Lunes, Marso 7, 2022

Dahon

DAHON

"Tayo'y Mga Dahon Lamang," anang awit ng ASIN
dahon sa matatag na punong kinapitan natin
pakinggan mo ang awit, talinghaga'y anong lalim
subalit mauunawaan din ng tulad natin

nakakapit sa sanga'y matibay kahit maginaw
ang gabing ang mga kuliglig ay pumapalahaw
ang bitaminang pampalakas ay sinag ng araw
dahon tayong pag nalagas sa puno'y maninilaw

tayo'y dahon ng punong matatag at nasa lupa
di tulad ng elitistang mapangmata sa dukha
tayo'y karaniwang taong nabuhay sa paggawa
ang matatag na puno'y daigdig, o buong bansa

dahong di parehas ang tubo, iba-ibang uri
may mapagsamantala sa lipunan, naghahari
may laksa-laksang naghihirap at kumain dili
may nabubuhay sa lakas-paggawa, anluwagi

kaya kami'y nangangarap ng pantay na lipunan
na sistema'y di nakakasira ng kalikasan
na hustisya'y di para sa mayaman o iilan
sa yaman ng lipunan, dapat lahat makinabang

oo, tayo'y dahon lamang sa munti nating mundo
ngunit dapat karapatang pantao'y irespeto
hustisyang panlipunan ay pairaling totoo
at itayo na natin ang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
03.07.2022    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Bente pesos na ang tatlong pirasong tuyo

BENTE PESOS NA ANG TATLONG PIRASONG TUYO bibilhin ko sana'y tsamporado na bente singko pesos ang presyo ubos na, nagtuyo na lang ako ben...