw ako na para bang dalagang basal
kaya bakit tatanganan ang matalas na punyal
ng mga katagang baka makasugat ng dangal
subalit sa pagtula'y bakit daw napakadaldal

sadyang tunay, napakatahimik ng aking pluma
na madalas isulat ay pawang buntong-hininga
ng masang walang makapitan kundi mga sanga
ng isang punong tinawag nilang pakikibaka

ako'y nananahan sa mga sugat sa balikat
at binalikat ang mga sugatang nagsasalat
habang patuloy ang daloy ng dugong di maampat
nang manugat ang mga salitang sumasalungat

kumakapit man sa punyal ang masang nasa dilim
ay narito ang makatang nagbibigay ng lilim
sa mga dukhang ang sugat ay matagal nang lihim
na hayagang batid din ng trapong bulag at sakim

kayong kapit sa patalim, sa punyal, sa balaraw
magkapitbisig upang putlin ang gintong pamangaw
na pinulupot sa atin upang tayo'y maligaw
tayo'y magsikilos tungong paglaya balang araw

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Sama-samang pagkilos

SAMA-SAMANG PAGKILOS

may kakamtin din tayo sa sama-samang pagkilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
upang makaalpas sa buhay na kalunos-lunos
upang guminhawa ang buhay ng kapwa hikahos

walang manunubos o sinumang tagapagligtas
ang darating, kundi pagkilos, samang-samang lakas
maghintay man tayo, ilang taon man ang lumipas
kung di tayo kikilos, gutom at dahas ang danas

mga kapwa api, kumilos tayong sama-sama
at iwaksi na ang  mapagsamantalang sistema
kaya nating umunlad kahit wala ang burgesya
na sa masa'y deka-dekada nang nagsamantala

kapara nati'y halamang tumubo sa batuhan
na di man diniligan, nag-aruga'y kalikasan
tulad ng mga dahong sama-samang nagtubuan
kumilos tayo't baguhin ang abang kalagayan

sa sama-samang pagkilos, tagumpay ay kakamtin
ito'y katotohanang sa puso't diwa'y angkinin
dudurugin ang sistemang bulok, papalitan din
ng makataong lipunang pinapangarap natin

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Dagok

DAGOK

sumasagad ang dagok
sa masang nangalugmok
pagkat sistemang bulok
namayagpag sa tuktok

hawak man ng burgesya
sa kamay ang pistola
di magawa sa masa
ang pag-unlad na nasa

mapagpanggap na trapo
hunyangong pulitiko
kapitalistang tuso
donyang maluho't garbo

ang mga trapong bugok
sa bulsa nakasuksok
ng mayayamang hayok
sa perang di malunok

dukha'y sisinghap-singhap
buhay aandap-andap
kahit na nangangarap
makaalpas sa hirap

dagok sa pagkatao
ang sistemang ganito
pagkat walang prinsipyo
o pagpapakatao

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Paglalayag

PAGLALAYAG

ako'y naglayag sa nakaraan
baka mapulot ko'y kaalaman
at pinag-aralan ang lipunan
pati na ang ating kasaysayan

ano bang ginawa ng ninuno?
sa tinawag na lupang pangako?
sila ba sa dayo'y narahuyo?
mayroon bang lipunang pangako?

ako'y naglakbay sa nakalipas
upang hanapin ang mga bakas
ng mga pinunong pumarehas
at nangarap ng lipunang patas

ang bukas ba'y paano inukit
at hinanda ng may malasakit
anong kinabukasan ng paslit
sa sistemang laksa'y pinagkait

sa nakaraan ako'y naglayag
nakitang bayani'y nangabihag
buhay pa'y nilagot, di naduwag
landas natin, kanilang pinatag

nang bumalik sa kasalukuyan
pasya'y ituloy, kanilang laban
itayo ang patas na lipunan
at sistemang bulok ay palitan

