Huwebes, Marso 3, 2022

Sa hagdanan

SA HAGDANAN

aakyatin ko ang kalangitan
ng mga diyos ng kapalaran
upang iprotesta ang kawalan
ng ginhawa nitong taumbayan

bakit para kayong mga bingi
sa hinaing ng kumain dili
nahan kayo sa daing ng api
kundi sa sofa n'yo nawiwili

bakit para kayong mga bulag
gayong sikreto'y ibinubunyag
sinong nagparusa sa lagalag
na dukhang wala namang nilabag

tama lang ibagsak kayong poon
ng salot na kontraktwalisasyon
deregulasyon, pribatisasyon
na pahirap lang sa madla't nasyon

akyatin na ang hagdan ng langit
at ibagsak ang poong kaylupit
upang ang sistemang nasa bingit
ay mapalitan na nating pilit

- gregoriovbituinjr.
03.03.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Barya lang po sa umaga

BARYA LANG PO SA UMAGA bilin doon:  barya lang po sa umaga habang aking tinatanaw ang pag-asa na darating din ang asam na hustisya lalo'...