Huwebes, Enero 19, 2023

Nalirip

NALIRIP

minsan, kailangan kong gawin ang nasasaisip
isulat kara-karaka ang anumang nalirip
bagamat may mga salitang di basta mahagip

pag dadalo ng pulong, sakyan ang mabilis na dyip
o kaya'y magbisikleta kung daan ay masikip
bago pa umulan, pasakan ang butas sa atip

kung magbagyo mang kaylakas ng hangin kung umihip
yaong mga nasalanta'y tulungan at masagip

maraming tungkulin sa bayan, huwag lang mainip
masa'y organisahing may prinsipyong halukipkip
lalo't manggagawa'y kasanggang walang kahulilip

ah, ano pang gagawin bago tuluyang umidlip
may natakpang isyu bang dapat tanggalan ng takip
kung meron, sabihan ako't ang mensahe'y ilakip

- gregoriovbituinjr.
01.19.2023    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa pag-iisa - tanaga baybayin

SA PAG-IISA ‎ sa buhay na'y mag-isa nang mawala ka, sinta kaya ako'y nagpasya tula ko'y gawing kanta ‎ ‎- gbj/‎03.16.2026 tanaga...