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Kaalaman

KAALAMAN

bakit aaralin ang lipunan
at kalagayan ng kalikasan
anong nais nating matutunan
nang umunlad pa ang kasanayan

malaking tulong ang pagbabasa
at pakikipamuhay sa masa
batid ang isyu't problema nila
at dahilan ng pakikibaka

kahit pa tumatanda na tayo
mag-aral pa rin upang matuto
magbasa-basa tayo ng libro
kaalaman, lipunan, prinsipyo

anong bago sa teknolohiya
anong nangyari, bakit may gera
kapayapaan ay paano na
anong kasanayang marapat pa

tatanda tayong di pulos alak
ang laman ng tiyak o ng utak
di papayag gumapang sa lusak
dahil tingin sa sarili'y hamak

paunlarin natin ang sarili
ang lahat ay di pa naman huli
sa lipunang ito nga'y kasali
tumanda man, tayo pa'y may silbi

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Martes, Marso 22, 2022

Pagpapahalaga

PAGPAPAHALAGA

nasingit man kasama ng iba
aba, ito'y napakahalaga
kahit singit man, siya'y nakita
ng publiko, ng madla, ng masa

kandidato'y di naman mayaman
kaya tarpolin niya'y iilan
habang mga trapong mayayaman
tambak ang tarpolin sa lansangan

paramihan nga ba ng tarpolin?
yaong labanan sa bansa atin?
sinong makita'y panalo na rin?
wagi ba'y ang maraming tarpolin?

pagbutihin natin ang ganito
kahit isa'y isingit sa tatlo
o itabi sa dalawa, pito
isa man, ipagitna sa walo

pasalamat din tayo sa madla
at naisisingit din ang sadya
pambatong may dakilang adhika
para sa manggagawa't sa bansa

- gregoriovbituinjr.
03.22.2022

Paskil ng trabaho

PASKIL NG TRABAHO

sa isang gusaling di pa tapos
ay nakapaskil ang panawagan
trabaho para sa mga kapos
at obrerong nangangailangan

factory worker ang hinahanap
saan? pabrika kaya ng tela?
o elektroniko ang hagilap?
trabahong malaki ba ang kita?

ako ma'y nagbabakasakali
upang makatanggap din ng sahod
sa pabrika'y magtrabaho muli
kaysa buhay na ito'y hilahod

baka magkaroon ng dignidad
upang bumuhay at magkabuhay
ngunit lampas na ako sa edad
sa rekisitos na ibinigay

ako'y isang dating manggagawa
na trabaho'y sa elektroniko
at ngayon ay lider-maralita
naglilingkod sa dukha't obrero

- gregoriovbituinjr.
03.22.2022

A Walk for Ka Leody...

A WALK FOR KA LEODY,
WALDEN, AND THEIR LINE UP
IS A WALK FOR CLIMATE JUSTICE

4.22.2022 (Earth Day)
7am-12nn
from Bonifacio Monument in Caloocan
to Bantayog ng mga Bayani in QC
to People Power Monument in Mandaluyong

with Poetry Reading of Tagalog poems

Concept:

This activity is a walk and awareness campaign which will be held on Earth Day, 4.22.2022, for our candidates less than three weeks before the May election.

Presidential candidate Ka Leody de Guzman joined us during our Climate Walk from Luneta to Tacloban in 2014, a year after supertyphoon Haiyan, popularly known as Yolanda, landed in the Philippines that killed more than 5,000 people. Ka Leody also spoke about climate emergency and also calls for climate justice.

Vice Presidential candidate Walden Bello is an internationally known activist who has written many topics on economy and ecology.

Candidates for Senator Atty. Luke Espiritu and the two known environmentalist Roy Cabonegro and David D'Angelo is also knowledgeable and actively campaining in this respect and can clearly explain their call for climate justice to the masses.

Ka Lidy Nacpil, an internationally known activist fighting for several decades now for Climate Justice, is the second nominee of PLM Partylist.

Let's join us in this Walk for Climate Justice on Earth Day, because "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE!"

Mechanics ng nasabing Alay-Hakbang para sa Klima:

Ang paglalakad ay sisimulan ng mga volunteer, na maaaring lima hanggang sampung katao. May hawak na malaking banner na nakasulat ang: "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE”. 

