Huwebes, Nobyembre 17, 2022

Sa aking lungga

SA AKING LUNGGA

ah, bihira na akong lumabas sa aking lungga
maliban kung may pagkilos ang kapwa maralita
nagbabasa roon sa munting aklatan ng akda
ng mga awtor, nobelista, kwentista't makata

namamalagi lamang sa ilang metro kwadrado
tila isang dipang langit o munting paraiso
kung saan palibot ay magasin at ilang libro
ang musika'y busina, huni ng ibon o radyo

habang ako'y nasa bartolina ng tugma't sukat
na pawang saknong at taludtod ang isinusulat
nagdidildil man ng asin pag araw na'y sumikat
sa pagbabasa't pag-inom ng tubig nabubundat

animo'y nasa kubong naroon sa kagubatan
na buhay sa kalikasan yaong nararamdaman
paglinang ng sining ko'y dito pinagbubuhusan
ng pawis, panahon, buong puso't guniguni man

- gregoriovbituinjr.
11.17.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...