Biyernes, Abril 7, 2023

Abril 7 - World Health Day

ABRIL 7 - WORLD HEALTH DAY

tuwing Ikapito ng Abril ay Pandaigdigang
Araw ng Kalusugan, batid mo ba, kaibigan?
isang paalala lamang, kahit di ipagdiwang
pagkat patungkol sa kalusugan ng mamamayan

kumusta ka na, kaibigan, wala ka bang sakit
o kung may nararamdaman ay tumatayong pilit
iniisip na malakas kahit dinadalahit
ng ubo, o kaya'y may sakit din ang mga paslit

kung di ipinagdiriwang ay anong dapat gawin
upang kalusugan ng kapwa ay alalahanin
anong mga paalala ba ang dapat sabihin?
upang manatiling malusog ang pamilya natin?

walong basong tubig araw-araw ang inumin mo
magsuot ng bota pag sa baha'y lulusong kayo
ang leptospirosis ay talagang iwasan ninyo
pag naulanan, magpalit ng damit, baro, sando

ayos lang, kaibigan, kung maraming paalala
ika nga nila, prevention is better than cure, di ba 
kaya sa payo ng matatanda ay makinig ka
para sa kabutihan mo rin ang sinabi nila

kaya ngayong World Health Day, atin namang pagnilayan
ang samutsaring pandemyang ating pinagdaanan
pati mga mahal na inagaw ng kamatayan
at pakinggan ang nadarama't bulong ng katawan

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA sumasali ako sa pagtula dahil iyan ang bisyo ko't gawa salitan man ang mga salita patuloy na kakatha't kakatha m...