Upang hindi masyadong hingalin ang mga maglalakad o sasama sa Alay-Hakbang para sa Klima, maaaring may magsimula lamang mula Bonifacio monument hanggang Balintawak market, at papalitan na sila ng isa pang set ng maglalakad.

Istasyon ng paglalakad:

(1) Magsisimula ang paglalakad mula sa Monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan hanggang Balintawak market. Pahinga ng sampung minuto.

(2) Paglalakad mula Balintawak market hanggang SM North. Pahinga ng sampung minuto.

(3) Paglalakad mula SM North hanggang Bantayog ng mga Bayani. Pahinga ng sampung minuto.

(4) Paglalakad mula Bantayog ng mga Bayani hanggang Farmers, Cubao. Pahinga ng sampung minuto.

(5) Paglalakad mula Farmers, Cubao hanggang People Power Monument.

Magkakaroon ng munting programa sa People Power Monument. Kasabay nito’y ang Tulaan sa Earth Day, kung saan ang mga tula ay batay sa facebook page na 60 Green Poems for April 22 and for our Green Candidates. 

Nawa’y mahilingan nating magsalita sa aktibidad na ito ang ating mga kandidatong sina Ka Leody de Guzman, Ka Walden Bello, Atty. Luke Espiritu, at syempre ang dalawa nating environmental senatoriables na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo.

Bukod sa tulaan sa nasabing paglalakad, ang gabi ng April 22 ay inilaan natin para sa TULAAN o poetry reading sa BMP-KPML office sa Lungsod ng Pasig. 

Hiling po namin ang inyong suporta sa gawaing ito. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
participant, Climate Walk from Luneta to Tacloban (October 2, 2014 - November 8, 2014)
participant, French leg of the People's Pilgrimage from Rome to Paris (November 7, 2015 - December 14, 2015)

Lunes, Marso 21, 2022

Sa Timog-Katagalugan

SA TIMOG-KATAGALUGAN

nagpapatuloy ang kampanyahan
doon sa Timog-Katagalugan
upang maipagwaging tuluyan
ang kandidato sa panguluhan

maipanalo si Ka Leody
ng masang ating kinukumbinsi
lalo sa mga bagong botante
na sa bagong pulitika'y saksi

kahit tumatagaktak ang pawis
ang ikinakampanya'y malinis
walang korupsyon o bahid-dungis
ngunit magaling makipagtagis

anti-dinastiyang pulitikal
anti-trapo at anti-kriminal
anti-burgesya't anti-pusakal
ang sistema nga'y kanyang inaral

line-up niya'y ating ipanalo
sa pagka-Bise'y si Walden Bello
bilang Senador: Luke Espiritu,
Roy Cabonegro, at D'Angelo

doon sa Timog-Katagalugan
sigaw namin: Manggagawa Naman
P.L.M. partylist, atin iyan
para sa uri, para sa bayan

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022 World Poetry Day

Pasasalamat

PASASALAMAT

salamat sa lahat ng dumalo
sa World Poetry Day ngayon dito
pagkat nagtulaan tayo-tayo
sa munting aktibidad na ito

kasama ang mga maralita
na talaga kang mapapahanga
pagkat sila'y nakisamang sadya
sa pagbabasa ng mga tula

tula'y binasa ng malumanay
iba'y binasa iyong kayhusay
binigkas nilang buhay na buhay
kaya taos kaming nagpupugay

matapos iyon ay nagmeryenda
mani, pandecoco, ensaymada
may saging, kanin, pritong isda pa
lahat kami'y umuwing masaya

muli, taospusong pasalamat
sa mga dumalo rito't sukat
sa World Poetry Day, aktibidad
natin tungo sa lipunang sapat

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022

* salamat sa mga dumalong maralita mula sa komunidad ng Brgy. San Miguel at Brgy. Palatiw sa Lungsod ng Pasig

