Huwebes, Hunyo 16, 2022

Dalawang aklat ng salin

DALAWANG AKLAT NG SALIN

Nakakatuwa na sa paghahalungkat ko sa aking munting aklatan ng nais kong basahin ay nakita kong muli ang dalawang aklat ng salin, lalo na't pulos proyekto ko ngayon ay gawaing pagsasalin.

Noong 2016 ay ibinigay sa akin ng isang kaibigan ang aklat na "Nabighani: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha" ni Fr. Albert E. Alejo, SJ. Inilathala ito ng UST Publishing House. May dedikasyon pa iyon ng nasabing pari, kung saan isinulat niya: "Greg, Bituin ng Pagsasalin, Paring Bert, 2016". Dedikasyong tila baga bilin sa akin na ipagpatuloy ko ang gawaing pagsasalin.

Nabili ko naman sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021 ang aklat na "Landas at Kapangyarihan: Salin ng Tao Te Ching" ni Prof. E. San Juan, Jr.. Ang librong Nabighani ay may sukat na 5.5" x 9" at may 164 pahina, at ang librong Landas at Kapangyarihan, na inilathala ng Philippine Cultural Center Studies, ay may sukat na 5.25" x 8" at may 100 pahina.

Maganda't nahagilap ko ang mga ito sa panahong tinatapos ko ang salin ng 154 soneto ni William Shakespeare para sa ika-459 niyang kaarawan sa Abril 2023, pati na pagsasalin ng mga tula ng makatang Turk na si Nazim Hikmet at ng makatang Bolshevik na si Vladimir Mayakovsky. Bukod pa ito sa planong pagsasalin ng mga tula ng mga lumahok noong Unang Daigdigang Digmaan. Nasimulan ko na ring isalin ang ilang tula nina Karl Marx (noong panahong 1837-38) at ni Edgar Allan Poe. Nakapaglathala na rin ako noon ng aklat ng salin ko ng mga akda ni Che Guevara, kung saan inilathala ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective.

Binabasa ko at pinag-aaralan ang mga akda sa dalawang nabanggit kong aklat ng salin, upang bakasakaling may matanaw na liwanag o anumang dunong sa ginawa nilang pagsasalin, na hindi lamang basta nagsalin ng literal kundi paano nila ito isinalin nang matapat sa orihinal at maisulat nang mas mauunawaan ng mambabasa.

Ang mga ganitong aklat ng salin ay nagbibigay inspirasyon sa akin upang pag-igihan pa at ipagpatuloy ang mga nasimulan kong gawain at tungkuling pagsasalin. Wala naman akong inaasahang kikitain sa mga ito dahil ito'y inisyatiba ko lamang, kung saan tanging kasiyahan ang madarama pag natapos at nalathala ang mga ito. Higit pa ay nais kong mag-ambag upang higit na maunawaan ng ating mga kababayan ang mga akda ng mga kilalang tao sa kasaysayan, at ng mga hindi kilala ngunit may naiambag na tula upang ilarawan ang kanilang karanasan sa kanilang panahon.

Nais kong mag-iwan ng munting tula ng pagninilay at sariling palagay hinggil dito.

ako'y matututo sa dalawang aklat ng salin
na sa munting sanaysay na ito'y nabanggit ko rin
mabuti't nagkaroon ng ganitong babasahin
nang nangyayari sa ibang dako'y mabatid natin

di lang ito babasahin kundi aaralin pa
upang sa ginawa nila, may aral na makuha
salamat sa salin nila para sa mambabasa
nang maunawa yaong klasikong akda ng iba

para sa akin, libro't nagsalin ay inspirasyon
di lang ang aklat kundi ang mga nagsalin niyon
sa gitna ng pagkakaiba ng kultura't nasyon
magsalin at magpaunawa ang kanilang misyon

sadyang kayganda ng layunin ng kanilang aklat
isinalin upang maunawaan nating sukat
yaong mga klasikong akda't tulang mapagmulat
mabuhay ang mga nagsalin, maraming salamat

tunay na mahalaga ang gawaing pagsasalin
kaya ito'y ginawa ko't niyakap ding tungkulin
para sa masa, para sa bayan, para sa atin
at sa kinabukasan ng henerasyong darating

06.16.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...