Pagtula

PAGTULA

di napuntahan ang toreng garing
upang magsanay maging magaling
ngunit napunta sa magigiting
na bayaning may mabuting supling

isinilang akong walang-wala
sa daigdig na puno ng sigwa
binigay ko ang lahat sa tula
dito ako dinala ng mutya

na kilalang Musa ng Panitik
na haraya'y tigib, liglig, siksik
na binungang diwa'y sadyang hitik
upang itula ang masa't hibik

patuloy ako sa paglalakbay
tinawid yaong bundok at tulay
at nilangoy ang laot ng malay
ay patuloy sa pagkatha't pakay

hanggang mailarawan sa akda
ang pinagsamantalahang dukha
at mga naaping manggagawa
dahilan sa sistemang kuhila

dahon ng kalikasa'y naluoy
di magawang pakuya-kuyakoy
paa ko'y lumubog sa kumunoy
subalit sa pagtula'y patuloy

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022 World Poetry Day

Ngayong World Poetry Day

NGAYONG WORLD POETRY DAY

nakatulala sa tala
sa tulay nakakatula
ng tulang palabang diwa
may tula'y subok sa sigwa

halina't tula'y ibigkas
sa ating munting palabas
sana'y may lipunang patas
nasa'y lipunang parehas

World Poetry Day na ngayon
pangarap pa ring sumulong
sa hamon ay di uurong
sa laban man ay sumuong

tara, tayo'y magsikatha
ng tulang nasasadiwa
paksa ma'y para sa dukha
o sa uring manggagawa

diona, tanaga, dalit
bigkasin sa maliliit
karapata'y ginigiit
upang hustisya'y makamit

sa epiko'y isiwalat
ang sa mga trapo'y banat
magsusulat, magmumulat
hustisya'y para sa lahat

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022

Linggo, Marso 20, 2022

#2 Ka Leody

#2 KA LEODY

number two sa balota
ang Pangulo ng masa
Ka Leody, siya na
pampangulo talaga

Leody Manggagawa
mabuti ang adhika
layon niya'y dakila
para sa uri't madla

Ka Leody de Guzman
mapanuri, palaban
ang kasangga ng bayan
para sa panguluhan

makasaysayang takbo
kandidato'y obrero
bilang ating Pangulo
na dapat ipanalo

siya si Ka Leody
ang ating Presidente
kaytagal ng kakampi
ng dukha, masang api

kaya ang ating mithi
ang siya'y ipagwagi
ang Pangulo ng uri,
ng bayan, at ng lahi

- gregoriovbituinjr.
03.20.2022

Ka Luke Espiritu

KA LUKE ESPIRITU

si Ka Luke Espiritu
hindi lang abogado
siya'y lider-obrero
ilagay sa Senado

palaban, mapanuri
prinsipyado, may mithi
sa bayan at sa uri
iboto't ipagwagi

kasangga ng paggawa
at mga maralita
may mabuting adhika
may layuning dakila

para sa sambayanan
para sa kalikasan
Luke Espiritu naman
ang Senador ng bayan

- gregoriovbituinjr.
03.20.2022

Patama sa sarili

PATAMA SA SARILI

minsan, kasalanang magising ng alas-siyete
ng umaga habang iba'y handa nang bumiyahe
patungo sa trabaho o gumawa ng diskarte
upang pamilya'y di magutom, agad sumisige

minsan, kasalanan ding magising ng alas-sais
putok na ang araw, nakahilata pa sa banig
habang abang magsasaka'y naroon na sa bukid
habang si Inang, may pang-almusal na sa bulilit

nasa lungsod man, maganda pa ring madaling araw
ay bumangon na, bago pa ang araw ay lumitaw
anong sarap gumising sa alas-singkong maginaw
painat-inat, maya-maya'y hihigop ng sabaw

na mainit, sa mga gagawin ay maghahanda
upang di abutin ng tabsing sa dagat o sigwa
mahirap nang patulog-tulog sa pansitan, ngawa
kung babangong tirik na ang araw, tamad bang sadya?

- gregoriovbituinjr.
03.20.2022

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...